
Pilit Ikinubli ng Lalaki ang Isang Kasalanang Nagawa sa Nobya; Ano Kayang Gagawin Niya Ngayong Nabuko na Siya ng Kasintahan?
Hayskul pa lamang ay magkasintahan na sina Alex at Jamie. Magkababata sila at naging matalik na magkaibigan habang lumalaki. Ngunit sa paglipas ng panahon ay sumibol ang pag-ibig sa kanilang mga puso. Kaya matapos magtapat ni Alex ng nararamdaman noong second year high school sila, doon nagsimula ang matamis nilang pag-iibigan.
Sa pang walong taon na anibersaryo, doon lumuhod si Alex sa harapan ni Jamie upang alukin ng kasal.
“Mahal na mahal kita, baby! Will you marry me?” nakaluhod habang hawak ang singsing na tanong ng lalaki.
“Yes! Yes, I will marry you,” naluluha-luhang sagot naman ni Jamie.
Isinuot ng lalaki ang singsing at saka siniil ng halik ang kasintahan. Tuwang-tuwa naman ang mga kaibigan at kapamilya nila nang matunghayan ang nakakakilig na pangyayaring iyon.
Ang kanilang relasyon ay parang normal na relasyon ng mga tao. Mayroong awayan at hiwalayan, pero sa huli, umuuwi pa rin sila sa bisig at piling ng isa’t isa.
Pero paano kaya kung subukin sila ng mas matindi? Magiging matibay pa rin kaya ang pundasyon ng pag-ibig upang hindi mabuwag ng problemang sasalanta sa masaya nilang pagsasama?
“Baby, kailangan kong umuwi sa probinsiya naming. Nagkakaproblema kasi sila mama sa paghahatian ng benta ng lupa e. Gusto mo bang sumama? Isang linggo lang naman,” saad ng lalaki.
“Ah, e, ganun ba? Hindi ako puwede baby e. May pasok ako bukas, tapos hindi rin ako puwedeng mag leave kasi may training kami next week. Okay lang ba kung ikaw na lang? Iintayin na lang kita,” tugon naman ng dalaga.
Tumango ang lalaki at saka yumakap sa kasintahan. Umalis nga at nagtungo si Alex sa kanilang probinsiya. Tuloy-tuloy naman noon ang komunikasyon ng dalawa at wala naman naging problema. Nagkataon lamang na may isang gabi na hindi nakatawag o naka-message si Alex dahil nalasing daw ng sobra.
“Sorry na, baby. Nalasing lang talaga ako kasi ngayon ko lang nakasama yung mga kaibigan ko rito sa probinsiya namin,” malambing na paliwanag ni Alex.
“Sana man lang nagpaalam ka kasi para hindi ako nag-aalala,” inis na sagot naman ni Jamie.
“Babawi ako pagkauwi ko, promise! I miss you, baby! I love you!” paglalambing pa ng binata.
“Sige na nga. I love you, too!” may kaunting karupukang kinilig naman ng babae.
Lumipas ang mga lingo at buwan, normal pa rin naman at walang nagbago sa pagsasamahan ng magkasintahan. Masaya sila at parehong sabik na sa nalalapit na kasal.
Isang gabi, nag-aya si Jamie na uminom ng kaunti upang makatanggal naman ng stress mula sa trabaho. Uminom sila ng beer habang nanonood ng pelikula nang magpaalam si Alex na magbabanyo lamang daw.
Naiwan ni Alex ang kaniyang cellphone sa upuan. Napatingin doon si Jamie at saka ito kinuha.
“Matingnan nga.. Baka niloloko na ako ng mokong na ‘to tapos wala pa akong kalam-alam,” natatawang sabi ni Jamie sa sarili. Alam naman niyang ‘di magloloko ang nobyo dahil mahal na mahal siya nito.
Habang kinakalikot ng babae ang cellphone, nakita niya ang palitan ng mga usapan:
‘Kailan ka ba babalik dito sa probinsiya? Malapit na akong manganak, hindi ka pa rin nagpapakita.’
‘Miss ka na ng magiging baby natin. Umuwi ka na dito, please?’
‘Kailangan mo akong panagutan! Hindi puwedeng lumaki ang anak natin ng walang ama at buong pamilya!’
Iyan ang ilan sa mga nakalakip na mensahe sa cellphone ng lalaki.
Nanlamig ang buong katawan ni Jamie sa nabasa. Paanong nangyari iyon? Hindi naman siya sobrang lasing para maging mali ang basa sa mga mensahe. Nakita rin niya na may mga palitan ng tawag na naganap.
“Baby…” pagtawag ni Alex. Bakas sa mukha ng lalaki ang kaba at takot.
“A-anong ibig sabihin nito, Alex?” seryosong tanong ni Jamie. “May ibang babae ka ba? Nakabuntis ka ba ng iba ha?”
“H-hindi… Wala… Wala iyan! Akin na nga iyan!” hinablot ng lalaki ang cellphone at saka umupo.
“Nabasa ko lahat. Ano ang totoo?”
“Wala nga! Puwede ba Jamie?! ‘Wag mong sirain yung gabi natin, please lang!” depensa pa ng lalaki.
“’Wag mo naman akong gawin tanga o? Ano ba kasi?!” pasigaw na sabi ni Jamie.
Yumuko ang lalaki at saka lumuhod sa harapan ng nobya. Nagsimulang bumagsak ang mga luha sa mata nito at hinawakan ang kamay ng kasintahan.
“Baby.. I’m sorry. Hindi ko naman sinasadya. Hindi ko ginusto. Aksidente lang ang lahat. Please, ‘wag mo akong iiwan…”
“Paano? Bakit?” umiiyak na tanong ni Jamie.
