
Tinulungan ng Dalaga ang Janitor na Inapi at Sinaktan ng Kapwa Aplikante; Grabe ang Gulat Nila nang Malaman ang Tunay na Katauhan Nito
Maagang gumayak si Michelle upang magtungo sa kompanyang ina-apply-an. Humarap siya sa salamin, ngumiti ng malaki at saka sinambit ang mga salitang, “kayang-kaya mo ‘yan!” Napaka-positibo kasi ng isipan ng dalaga. Lumaki man siya sa hirap, pero mayaman siya sa pagmamahal at binusog sa magandang asal ng mga magulang.
Mangingisda ang kaniyang ama habang tindera naman sa palengke ang ina. Nakapagtapos si Michelle ng kursong BSBA – Financial management. Dahil sa angking talino ay naging scholar siya simula first year hanggang sa makapagtapos.
“Hindi masamang mangarap… Kaya ko ito at alam kong matatanggap ako,” determinadong bulong ng dalaga sa sarili habang hawak ang resume na ipapasa sa isang malaki at kilalang kompanya. Huminga nang malalim si Michelle bago pumasok sa loob ng malaking building. Nakasuot lamang siya ng simple ngunit pormal na damit.
Nakasabay niya ang isang magandang babae na puno ng kolorete ang mukha at bakas sa pananamit at mga gadgets na dala nito na galing ito sa isang mayamang pamilya. Nang makarating sa tamang palapag ay sabay na lumabas ng elevator ang dalawang babae.
Hindi naman sinasadyang tinamaan ng mopper ang hawak na kape ng magandang babae, dahilan para matapon ito sa sapatos niya at sa damit naman ni Michelle.
“Ano ba?! Tumitingin ka ba ha? Mas mahal pa sa buwanang sweldo mo iyang sapatos ko, tanda ha!” gigil na saad ng babaeng itago na lamang natin sa pangalang Veronica.
“S-sorry po ma’am. Pupunasan ko na lamang po,” nagmamadaling lumuhod ang matanda upang punasan ang sapatos.
“Dapat sa gaya mo, tinatanggal! ‘Wag mong galawin ang sapatos ko. Baka masira mo pa, wala ka pang ipambayad!” sigaw pa ng mataray na babae.
Itinulak ng babae ang matandang janitor kaya natumba ito at lumapat ang mukha sa sahig. Labis naman ang gulat ng mga taong nakakita roon.
“A-ayos lamang po ba kayo? Nako, tatang, nasaktan po ba kayo?” nag-aalalang tanong ni Michelle sa matanda.
Tinulungan ni Michelle na bumangon ang janitor at saka ito pinaupo sa silya upang makapag-relax.
“S-salamat, hija. Pasensiya ka na sa akin. Nadumihan ko tuloy ang suot mo. Pagpasensiyahan mo na sana dahil may edad na ako,” malungkot na saad naman ng matanda.
“Damit lamang naman po ito. Hindi naman po ito ang titingnan sa interbyu. ‘Wag na po kayo mag-alala. O siya, mauna na po ako tatang,” pagpapaalam naman ng dalaga.
Habang nag-iintay na interbyuhin, nagmagandang loob si Michelle na kausapin ang kasabayang dalaga.
“Hi, I’m Michelle! Saang university ka graduate?”
“Excuse me?” nakataas ang kilay na sabi ng babae. Sinambit niya ang pangalan ng isang mamahalin at kilalang unibersidad. “Ikaw saan ka graduate?” balik na tanong ng masungit na si Veronica.
“Ah, e, sa kolehiyo sa probinsiya namin. Marami rin nag-aaral at nagiging matagumpay. Sana matanggap tayo ‘no?” masiglang sabi pa ni Michelle.
“Ano?” biglang tumawa ng malakas si Veronica. “Ine-expect mo talagang matatanggap ka? ‘Di nga kilala unibersidad mo tapos aashan mong tatanggapin ka ng sikat na kompanyang ito? ‘Wag ka mag ilusyon!” sabay irap at paypay.
Nabigla naman si Michelle sa narinig. Grabeng pangmamaliit ang inabot kaya’t ‘di na siya nakakibo pa.
Pinakuha ng eksam si Michelle bilang parte ng kaniyang aplikasyon, subalit nagulat siya nang malaman na hindi pinakuha ang kasabayan dahil galing daw ito sa kilalang unibersidad. Tila ba hindi patas ang nangyayari.
“Sabi ko sayo, ‘di ba? Kung ako sayo, itatapon ko na iyang papel at saka ako uuwi. Walang puwang sa mga baduy at cheap na empleyado rito. Mamaya, ang pangalang Veronica ang makikita mong tanggap dito. ‘Wag mo nang ipahiya ang sarili mo!” bulong ni Veronica sa kawawang si Michelle.
Napalunok na lamang si Michelle at pinilit na tinapos ang eksaminasyon kahit na parang sasabog na siya sa sama ng loob.
Nang matapos ay agad siyang isinalang sa paunang iterbyu. Halos matuyo ang utak niya dahil sa dami ng tanong. Gutom na rin siya at tila ba susuko na.
Bumaba muna si Michelle upang sa labas ay kumain. Umupo siya sa may silya doon at saka inilabas ang baunan na may laman na pritong isda, itlog na pula at tinapay.
“Mukhang masarap ang baon mo riyan ah? ‘Di ka ba mang-aalok man lang?” biro ng matandang janitor.
“Tatang! Nariyan pala kayo. Tara at saluhan po ninyo ako!” nakangiting sabi ng dalaga.
“Talaga? Papayag ka na bigyan ako? Baka wala nang matira sa’yo niyan,” saad pa ng matanda.
“Kasyang-kasya po ito sa atin. Tara sa saluhan po ninyo ako!” alok pa ni Michelle.
