Inday TrendingInday Trending
Pinagtawanan at Nilait ng mga Tao ang Mahirap na Lalaki Dahil Ambisyoso Raw Ito; Tameme Sila nang Makamtan Nito ang Napakataas na Pangarap

Pinagtawanan at Nilait ng mga Tao ang Mahirap na Lalaki Dahil Ambisyoso Raw Ito; Tameme Sila nang Makamtan Nito ang Napakataas na Pangarap

Mula pagkabata, pangarap na ni Jacob ang maging isang Piloto. Talagang ninanais niyang maranasang sumakay sa eroplano at libutin ang iba’t ibang sulok ng mundo kasama ang buong pamilya.

Sa bawat eroplanong maririnig at daraan sa himpapawid, palaging tinitingala ni Jacob ang kalangitan upang sulyapan at tingnan ito. Sing-taas ng lipad ng eroplano sa likod ng mga ulap ang pangarap ng lalaki.

“Darating ang panahon na makapagpapalipad din ako ng eroplano! Susulyapan ko ang ganda ng buong mundo at isasama ko ang pamilya ko sa paglilibot!” nakangiting saad ni Jacob.

Sa tuwing ipinapakilala ang sarili kapag unang araw ng klase, palaging ibinabahagi ng lalaki ang pangarap na nais abutin. Lagi niyang idine-detalye ang mga bansang nais mapuntahan balang-araw.

Palaging nagtutupi at gumagawa ng eroplanong papel ang lalaki at saka ito pinapalipad sa hangin. Habang nasa ere, hindi mapigilang ngumiti ni Jacob habang minamasdan ito.

“Sa susunod, tunay na eroplano na ang papaliparin ko!” nakangiting sabi ng lalaki.

Wala naman bayad ang mangarap, pero hindi maitatanggi na napakamahal talaga ang mag-aral at makapagtapos ng kolehiyo. Paano na lamang ang pangarap ng isang mahirap na tulad ni Jacob? Hanggang bulong sa hangin na nga lang ba ang mga ito?

Karpintero lamang ang ama ni Jacob at nagbebenta naman ng kakanin ang kaniyang ina. Paano magagawang suportahan ng magulang ang malaking pangarap niya gayong madalas ay kinukulang pa sila?

Isang araw, habang naglalakad sa kalsada ay biglang humugong ang eroplano mula sa himpapawid. Napatigil si Jacob at saka tumunghay sa kalangitan.

“Balang-araw, ako na ang magpapalipad ng eroplano at ako naman ang titingalain ng mga tao!” nakangiting bigkas ng lalaki.

Malalakas na hagalpakan naman ang narinig mula sa mga chismosang tambay at kapitbahay na nag chi-chismisan malapit sa kaniyang kinatatayuan.

“Aba, totoy, mas may pag-asa pang umulan ng niyebe sa Pilipinas kaysa maabot ang pangarap mo! Nanay mo nga baon sa utang sa tindahan ng kumare ko, mapag-aral ka pa kaya ng kolehiyo?

Mabuti pa ay magpalipad ka na lamang ng saranggola, iyon mas kapani-paniwala pa!” sigaw ng isang ale kasunod ng malalakas na hagalpak ng mga tawa.

“Wala naman pong mawawala sa akin kung mangangarap ako, ‘di po ba? Sino po ba rito ang makapagsasabi na hindi posible ang lahat ng ito dahil lamang sa antas ng pamumuhay namin ng pamilya ko?” patanong na sagot ni Jacob.

“Alam mo kasi hijo, kung hindi pa magpukpok ng martilyo at magpakaalipin sa kakarimpot ang ama mo, wala kayong lalamunin. Ang nanay mo nga makapal na ang kalyo sa paa kalalako ng kakanin, aba kulang na kulang para pagpa-aralin pa ang ambisyosong tulad mo!” saad pa ng isang babae.

“Ang pangarap ay para lang sa mayayaman. Sa kagaya mong isang kahig, isang tuka, ngayon pa lamang ay mag-isip ka na kung gagawa ka ng kakanin o magpupukpok ng bahay, nang sa ganoon magkaroon naman ng linaw ang ilusyon mo!” muling halakhakan ng mga ng chismosang intregera.

“’Di ho bang mas mabuting umasa at kumapit sa pangarap kahit na gaano pa ito kalayo? Kaysa naman ho ubusin ko ang oras ko para pag-usapan ng buhay iba. Hindi niyo rin naman po siguro ikayayaman iyon.

Sana ay ginagamit ninyo ang oras ninyo upang palakasin ang loob ng anak n’yo na kamitin ang mga pangarap nila, e ‘di sana pare-pareho n’yo rin pong malalasap ang tagumpay pagdating ng panahon,” seryoso ngunit malaman na sagot ni Jacob.

Natameme ang mga mapanglait na chismosa sa narinig. Tila ba may dumaang anghel dahil nagkaroon ng biglaang katahimikan dahil sa sinabi ng lalaki.

Ganoon man ang naging tugon, labis na nasaktan si Jacob sa narinig, pero iyon ang katotohanan na kailangan niyang tanggapin ng buo. Sa atin kasi, ang katumbas ng pagkamit ng pangarap ay parang pagmimina ng ginto. Napakamahal ng edukasyon at hindi lahat ay may kakayahan na makatapos.

