Halos Sinukuan Niya na ang Pangarap na Maging Isang Mang-aawit; Isang Araw ay Pangarap na Mismo ang Lumapit sa Kaniya

Halos Sinukuan Niya na ang Pangarap na Maging Isang Mang-aawit; Isang Araw ay Pangarap na Mismo ang Lumapit sa Kaniya

InspiringStoriesSuccess

“Ready ka na ba, apo? Kinakabahan ka ba?” tanong ng Liolo ni Alice na si Fidel. 

Ngumiti siya rito at umiling kahit na ang totoo ay kabadong-kabado siya. 

Ngunit mukhang alam nito na hindi totoo ang kaniyang sagot dahil may kinuha ito mula sa sala. Isang kahon na nakabalot sa makulay na papel na tinalian ng pula ring laso. 

“Regalo ko sa’yo ‘yan para sa audition mo. Buksan mo na!” nakangiting udyok nito. 

Sabik siyang tumango para tingnan ang regalo nito. Ganoon na lamang ang tuwa niya nang makita ang isang pamilyar na bestida. 

“‘Di ba eto ‘yung nakita natin sa mall, Lolo? Mahal ito, ah! Saan naman po galing ang pinambili dito?” sunod sunod niyang tanong. 

Nakita niya kasi ang damit isang beses nang mapadaan sa isang mall. Gusto niyang bilhin iyon ngunit ayaw ng kaniyang ina dahil mahal daw at wala naman siyang paggagamitan. 

“Galing sa naitago kong pera, apo. ‘Wag ka nang mag-alala at suotin mo na. Sigurado akong bagay na bagay ‘yan sa’yo!” panghihikayat nito. 

Bata pa lang siya ay pangarap niya nang maging mang-aawit. Noong sinabi niya iyon sa kaniyang ina ay agad itong kumontra dahil ayon dito, wala siyang mapapala sa pangarap niyang iyon. Hindi raw siya magkakapera.

Mabuti na lang at nariyan ang kaniyang Lolo na walang sawa siyang sinusuportahan sa kaniyang pangarap, kaya naman napakaswerte niya rito.

Nakita sila ng kaniyang ina. 

“O, ano ‘yang suot mo, Alice? Saan ka pupunta?” taas-kilay na tanong ng kaniyang ina. 

“Sa audition po.” 

Agaran ang naging pagsimangot ng kaniyang ina, kaya naman alam niyang kokontra na naman ito. 

Mabuti na lang at agad siyang sinalo ng lolo.

“Ikaw naman, anak! Hayaan mo na ang apo ko. Balang araw ay matatanggap din ito at sisikat. ‘Wag kang mag-alala.” 

“Ewan ko sa inyong mag-lolo. Hindi na darating ‘yan. Ilang taon na ba siyang sumusubok mag-audition? Bakit hanggang ngayon wala pa rin?” masungit na kastigo ng kaniyang ina bago padabog silang iniwan. 

Hindi niya maiwasan na masaktan sa sinasabi ng ina ngunit alam niyang totoo naman ang sinasabi nito. 

“Wag mong masyadong seryosohin ‘yun, Alice. Mainit lang siguro ang ulo,” nakangiting wika ng kaniyang Lolo. 

Sabik na umalis sila ng bahay.

Kabado man sa harap ng mikropono ay pursigido siyang sumabak sa audition. Ngunit sa huli ay iling ng mga hurado ang nakuha niya. Hindi na naman siya nakapasa. 

“Ayos lang ‘yan. Mayroon pa namang susunod,” determinadong pahayag ng kaniyang Lolo. 

“Ginawa ko naman po ang lahat ng makakaya ko pero bakit ganoon pa rin? Siguro po, oras na para tanggapin natin na hindi ako para dito, Lolo,” malungkot niyang tugon. 

Isang masuyong ngiti ang ibinigay nito sa kaniya. 

“Kahit anong mangyari, ‘wag kang susuko. Alam ko at kitang kita ko na masaya ka habang kumakanta dahil ‘yan talaga ang pangarap mo. Minsan, hindi natin kailangang habulin ang pangarap dahil darating iyan nang kusa sa atin,” payo nito. 

“Tama ka, Lolo. Mag-eensayo pa ako nang mas maiigi pa para sa audition sa susunod na Linggo. Samahan niyo po ulit ako, ha?” paanyaya niya sa matanda. 

Magiliw naman itong tumango.