Masayang nagsalo ang dalawa sa kanin at simpleng ulam lamang. Nagpalitan ng kwento ang matandang janitor at ang dalaga. Naikwento rin ni Michelle kung paano siya nilait-lait ng kasabayan at ang karimpot na pag-asang matanggap siya.
“Maganda ang puso mo, hija. Mabait ka at matalino. Malaki ang pag-asa mong matanggap! Kayang-kaya mo iyan!” nakangiting sabi ng matanda.
“Salamat, tatang! Kailangan ko talaga ‘yang pambobola ninyo para lakasan ako ng loob!” biro naman ni Michelle at saka muling bumalik para sa huling interbyu.
Pagbalik niya ay laking gulat niya nang tarayan siyang muli ni Veronica.
“Wow ha? Akala ko pa naman nag back out ka na? Well, ganiyan talaga ang mga desperada. Girl, ‘di ka tatanggapin sa kompanyang ito! Mabuti pa sana kung ‘di ka na bumalik!”
Napahinga lang nang malalim si Michelle at dumiretso na lamang ng lakad ngunit hinila siya ni Veronica.
“Ako na ang uuna sa final interview!” pagyayabang ni Veronica.
Halos limang minuto lamang ang itinagal ng interbyu. Naguluhan naman si Michelle nang makitang namumutla at tila ba nagulantang ang buong mundo ni Veronica dahil sa hitsura.
Nagkaroon ng bahagyang takot si Michelle, dahil sa nangyari kay Veronica, pero lakas-loob na niyang hinarap ang huling interbyu.
“Congratulations! Nakarating ka sa final phase ng application!” nakangiting bati ng lalaki.
Napatigil si Michelle at saka napatakip ng bibig. Tila ba hindi rin makapaniwala sa nakikita.
“P-paano… T-tatang?” di makapaniwalang tanong ng dalaga.
“Hello, Michelle! Bakit parang gulat na gulat ka? Maupo ka muna,” natatawang pag-alok ng matandang lalaki.
“K-kayo po ang presidente ng kompanya? Nahihiya po tuloy ako,” mahinang tanong ng babae.
“Oo, hija. At gusto kong malaman mo na sobrang napabilib mo ako. Iyong dedikasyon, lakas ng loob at mabuting kalooban mo ang labis kong hinangaan sa’yo.
Galing rin ako sa mahirap na pamilya noon. Nagsimula ako sa pagiging janitor hanggang sa nakaipon ako at nagsimula ng sariling negosyo.
Ngayon, ang kompanyang ito ang bunga ng lahat ng iyon. Madalas ko talagang ginagawa ang pagpapalit ng damit upang makita ang ugali ng aming mga aplikante. Napaka-importante kasi na makita kung paano nila itrato ng mga taong mas mababa sa kanila. At ikaw ang hinahanap namin. Binabati kita!” pagbabahagi ng matanda.
“Tatang…” napaluha na lamang si Michelle sa narinig.
Lumapit ang sekretarya ng presidente at inabot sa dalawang dalaga ang magkaibang papel. Ang isa’y kontrata at ang isa nama’y sulat na nagsasaad ng hindi natanggap.
“Hindi n’yo puwedeng gawin sa akin ito! Ako ang perpektong empleyado para sa posisyon!” sigaw ni Veronica.
“Hindi, hija! Ang ganiyang klase ng pag-uugali ay hindi nararapat sa kompanya ko!” tugon naman ng matanda na ikinagulat ng mga naroroon.
“Graduate ako sa kilalang unibersidad! Maganda ang grades ko! Ano’ng karapatan ninyong i-reject ako?!” pagtataray pa ng babae.
“Kahit sino’y maaaring magtapos sa prestihiyosong paaralan at magkamit ng mataas na grado, pero hindi lahat ay may mababang loob at mabuting puso. Ang mga katangiang iyon ang kailangan namin.
Ang kasamaan ng ugali ay walang ispasyo rito, hija! Hindi ka kayang ilipad ng kayabangan. Hindi ka rin kayang itaguyod ng kasamaan ng ugali. Sana’y may aral kang matutunan sa pangyayaring ito. Pasensiya na, hindi ka tanggap dito!” madiin na sabi ng matandang lalaki.
Halos lumubog si Veronica sa sobrang hiya na nadarama, dahil alam niyang tama ang matanda. Kaya’t upang masagip ang mukha, agad siyang tumayo ang umalis doon.
Kinabukasan, sinimulan ni Michelle ang kaniyang trabaho sa kompanya. Napakabait nga ng kaniyang mga kasamahan doon. Iba’t iba ang antas ng pamumuhay subalit lahat ay nagtutulungan at walang yabangan na nagaganap.
Pinagbuti pa ni Michelle ang trabaho na labis ikinatuwa ng kaniyang mga boss.
“Ipagpatuloy mo lang iyan, hija. Panatilihin mong determinado ka at may mabuting kalooban. Naniniwala akong malayo pa ang mararating mo!” saad ng presidente ng kompanya habang tinatapik ang balikat ng dalaga.
Pinaghusayan nga ni Michelle sa trabaho kaya’t makalipas ang isang taon, na-promote agad siya. Bumuhos pa ang biyaya sa buhay niya kaya’t labis ang pasasalamat niya sa matandang inakala niyang janitor noon at sa Diyos na Siyang gumagabay sa kaniya.
Ang sikreto sa tagumpay sa buhay ay kababaan ng loob, mabuting puso, at determinasyon!

Pinagtawanan at Nilait ng mga Tao ang Mahirap na Lalaki Dahil Ambisyoso Raw Ito; Tameme Sila nang Makamtan Nito ang Napakataas na Pangarap
