
Sosorpresahin Sana ng Dalagang OFW ang Kaniyang mga Magulang; Ngunit Siya ang Nasorpresa nang Makitang Iba na ang Nakatayo sa Dating Bahay Nila
Sabik na sabik si Janella. Makalipas kasi ang higit walong taon na pagtatrabaho niya sa Saudi ay makakauwi na rin siya sa Pilipinas sa wakas.
Isang buwang bakasyon ang hiningi niya sa kaniyang amo para naman makasama niya nang matagal-tagal ang mga magulang niya.
Sorpresa ang pag-uwi niya. Sa totoo lang, walang nakaaalam sa kanila na uuwi siya.
Madalas kasi, sa t’wing tumatawag siya ay nariringgan niya ang kaniyang mga magulang na umuwi na raw siya. Miss na miss na raw siya ng mga ito.
Subalit hindi niya rin magawang umuwi dahil alam niya na kailangan niya itaguyod ang kaniyang ama’t ina.
“Maligayang pagbabalik,” bulong niya nang makalabas siya ng airport.
“Halos walang nagbago. Nadagdagan lamang ang mga naglalakihang gusali,” iyon ang nasa isipan ng dalaga habang lulan siya ng taxi pauwi sa kanilang bahay.
Hindi mapuknat ang kaniyang ngiti sa t’wing iniisip niya ang magiging reaksyon ng kaniyang ama at ina.
Subalit hindi niya inaasahan ang makikita nang umuwi siya sa kanilang tirahan.
Wala na roon ang bahay nila! Iba na ang nakapwesto sa dating kinatitirikan ng bahay nila.
Ang nakatayo na lamang doon ay isang tindahan ng naggagandahang cake at masasarap na tinapay.
Tigagal siyang nakatulala sa labas ng tindahan, kaya marahil isang empleyado doon ang lumabas at nag-usisa.
“Ma’am, may problema po ba? Pasok po kayo, marami ho kaming bakanteng upuan,” magalang na paanyaya nito.
Wala sa loob na umiling siya, kahit pa nanuot sa ilong niya ang mabangong amoy ng tinapay.
“May balita ba kayo sa bahay na dating nakatayo dito?” usisa niya sa babae.
Saglit itong natigilan. Tila nag-iisip. “Ang alam ko lang po ay pinagawa ng may-ari ang tindahan ito para sa anak nila,” sagot nito bago magalang na nagpaalam.
Minasdan ni Janella ang tindahan ng cake. “Jane’s Bakeshop” ang pangalan nito.
Napangiti siya nang mapait. Naibenta na pala ang bahay nila, pero wala siyang kaalam-alam!
Nanginginig na tinawagan niya ang kaniyang Nanay.
“Hello, Jane, anak?” bungad nito.
“‘Nay, anong nangyari sa bahay natin? Bakit iba ang nakatayo sa dati nating lupa?” umiiyak na tanong niya sa ina.
“Ano? Anong sinasabi mo, anak?” tila naguguluhang usisa nito.
“Nasa Pilipinas ako, ‘Nay. Umuwi ako. Sosorpresahin ko sana kayo kaso ako pa ang nagulat pag-uwi ko,” sagot niya sa ina.
“Ano? Nasa Pilipinas ka at nariyan ka sa dati nating bahay? Hintayin mo kami riyan, susunduin ka namin!” tarantang bulalas ng kaniyang ina.
Tahimik siyang naghintay sa isang gilid, bitbit ang kaniyang maleta. Maraming bagay ang tumatakbo sa kaniyang isipan.
Anong nangyari sa bahay nila? Bakit inilihim ng kaniyang pamilya na naibenta na pala iyon? Saan napunta ang lahat ng ipinadala niya sa mga magulang?
Ilang sandali lamang ay dumating ang kaniyang magulang.
“Jane, anak!” tuwang tuwang salubong ng kaniyang ina bago siya niyakap nito.
Ganoon din ang kaniyang ama. Ramdam niya sa yakap ng kaniyang mga magulang ang labis na pangungulila ng mga ito sa kaniya.
“‘Nay, ano pong nangyari? Bakit naibenta ang bahay?” agad na usisa niya.
Isang matamis na ngiti ang sumilay sa labi ng kaniyang ina.
“Anak, hindi naibenta ang bahay!” wika nito bago itinuro ang kinatitirikan ng Jane’s Bakeshop.
Ikinagulat niya ang sunod na sinabi ng kaniyang ina.
“‘Yang tindahan na ‘yan, ipinatayo namin ‘yan para sa’yo. Hindi ba’t hilig mo ang pagluluto ng mga cake at tinapay noon pa man? Sabi mo pangarap mo na magkaroon ng sariling panaderya!”
Natigagal si Janella sa sinabi nito.
“P-paano niyo ho n-naipatayo ‘yan? Hindi ho ba’t mahal ‘yan?” utal utal na tanong niya sa magulang.
“Ang laki-laki ng pera na pinapadala mo sa amin, anak! Sa tingin mo ba uubusin namin ‘yun ng Nanay mo? Siyempre magtatabi kami ng para sa’yo, ikaw ang nagtatrabaho, eh!” sagot ng kaniyang ama.
Napahagulhol si Jane. Kaya pala ganoon na lamang ang kagustuhan ng mga ito na umuwi na siya at manatili na lang sa Pilipinas. Gusto rin ng mga ito na matupad niya ang kaniyang pangarap!
“Maraming-maraming salamat sa sakripisyo mo, anak. Tanggapin mo ang regalo namin sa’yo ng Nanay mo, ang Jane’s Bakeshop,” wika ng kaniyang ama bago siya muling niyakap.
Walang pagsidlan ang saya ni Janella. Ang akala niya ang napunta lang sa wala ang lahat ng pinagpaguran niya!
Nagulat din siya nang malaman na sa tulong ng mga perang ipinadala niya ay nakapagpagawa na rin ang kaniyang magulang ng bahay at ng isa pang negosyo para sa mga ito.
“Hindi mo na kami dapat pang alalahanin, anak. I-enjoy mo ang buhay mo at unahin mo naman ang sarili mo. ‘Wag ka nang bumalik ng Saudi at magtrabaho nang malayo sa amin. Dito ka na lang,” payo ng kaniyang ina.
Iyon nga ang ginawa ni Janella. Mag-isa niyang pinatakbo ang Jane’s Bakeshop na kalaunan ay mas lalo pang lumaki at naging matagumpay.
Labis ang pasasalamat ni Janella sa kaniyang Nanay at Tatay. Hindi inabuso ng mga ito ang mga paghihirap niya. Bagkus ay tumulong pa ang mga ito upang maabot niya ang tunay na minimithi ng kaniyang puso.