
Tila Nabura ang Mala-Diyosang Ganda ng Babae Dahil sa Malagim na Aksidente; Ibigin pa Kaya Siya ng Tanging Lalaking Pinag-alayan ng Puso Gayong Iba na ang Kaniyang Hitsura?
Ilang taon nang nanliligaw si Carlos sa mala-diyosang dalaga na si Marie, pero gusto sana ng dalaga na personal na manligaw ang binata sa kanilang tahanan upang nang sa ganoon ay makilala rin ng mga magulang niya ang lalaki. Pagkakataon na rin upang makita ang tunay na intensiyon ng lalaki para sa dalaga.
Simpleng lalaki lamang si Carlos ngunit talagang matikas at napakalakas ng dating, ngunit mahirap pa sa daga ang kaniyang pamilya, habang ang babaeng minimithi naman ay napakayaman, kaya ganoon na lamang ang pagtutol ng mga magulang ni Marie sa naisin ng lalaki.
Para kay Carlos, hindi nasusukat sa yaman ang halaga ng pagmamahal, kaya’t kahit na ganoon, hindi sumuko ang binata at saka sinuyo rin ang mga magulang ng dalaga.
Nakita naman din ng mga magulang ni Marie na mabait si Carlos, masipag rin ito at talagang kumikinang ang mabuting kalooban, kaya’t unti-unting nagbago ang tingin nila rito, subalit hindi nila maaari ibigay na lamang ng ganoon ang anak ng walang kasiguraduhan ang magiging buhay sa hinaharap.
“Mabait ka hijo at kahanga-hanga, ngunit napakaraming manliligaw rin ang nag-iintay sa anak namin. Kaya’t nais ko sanang tumbasan mo sila at patunayan mong karapat-dapat naming ibigay ang kamay ng aming unica hija sa’yo,” pahayag ng ama ni Marie.
“Gagawin ko po ang lahat mapatunayan lang na mahal ko ang inyong anak,” tugon naman ni Carlos.
Nangibang bansa ang lalaki noon upang makaipon at maibigay ang buhay na karapat-dapat sa dalaga. Kailangan rin niyang mag sakripisyo para sa pamilya. Dala-dala ang malaking mithiin sa puso, umalis si Carlos upang lumipad patungo sa ibang bansa.
Bago umalis ang binata, nakaluhod siyang nangako sa dalagang iniibig:
“Gagawin ko ito alang-alang sa iyo. Labis kitang mahal kaya’t papatunayan ko ang sarili ko na nararapat para sa pag-ibig mo. Pangako, babalik ako at papakasalan kita. Sanay ay mahintay mo ako, mahal ko,” saad ng binata.
Naiyak naman si Marie sa mga narinig, “Araw-araw kong ipagdarasal ang kaligtasan mo. Pangakong mag-iintay rin ako sa iyong pagbabalik,” tugon ng dalaga. Isang mahigpit na yakap naman at halik sa kamay ang iniwan ng lalaki bago tuluyang nagpaalam.
Hindi inaasahang isang araw ay darating pala ang napakalaking pagsubok sa buhay ni Marie. Nasa bahay bakasyunan sila noon nang tupukin ng apoy ang bahay na kanilang tinitigilan nang panahong iyon.
Kalagitnaan ng gabi nang maganap ang sunog. Naiwanan si Marie sa loob at hindi kaagad nagawang makalabas. Sigaw nang sigaw ang dalaga hanggang sa mawalan siya ng malay.
Nagising na lamang si Marie sa loob ng ospital habang minamasdang umiiyak ang mga magulang. Napakasakit at napakahapdi ng kaniyang balat. Hindi rin niya magawang kumilos dahil parang sinisilaban ang buo niyang katawan.
“A-ano pong nangyari?” mahinang tanong ng dalaga.
Hindi magawang magpaliwanag ng magulang ng babae dahil sa labis na lungkot na nadarama sa sinapit ng anak. Ilang sandali pa, pumasok na ang doktor.
“I am very sorry. Malala kasi ang nangyaring sunog sa iyong katawan at mga balat. Medyo matagal-tagal na gamutan ito at… hindi na maaaring ibalik pa sa dati ang iyong mukha at kutis dahil sa labis na sugat na tinamo mo,” paliwanag ng doktor sa kondisyon ng dalaga.
Lapnos ang buong katawan ng dalaga at ang masakit rito, sira na rin ang kaniyang mukha. Sugat-sugat at hindi na siya makilala dahil sa aksidente. Ang kagandahang taglay ay tila ba pinunasan na lamang mula sa kaniyang mukha. Wala na ang maamo at kaakit-akit niyang ganda.
Sa paglipas ng panahon, naghilom rin naman ang mga sugat ni Marie mula sa malagim na aksidente. Ngunit kahit ang panahon ay hindi na kayang ibalik ang dati niyang ganda. Umaagos ang mga luha habang minamasdan niya ang sarili sa salamin. Hindi magawang tanggapin ng dalaga ang sitwasyon kinalalagyan.
“Tila ba hinipan na lang ng kahapon ang dati kong anyo. Tao pa ba ako? Isa na akong nakakatakot na nilalang. Masahol pa ako sa isang halimaw,” umiiyak na pahayag ng dalaga.