“N-noong nagpunta ako ng probinsiya na nag-inuman kami ng mga kaibigan ko… nakasama ko si Tricia.. kababata ko roon. Matagal na niya akong gusto at madalas akong hinaharot kapag nagbabakasyon ako noon, pero baby, hindi ko siya pinapansin dahil ikaw ang mahal ko,” paliwanag ng lalaki.
“Pero bakit hinayaan mo? Kung alam mo naman pala na noon pa man gusto ka na niya, bakit ‘di ka pa umiwas no’n? Bakit inintay mo pang umabot sa ganito? Wala ka bang plano na sabihin man lang sa’kin?” sunod-sunod na tanong ng dalaga.
“Hindi ko alam kung paano sasabihin sa’yo. Ayokong masaktan ka.”
“Pero nasasaktan na ako ngayon, Alex.”
“’Wag mo akong iiwan, please? Parang awa mo na, mahal na mahal kita…” pagmamakaawa ng lalaki.
“Bakit hindi mo nagawang alalahanin na mahal mo ako noong may nangyari sa inyo? Kahit lasing ka, alam mo ang ginagawa mo. Sa ating dalawa, ikaw yung mataas ang tolerance sa alcohol, kaya paanong malalasing ka?” umiiyak na saad ng dalaga.
“I’m sorry. Ikaw yung gusto ko… Ikaw lang, Jamie!”
“Pero magkaka-baby na kayo…”
Tumayo si Jamie at saka kinuha ang mga gamit at saka umalis ng apartment ni Alex.
“’Wag kang susunod! Bigyan mo ako ng time, please lang! Gulong-gulo na ako,” pakiusap ng dalaga habang pinipigilan siya ng nobyo na umalis.
Ilang araw na walang tigil na tumatawag at nagte-text si Alex kay Jamie, pero walang tugon ang dalaga. Hindi rin ito nagpapakita sa lalaki kahit na halos araw-araw na nagpupunta ang lalaki sa kanilang bahay.
Matapos ang halos dalawang linggo. Nakipagkita rin si Jamie.
“Jamie, baby, akala ko hindi mo na ako kakausapin pa. Miss na miss kita!” agad na yumakap ang lalaki.
Blangkong titig lamang ang isinukli ng dalaga. Wala emosyon ang mukha nito at malamig ang pakikitungo.
“Nakapag-isip na ako, Alex…”
“Anong naging desisyon mo? Pinapatawad mo na ba ako?”
“Hindi madali sa akin ito, Alex… pero ayoko na. Pasensiya ka na. Ilang beses kong pinag-isipan ito, pero eto yung alam kong tama. Panagutan mo yung mag-ina mo. Maging mabuting asawa at ama ka sa kanila. At pakiusap… ‘wag mo silang sasaktan ha?” nagsimulang pumatak ang luha sa mga mata ng dalaga.
“P-pero Jamie… hindi ko siya mahal! Ikaw yung mahal ko!”
“Mahirap na yung sitwasyon natin, ‘wag mo na sanang pahirapan pa. Ang pagmamahal, natututunan ‘yan. Mahirap man sa’kin, pero kailangan kong gawin ‘yung tama. I’m sorry, Alex, ayoko na.
Salamat sa lahat-lahat. ‘Wag kang mag-alala, babaunin ko lahat ng masasaya nating alaala. Masakit, sobrang sakit, pero hindi ang makasama ka ang hinihingi ng sitwasyon. May mag-inang nag-iintay sa’yo. Kaya hiling ko lang, palayain mo na rin ako.
Pinapatawad na kita, kaya sana patawarin mo na rin ang sarili mo. Pinagtagpo lang tayo, pero ngayon, pareho natin alam na hindi tayo ang itinakda para sa isa’t isa. Paalam, Alex…” pahayag ng dalaga habang tuloy-tuloy ang pagpatak ng luha.
Bago pa man magbago ang kaniyang isipan, tumalikod na si Jamie at saka tumakbo paalis. Sobrang sakit ng nadarama niya at hindi niya alam kung paano magsisimula, pero alam niyang tama ang naging desisyon niya.
Pinutol ng dalaga ang lahat ng koneksyon niya sa dating kasintahan. Dumaan siya sa matinding depresyon at pagdadalamhati, pero kailangan umusad ng buhay. Kaya’t sumunod siya sa kapatid niya sa Dubai at doon nagtrabaho.
Nagsimula ng bagong buhay si Jamie at unti-unti, nakabangon siya mula sa matinding pagkakadapa. Natutunan niyang muling ngumiti at maging maligayang muli. Sa huling pagkakataon, tiningnan niya ang singsing na bigay pa ng kasintahan noon, hinawakan niya ito ng mahigpit at saka pumikit.
“Ikaw ang una, pero hindi ang wakas… Paalam…” ibinato ni Jamie ang singsing sa dagat at saka ngumiti.
Lahat tayo ay dumaraan sa masasakit na pangyayari sa buhay, pero ang sikreto upang malagpasan ito ay ang pagpapatawad. Pagpapatawad sa taong nakasakit sa atin at pagpapatawad sa sarili natin dahil hinayaan natin saktan tayo ng iba.
Malungkot at masakit, pero hindi habang buhay uulan, darating din muli ang araw at muli nating masisilayan ang bagong bukas. Magiging masaya tayong muli nang hindi na nakadepende sa ibang tao. Tuloy lang ang buhay!

Napakahilig Manilip ng Lalaking Ito; Nangilabot Siya nang may Kakaibang Masaksihan sa Maliit na Butas kung Saan Siya Gumagawa ng Kalokohan