“Hindi maaari… hindi kailangan man ako puwedeng pabagsakin ng suliranin na ito,” may mga namumuo sa matang sabi ng lalaki sa sarili.

Nagtapos si Jacob ng hayskul bilang valedictorian. Halos wala na rin espasyo sa leeg niya sa dami ng nakasabit na medalya. Pero para sa kaniya, bawat medalya at hagdan na tungtungan niya noon para sa pangarap.

“Anak, gusto mo bang magpahinga muna sa pag-aaral at magtrabaho? Hindi na kasi namin kakayanin ng tatay mo yung mahal ng matrikula,” malungkot na sabi ng ina ni Jacob.

“Nais ko po sanang magpatuloy, pero nay, hihilingin ko na lamang po ang suporta ninyo… ako na po ang bahala,” nakangiting sabi ng binata.

Ginawa ni Jacob ang lahat upang makapasok sa paaralang ninanais. Alam niya at tanggap niya na hindi magiging madali ang makipagsapalaran, pero desidido siyang maabot ang mataas na pangarap.

Nag apply ang binata ng scholarship na sinagutan naman ng gobernador dahil sa magandang grado. Kumuha siya ng kursong Aeronautical engineering at dahil nga valedictorian, binigyan rin ng unibersidad ng scholarship ang binata. Kailangan lamang niyang panatilihing mataas ang mga grado upang hindi maputol ang scholarship.

Sa umaga, estudyante si Jacob, sa gabi ay waiter naman siya sa isang fast food restaurant. ‘Di na alintana ang pagod at puyat, ang mahalaga’y unti-unti siyang umuusad para kamtin ang pangarap.

Hindi naging madali ang buhay kolehiyo para kay Jacob. Nariyan ang mga pagkakataon na kinakapos siya sa pera at walang pambili ng proyekto.

Mas naging mahirap ang pag-usad ng binata na tila ba butas ng karayom na ang kaniyang pinapasukan ng dumating ang isang masamang balita.

“Jacob, anak, ang tatay mo, kritikal na ngayon! Kailangan ng malaking halaga daw para mabigyang lunas,” umiiyak na sabi ng ina ni Jacob.

“S-sige po, ‘nay, ako na ang bahala,” mahinang tugon ng lalaki.

Pansamantalang tumigil si Jacob sa pag-aaral upang mag full time sa trabahong. Napalaki na kasi ng bayarin para sa gamot ng ama at utang na binabayaran pa sa ospital.

“Tila yata tama nga sila… baka nga ang pangarap ay para lamang sa may mga kayang abutin ito,” malungkot na bulong ng binata sa sarili.

Pero hindi naman rin nagtagal muling nakabalik sa pag-aaral si Jacob. Himalang bumuti ang lagay ng ama niya at kahit papaano’y hindi na kinailangan pa ng mahal na gamutan.

Nalipasan man ng panahon, pero hindi pa naman huli ang lahat, nakapagtapos si Jacob na Magna Cum Laude sa unibersidad! Hindi lamang iyon, nabigyan siya agad ng oportunidad na kumuha ng kursong pagpi-Piloto!

Sumugal siya sa ‘Study now, pay later’ na alok ng isang Airline Company. At hindi naman siya nabigo…

Matapos ang ilang panahon, masayang nakakuha ng libreng ticket ang magulang ni Jacob, pero bakit?

Matapos ang pag-anunsiyo ng piloto sa radyo ng eroplano, isang mensahe ang pumukaw sa atensyon at puso ng mga pasahero.

“Good day, ladies and gentlemen! This is Jacob, your captain, speaking and I wanna just say that this flight is truly special for me, because two of the most important persons in my life is on board.

To my parents whom I will be flying with for the first time, you are the reason why I am here today!

Nay, tay… para sa inyo ito. Mahal na mahal ko kayo. Kayo ang dahilan kung bakit naabot kong lahat ng ito,” madamdaming pahayag ng batang piloto.

Napatakip naman ng bibig ang mga magulang ni Jacob at napaluha. Ang ilang pasahero ay ‘di naiwasang mapaiyak din sa surpresang inihanda ng binata para sa magulang.

Magmula ng araw na iyon, nagsimula na ang karera ni Jacob patungo sa pangarap na kaytagal inasam-asam.

Pilit man ibinabagsak ng mga tao at pinagsalitaan ng masasakit noon, nagawa pa ring makalipad ng binata patungo sa pangarap.

Mahirap ang pinagdaanan ni Jacob noon at sa likod ng bawat tagumpay na tinatamasa ay kay taas ng problema ang kaniyang hinarap upang makatungtong sa tuktok ng tagumpay ngayon.

Ang kwento ni Jacob ay siyang patotoo na hindi hadlang ang pagiging anak-mahirap upang maabot ang mataas nating pangarap. Lakas ng loob, tiwala na makalalagpas sa problema at matinding pananampalataya ang kailangan upang malagpasan ang bawat pagsubok na inihain sa atin ng buhay.

Advertisement