Wala naman rin magawa ang mga magulang ni Marie. Kahit maubos ang lahat nilang yaman, hindi na maibabalik pa sa dati ang ganda ng anak. Kaya’t dinamayan na lamang nila ito sa labis na sakit na nadarama nito.
Hindi pa uso ang cellphone at long distance calls noon, pero napakasipag ni Carlos na magpadala ng sulat kay Marie, ngunit kahit isang sagot ay walang naging tugon ang dalaga. Pilit na niyang iniiwasan ang binata pati na ang pag-ibig na nadarama niya para rito.
“Tatakbuhan mo na lamang rin ako kapag ako’y nasilayan mo. Hindi na tulad ng dati ang hitsura ko,” lugmok sa depresyong sambit ng dalaga.
Dalawang taon pa ang lumipas. Nagmamadaling pumasok sa kwarto ni Marie ang ina niya upang ipabatid na naroroon si Carlos sa kanilang tahanan.
“Anak, narito si Carlos!” humahangos na sabi ng ginang.
“Wag ninyong sabihin na naririto ako. Ayoko, ma. Hindi na niya ako maaari pang makita. Lalo na sa ganitong kalagayan,” saad naman ng dalaga.
“P-pero, anak… kasi… magpapakasal na si Carlos sa iba. Naparito lamang siya upang ipabatid at imbitahan tayo,” malungkot na sabi ng ina ng dalaga.
“Ano pong sabi ninyo?” nanlaki ang mata ng dalaga sa narinig.
“Oo, Marie. Iniwan niya itong sulat na ito para sa iyo. Ikaw na ang magbukas niyan.”
Kinuha ni Marie ang liham na dala-dala ng ina at agad na binuksan. Hindi man niya maamin, subalit labis siyang nasasaktan na naglaho na rin pala ang pag-ibig sa kaniya ng lalaki. Maikling sulat lamang ang laman ng liham noon na nagsasabing:
“Mahal kong Marie,
Gaya ng aking pinangako, naririto na ako ngayon. Tinutupad ko na ang pangako ko sa’yo. Nais ko na sanang hingiin ang kamay mo upang maging asawa at kabiyak ko habang buhay.
Hayaan mong patunayan ko kung gaano kalaki ang pagmamahal ko sa’yo.
Lubos na nagmamahal,
Carlos”
Napaluha si Marie sa nabasa. Halo-halong emosyon ang nadama niya. Mayroon labis na kaligayahan, sakit at takot dahil baka hindi na siya muli pang ibigin ng lalaki.
Ilang sandali pa’y nakarinig siya ng mga yabag na tila ba ay papalapit ng papalapit sa kanila. Sa kaniyang paglingon, tumama ang mga mata niya sa mata ng lalaking kaytagal hinintay at inibig.
Tinakpan ni Marie ang kaniyang mukha dahil sa hiyang nadarama. Ibinaba naman ni Carlos ang dala-dalang bulaklak at tsokolate upang marahang tanggalin ang mga kamay ni Marie na ikinukubli ang hitsura.
“Wag, Carlos! Wag mo na akong tingnan pa! Hindi na kaaya-aya pa ang aking hitsura. Wala na ang dating mukha na minahal mo,” umiiyak na sabi ng dalaga.
“Nakakatanggap ako ng litrato mo. Magmula sa unang araw na ikaw ay naaksidente hanggang sa ngayon na naghilom na ang iyong mga sugat. Lagi akong pinapadalhan ng sulat ng iyong ina. Nakasaad doon ang iyong kalagayan at mga litrato.
Pero nais ko lamang na malaman mo, Marie, walang nagbago sa nararamdaman ko para sa’yo at higit na walang nagbago sa’yo, dahil ikaw pa rin ang babaeng minahal at minamahal ko.
Minahal kita, Marie, hindi dahil sa iyong hitsura, kundi dahil sa ganda ng iyong puso. Lilipas ang pisikal na ganda ngunit ang pusong bisulak ay hinding-hindi mabubura. Ikaw lang ang babaeng minahal ko at mamahalin ko habang buhay,”pahayag ng lalaki.
Kinuha ni Carlos ang kamay ng dalaga at saka lumuhod sa harapan nito.
“Maaari na ba kitang pakasalan? Pangakong aalagaan kita habang buhay. Mahal na mahal kita, Marie,” alok na kasal ng binata.
Tumango na lamang si Marie habang patuloy ang pagbagsak ng mga luha. Napaiyak rin ang ina ng dalaga dahil ngayon lamang siya nakakita ng ganoong katindi na klase ng pagmamahal.
Nabura man ang dating ganda ni Marie, ngunit hindi naman nabura ang pagmamahal ni Carlos para rito. Ang tunay na kagandahang namasdan ni Carlos ay higit pa sa nakikita ng dalawang mata, kundi ang kagandahang tanging puso lamang ang nakakakita.
Kukupas rin at lilipas ang pisikal na ganda, subalit ang pusong busilak ay kailanma’y mananatiling maganda kahit sa paglipas ng maraming panahon.