
Binatang Kilala sa Pagtulong sa Iba, Nakakagulat Pala ang Pinanggagalingan ng Tulong Niya!
“Benedict, tingnan mo dali! ‘Di ba ‘yan ‘yung customer natin na laging tumutulong sa mga matatanda na kulang sa pambayad? Kahit pala saan ay tumutulong din ‘yan!” wika ni Ella sa kaniyang may pusong babaeng kaibigan.
“Hala! Oo nga! Hinding-hindi ko makakalimutan ‘yang si pogi! Siguro mayaman ‘yan, maraming pera! Kasi kung ako ang nasa kalagayan na ganyan, hindi ko matutulungan ang ibang tao pagdating sa pinansyal. Hindi naman sa pagiging madamot pero magkano lang ba ang sinasahod ko, sayang ang piso!” sagot naman ni Benedict dito.
Napangiti na lamang sila habang nakikiusyoso sa pagtulong ng lalaki sa matandang natapon ang tahong ibinebenta nito. Kitang-kita ng dalawa na inabutan ng binata ang magtataho ng pera. Wala namang humpay sa pasasalamat ang magtataho sa lalaki at tanging ngiti lamang ang isinukli ng binata rito.
Maraming kumuha ng bidyo sa pagtulong na iyon ng lalaki ngunit pinakiusapan niyang huwag na itong isapubliko pa. Alam nila Benedict at Ella na hindi ito ang unang pagkakataong tumulong ang binatang iyon dahil sa katotohanan pa nga ay kilala na ito sa kanilang pamilihang pinagtatrabahuhan dahil sa palaging pag-aambag nito o panglilibre sa mga kapos na mamimili.
“Sundan kaya natin kung saan nakatira ‘yang si Sir Pogi? Maaga pa naman at wala naman tayong gagawin,” pag yayaya ni Ella kay Benedict nang makitang namalengke pa ang binata pagkatapos nitong tumulong.
“Hindi naman ‘yan dito mamalengke sa lugar natin kung malayo ang tirahan niyan! Dali na, titingnan lang natin kung saan nakatira at kung gaano kayaman ‘yang si Sir Pogi!” pagpupumilit pang muli ni Ella rito. Napailing na lang si Benedict ngunit sinunod naman ang gusto ng kaibigan. Simple at tahimik nilang sinundan ang lalaki. Napansin nilang kaunti lamang ang pinamili nito kaya naman malakas ang pakiramdam nilang nag-iisa ito sa buhay. Hanggang sa nakarating sila sa mala-iskwater na bahayan.
“Dito ba siya nakatira? Seryoso ba?” tanong ni Benedict kay Ella habang sinusundan pa rin nila ang lalaki.
“Naku, hindi! Pakiramdam ko ay may aabutan ‘yan ng tulong dito. Isipin mo naman, imposibleng dito ‘yan nakatira si Sir Pogi! Mag-isip ka nga,” baling ni Ella sa kaibigan at naghintay pa sila ng ilang oras bago tuluyang umalis. Ngunit nang mapagdesisyunan nilang tigilan na ang pagmamanman ay saka naman lumabas ang binata suot ang damit na pamilyar sa kanilang dalawa. Nagkatingan si Ella at Benedict, parehong hindi makapaniwala sa kanilang nakita at mabilis na rin silang umalis nang mapansin nilang palabas muli ang lalaki.
“Ibig sabihin diyan siya nagtatrabaho?” pabulong na tanong ni Benedict kay Ella ngunit hindi nakasagot ang babae at napakunot lamang ito ng kaniyang noo. Yayayain na sana ni Benedict ang kaibigan na umuwi nang bigla itong nawala sa kaniyang tabi at dali-daling lumapit sa binata.
“Excuse me, crew ka ba?” diretsong tanong ni Ella sa lalaki nang lumingon ito sa kaniyang pagkalabit.
“Ah, oo, bakit?” nagtataka naman ang lalaki ngunit sumagot pa rin ito at ngumiti kay Ella.
“Crew ka lang? Seryoso ba? E bakit ang lakas mo tumulong na parang ang dami mong pera?!” tanong pang muli ng babae.
“Ha?” naguguluhang tanong pang muli ng binata sa kaniya.