Ginawa niya nga ang kaniyang pangako, nag-ensayo siya nang maiigi araw-araw hanggang sa dumating ang araw ng audition. 

Naghahanda na siya nang natatarantang ibinalita ng kaniyang ina na nawalan ng malay ang kaniyang Lolo Fidel at kailangan nila itong isugod sa ospital. 

Ayon sa doktor ay may pumutok na ugat sa isang parte ng katawan nito. Nangangailangan sila ng malaking halaga para sa operasyon. 

Iyak siya nang iyak dahil hindi niya kayang mawala ang nag-iisang naniniwala sa kaniya. 

“May trabahong inaalok ang Tito Bert mo sa negosyo nila. Pwede ka raw niyang ipasok at siguradong kikita ka. Alam mo naman na kailangan natin ng pera, Alice,” pagbabalita ng kaniyang ina. 

Hindi man nito tuwirang sabihin ay alam niya ang ibig sabihin ng ina. ‘Wag na siyang tumuloy sa audition, magtrabaho na lang para makatulong sa gamutan. 

“Tatanggapin mo ba? Hindi naman sa pinipilit ka pero kailangan nating tumingin sa reyalidad kung minsan,”  paalala nito. 

Kasabay ng kaniyang pagtango ay ang pagpatak ng luha. Tama ang kaniyang ina. Matagal na rin naman siyang sumusubok. 

Niyakap niya ang kaniyang Lolo bago siya umalis. Nang araw na iyon ay tinanggap niya na hindi nga para sa kaniya ang pagkanta. 

“Alice, doon tayo na-assign sa mga appliances,” ani Jamie, isa rin sa mga sales lady sa pinagtatrabahuhan niya. 

Tumango siya. Malapit na ang Pasko kaya naman napakaraming tao sa mall. Inaayos nila ang mga paninda at inaasikaso ang mga mamimili. Sinisigurado nila na maayos ang kalidad ng mga binibili nito. 

Hindi iyon ang trabahong gusto ng puso niya ngunit malaki pa rin ang pasasalamat niya dahil natutustusan ng trabahong iyon ang gamot ng kaniyang Lolo Fidel. 

“Alice, ‘di ba marunong ka kumanta? Pwedeng subukan mo ‘to kung ayos ba ang tunog? Utos ni Boss. Saka para na rin maka-engganyo ng mamimili.”

Tatanggi sana siya ngunit pinagtulakan siya ni Jamie kaya wala siyang nagawa kundi lumapit sa mikropono. 

Ipinikit niya ang mga mata bago nag-umpisang umawit. Nang dumilat siya ay nagulat siya na maraming nanonood sa kaniya bigla, habang bakas sa mga ito ang gulat at paghanga. 

“Hoy, Alice! Ang galing mo! Tingnan mo ‘to!” papuri ni Jamie bago nito iniabot sa kaniya ang hawak nitong cellphone. 

Kinunan pala nito ng video ang pagkanta niya. Tinukso pa siya na ipo-post nito iyon sa social media. 

“Wala ka na ba talagang balak na bumalik sa pagkanta?” tanong ng Lolo nang gabing iyon. 

Umiling siya at ngumiti. Minsan ay nagsisisi siya ngunit sa tuwing nakikita ito na maayos na ang kalagayan ay naiisip niyang tama ang kaniyang desisyon. 

Kinabukasan ay humahangos siyang sinalubong ni Jamie. 

“Alice! Tingnan mo ‘to! Sikat ka na!” 

Hindi siya makapaniwala. Tinotoo pala ni Jamie ang sinabi nito na ipo-post daw nito ang kaniyang video dahil samu’t saring reaksyon at komento ang nakuha niya sa mga nakapanood. Puro positibo ang sinasabi ng mga tao! 

Doon nagsimulang bumuhos ang oportunidad para kay Alice. Marami ang bumilib sa kaniya. Sa huli ay nakilala siya ng mga tao bilang isang mahusay na mang-aawit. 

Mula sa entablado ay ngumiti siya sa kaibigang si Jamie at higit sa lahat, sa kaniyang Lolo Fidel na hindi kailanman nagsawang sumuporta sa kaniya. 

Tunay nga na kung minsan pangarap mismo ang darating sa atin nang kusa. Matagal man ito at mahirap na proseso ang pagdadaanan, kailangan nating maniwala sa ating mga sarili at higit sa lahat, magtiwala sa plano ng Diyos para sa atin. 

More Stories