Inday TrendingInday Trending
Sinisigaw-sigawan ng Lalaking Ito ang Isang Delivery Man, Hindi Niya Akalain ang Karmang Kapalit Nito

Sinisigaw-sigawan ng Lalaking Ito ang Isang Delivery Man, Hindi Niya Akalain ang Karmang Kapalit Nito

“Magandang umaga po, sir, kayo po ba si Sir Ray Del Mundo? Nandito na po ako sa ground floor ng gusali niyo po, sir,” sambit ng isang delivery man sa kaniyang kustomer nang makumprimang hindi siya maaaring makaakyat sa itaas, isang umaga nang makarating siya sa gusaling iyon.

“O, ano pang ginagawa mo riyan? Edi, umakyat ka na rito! Huwag mong sabihing papababain mo ako para makuha lang ‘yang order ko?” inis na sagot ni Julio matapos.

“Eh, sir, ginagawa po kasi ang elevator na pang mga bisita, ang bukas lang po ay ‘yong elevator na pang mga empleyado, kaya hindi po ako makaakyat d’yan sa ika-labing limang palapag,” paliwanag ng naturang delivery man na lalong ikinataas ng dugo niya.

“Anong silbi ng hagdan, ha? Anong klaseng delivery man ka? Babayaran ka na, iistorbohin mo pa ang kustomer mo!” bulyaw niya rito dahilan para makuha niya ang atensyon ng mga empleyadong hawak niya.

“Pasensiya na po, sir, kahit anong pakiusap ko po kasi sa sekyu, ayaw talaga akong pagamitin ng elevator na narito,” pangangatwiran pa nito.

“Kaya nga maghagdan ka na lang! Hindi ka ba makaintindi? Dalian mo, nagugutom na ako baka hindi ko ‘yan bayaran kapag nainis ako sa’yo!” sigaw niya pa.

“Sige po, sir, saglit lang po, aakyat na po ako,” natatarantang tugon nito saka niya agad na binaba ang tawag.

Isa sa mga hinahangaang empleyado sa kanilang kumpanya ang ginoong si Julio. Sa dalawang taon niya kasing pagtatrabaho rito, siya lamang ang tanging empleyadong agad na tumaas ang posisyon sa kanilang opisina dahil sa dedikasyon niya sa pagtatrabaho at galing sa pakikipag-usap sa kanilang mga kliyente.

Dahil sa galing niyang ito, siya’y naging isa sa mga manager na humahawak, nagtuturo, at nagdidisplina sa mga empleyado.

Sa ngayon, mayroon siyang halos labing walong empleyadong hawak at lahat ng ito, takot at palaging kabado sa tuwing siya’y sisilip at magbabantay sa kanilang opisina.

Dahil kasi sa galing at papuring palagi niyang nakakamit sa tuwina, ganoon na lang lumaki ang kaniyang ulo at naging iskrikto sa kaniyang mga hinahawakang empleyado.

Walang araw na hindi umaalingawngaw ang boses niya sa kanilang opisina. Mapamalaki man o kahit maliit na palya ng mga empleyadong hawak niya, walang sawa niyang pagagalitan at bubungangaan ang lahat ng ito buong araw. Ngunit hindi lang dito natatapos ang ugali niyang ito dahil pati mga delivery man na naghahatid ng kaniyang mga ino-order na pagkain, hindi nakaliligtas sa kaniyang bunganga.

May pagkakataon pa ngang may pinahiya siyang delivery man sa harap ng mga hawak niyang empleyado nang minsang matapon habang nasa daan ang binili niyang mamahaling kape. Sabi niya pa, “Huwag niyong gagayahin itong delivery man na ito, ha? Maghahatid na lang ng kape, tat*nga-t*nga pa! Sa bagay, hindi naman ‘to magiging delivery man lang kung may utak ito. Kaya kayo, siguraduhin niyong may laman ‘yang ulo niyo, ha!” dahilan para maiyak na lang ito sa harapan nilang lahat.

Katulad ng ibang mga delivery man, noong araw na ‘yon, nagawa niya na namang sigaw-sigawan delivery man na ito nang malaman niyang nais siya nitong pababain. Sa sobrang inis niya, pati mga hawak niyang empleyado, kaniyang nabungangaan.

Ngunit maya-maya, habang siya’y nanenermon, bigla na lang pumasok ang may-ari ng naturang kumpanya na minsan lamang dumalaw doon dahilan para agad niyang ibahin ang kaniyang awra at maging palakaibigan.

“Magandang umaga, sir! Kumusta po kayo? Mabuti naman at nadalaw niyo kami rito!” masigla niyang bati rito.

“Oo, ibibigay ko lang itong order mo tapos pwede mo na ‘tong iuwi sa inyo,” tugon nito saka iniabot ang kaniyang order na labis niyang ikinapagtaka.

“Teka, a-ano pong ibig niyong sabihin?” tanong niya rito.

“Umuwi ka na at magpahinga sa bahay niyo. Hindi ko kasi kailangan ng magaling na empleyadong palyado ang ugali, pati delivery man, sisigaw-sigawan. Subukan mo kayang pasukin ang trabaho nila? Para maranasan mo ang hirap at mag-iba ang ugali mo,” nakangiting wika nito saka agad na sinenyasan ang mga kasama nitong sekyu na tulungan na siyang magligpit ng gamit.

“Ay, sir, hayaan niyo po akong magpaliwanag, sir,” habol niya rito.

Ngunit kahit anong paliwanag niya, wika lang nito, “Matagal na akong nakakatanggap ng reklamo sa’yo, hindi ko hahayaang mawalan ako ng maraming empleyado dahil sa’yo,” dahilan para tuluyan na siyang tanggalin nito.

Labis na pagsisisi ang kaniyang naramdaman noon, sabi niya, “Kung naging mabait at makatao lang sana ako, sana may maganda pa akong trabaho.”

Advertisement