“Naku, kilala ka na sa branch ng store namin. Kilala ka sa pag-aambag mo kapag kapos ‘yung namimili. Tapos kanina ring umaga tumulong ka sa magtataho at nag-abot ka pa ng pera! Akala namin mayaman ka kasi mukha kang mayaman saka ang lakas mo tumulong sa iba e mas mababa pa sahod mo sa akin kung tutuusin,” baling na sagot muli ni Ella sa lalaki.
“Dapat nag-iipon ka na lang para makalipat ka ng tirahan. Hindi naman sa pang iinsulto sa’yo pero mukhang mas kailangan mo muna tulungan ‘yang sarili mo,” dagdag pang sabi ng babae at napailing ito saka niya tinalikuran ang binatang kanina lamang ay hangang-hanga siya ngunit ngayon ay mababa na ang tingin niya rito.
“Kapag ba service crew lang ang trabaho ay hindi na pwedeng tumulong? Ganun ba ang ibig niyo pong sabihin, ma’am?” tanong ng lalaki at napahinto si Ella sa kaniyang paglalakad.
“’Wag mo naman sanang masamain ang sinabi ko, pero ang dating kasi sa akin ay nagpapasikat ka lang sa maraming tao sa tuwing tumutulong ka kasi ang totoo ay ikaw mismo kailangan ng tulong. Gusto mo siguro magviral katulad ng mga sumisikat ngayon ‘no?” singhal na sagot pang muli ni Ella sa binata.
“Ang pagtulong sa kapwa ay hindi nangangailangan ng maraming pera o may mataas na katayuan sa buhay, isa lang naman ang kailangan at iyon ay ang pagkakaroon ng bukal na damdamin. Sa totoo lang, maliit lang ang sahod ko, nakatira sa maliit na kwarto pero punong-puno naman ng kasiyahan ang puso ko. Kung naging mayaman lang talaga ako baka mas marami pa akong natulungan sa mundo,” natatawang sumagot ang binata sa kaniya na ikinagulat naman ni Ella.
“Pero kung sa tingin niyo ay nagpapasikat lang ako? Sa inyo na ‘yang ganiyang pananaw niyo dahil hindi ko kailangan ipaliwanag sa mga taong katulad niyo ang pagtulong ko. May nakatingin man o wala, may tao man o wala, marami man akong pera o wala, tutulong ako sa mga taong alam kong kailangan ng tulong dahil para sa akin iyon ang tunay na kahulugan ng buhay. Salamat sa mga sinabi mo dahil mas lalo akong namulat sa mundo na kaya tayo hindi umaangat sa buhay ay hindi dahil sa kahirapan kung ‘di dahil sa takot natin na tumulong iba at baka umangat sila sa atin. Tayo mismo ang dahilan kung bakit mahirap ang bansa natin, ang lugar natin dahil sa mga taong katulad niyo. Maliit ang tingin sa tao at takot tumulong dahil baka maubusan kayo, God bless your heart, ma’am,” matapang na sagot ng binata at itinaas ang kaniyang noo saka binigyan ng malaking ngiti si Ella at yumuko muna ito saka nagpaalaam sa babae.
Hindi naman makapaniwala si Benedict at Ella sa mga narinig nila sa binata. Pakiramdam nila ay sila ang nainsulto sa kanilang narinig. Namula naman ang mukha ni Ella at hindi nakapagsalita. Siya mismo ay nahiya sa kaniyang sarili at nagsisisi kung bakit niya nasabi iyon sa binata. Gusto niyang habulin ito at humingin ng tawad sa lalaki ngunit mas aminado siyang nagmarka ang mga sinabi ng binata sa kaniya at maging kay Benedict. Dahil kung tutuusin, sila ang malaki ang sahod ngunit sila ang maramot at sila pa ang may ganang mang-insulto.
Simula noon ay napapayuko na lamang ang dalawa sa tuwing makakasalubong nila o makikita ang binata. Ngayon mas napatunayan ni Ella at Benedict na hindi lahat ng tumutulong ay mayayaman man. Hindi lahat ng mahirap ay maramot at hindi lahat ay sakim sa pag-unlad sa mundo. Dahil may mga taong handa pa ring mamuhay ng payak at tumulong kahit sakto lang ang mayroon sila.

Mainit ang Dugo ng Kaniyang Kapitbahay sa Babae, Inireklamo pa ang Kaniyang Aso na Dahilan Daw Kung Bakit Nalugi Ito sa Online Selling; Paano Niya Ito Haharapin?
