
Tinangka ng Dalaga na Mandaya Upang Makapasa sa Pagsusulit; Manaig nga ba ang Katotohanan?
“Anak, ‘wag kang kabahan. Alam ko namang kayang-kaya mo ‘yan!” nakangiting bulalas ng kaniyang ama nang siguro ay mapansin nito na balisa siya.
“Medyo kabado, ‘Tay. Balita ko kasi mahirap daw talaga.”
Ngayong araw nakatakda ang huling pagsusulit nila sa eskwelahan. Dito ibabase kung makakasama ba sila sa mga magtatapos kaya naman hindi niya maiwasan na kabahan nang husto.
“Paano ‘pag ‘di ako makapasa, ‘Tay?” puno ng pag-aalinlangang tanong niya sa ama.
Imbes na sumagot ay nilagyan pa nito ang kaniyang plato ng maraming pagkain bago ngumiti.
“Kumain ka pa,” utos nito.
“‘Wag ka na masyadong mag-alala riyan. Kung hindi ka makapasa, ibig sabihin hindi pa panahon para makapagtapos ka. Kung yung matrikula naman ang inaalala mo, eh para saan pa itong malaking katawan namin ng mga Kuya mo?” ang panganay niyang kapatid na si Dante ang sumagot.
Apat silang magkakapatid. Siya ang bunso at mayroon siyang tatlong kapatid na mga lalaki. Malapit silang magkakapatid sa isa’t-isa. Wala man siyang kinalakhang ina ay busog naman siya sa pagmamahal mula sa mga kapatid at sa ama.
“‘Wag kayong mag-alala mga kuya, gagawin ko talaga lahat ng makakaya ko para makatapos. Para magkaroon na ako ng magandang trabaho at makatulong na ako dito sa bahay!” ngiti niya sa pamilya kahit na hindi pa rin naaalis sa dibdib niya ang kaba.
Kahit na anong sabihin ng mga ito ay alam niya sa sarili na mahalaga na makapasa siya. Pinilit ng mga ito na pag-aralin siya kahit na napakahirap ng kanilang buhay kaya dapat lang na suklian niya ang sakripisyo ng mga ito.
Habang naghihintay ay panay pa rin ang basa niya ng libro para mag-aral at magkabisa.
Natigil lang siya nang lapitan siya ng isa sa kaniyang kaklase, si TJ.
“Rea, tingnan mo ‘to. Kung ako sa’yo eto na lang ang kabisaduhin mo para sigurado na ang pagpasa mo,” bulong nito bago ipinakita sa kaniya ang isang piraso ng papel.
Kumunot ang kaniyang noo dito. “Ano ‘yan?”
“Kodigo. Gusto mo? Mapagkakatiwalaan ang pinagkunan ko nito kaya sigurado talaga akong tama ‘to,” pangungumbinsi nito.
Hindi siya agad nakapagsalita. Tumingin siya sa paligid at nakita niyang ang halos kalahati ng klase ay mayroon na ng kaparehong papel.
“Kunin mo na. Iwan ko dito, bayaran mo na lang ako ng singkuwenta mamaya ha!” Nagmamadaling nilapag nito ang papel sa kaniyang mesa. Napako ang tingin niya doon hanggang sa dumating ang kanilang propesor.
“Magandang umaga. Mag-uumpisa na tayo kaya pakitanggal na lahat ng gamit sa inyong mesa,” istriktang utos nito na agad nilang sinunod.
“Siguraduhin niyo na hindi niyo susubukang mandaya. Kapag nahuli kayo, pasensiyahan na lang. Siguradong hindi kayo magtatapos at paaalisin kayo dito sa unibersidad,” huling paalala nito bago sila inudyukan na magsimula na.
Unang tingin niya pa lamang sa mga tanong ay inatake na siya ng kaba. Mayroon naman siyang mga nasasagutan ngunit marami-rami rin ang hindi niya alam ang sagot. Karamihan ay nabasa niya ngunit sa nerbiyos ay nakalimutan niya.
“Dalawampung minuto na lang,” paalala ng propesor.
Mas lalo siyang natuliro. Napatingin siya sa papel na nasa ilalim ng kaniyang mesa. Tila may humihila sa kaniya na tumingin na doon at kunin ang mga tamang sagot. Naiisip niya pa lang kasi ang posibilidad na hindi siya papasa ay nakakaramdam na siya ng takot at panghihinayang.
Ipinilig niya ang ulo at itinuloy ang pagsasagot.
“Sampung minuto.”
Muli siyang napatingin sa papel. Sa kabilang banda ng kaniyang isip ay nakikinita niya ang bigong mukha ng kaniyang pamilya. Alam niyang pagkadismaya ang mararamdaman ng mga ito kung papasa siya sa tulong ng pandaraya. Mas hindi niya yata gusto iyon. Gusto niyang matupad ang pangarap niya ng walang ginagawang masama.
“Hindi. Kaya ko ‘to,” bulong niya sa sarili at iniwas ang tingin sa papel.
Pinilit talaga niya ang sarili na alalahanin ang mga nabasa hanggang sa oras na matapos ang pagsusulit.
“Kumusta ang pagsusulit mo?”
Ngumiti siya sa kaniyang Tatay. “Bukas pa po malalaman ang resulta.”
Basta, kung ano’t anuman ang resulta ay maluwag sa loob niyang tatanggapin iyon.
Kinabukasan, habang kasalukuyan nilang hinihintay ang resulta ng pagsusulit ay narinig niya ang pagtawag ng kaniyang kaklase sa kaniyang pangalan.
“Rea, ipinapatawag ka ng Dean.” Nagtataka siyang tumango at tinungo ang opisina ng Dean.
Litong-lito siyang pumasok sa opisina at naabutan ang mga kaklase kabilang na si TJ. Halatang galing ang mga ito sa pag-iyak kaya naman umusbong ang kaba sa kaniyang dibdib.
“Rea, kasama ka sa listahan ng hindi makakapagtapos at paalisin ng eskwelahan dahil sa ginawa niyong pandaraya sa exam.”
Ipinakita dito ang isang papel kung saan nakalista ang kanilang mga pangalan. Sigurado siyang ito ang listahan ni TJ. Nanlamig siya bigla.
“Sir, hindi ako nandaya. Binigyan ako ng kopya pero pinapangako na hindi ko po talaga iyon ginamit,” naiiyak niyang paliwanag.
Subalit tila sarado na ang isip nito at hindi na nito nais pang makinig sa anumang nais niyang sabihin.
“Ipapatawag ko ang mga magulang niyo at ako mismo ang magpapaliwanag sa kanila kung anong nangyari at kung anong mangyayari,” pagtatapos nito.
Nagsialisan na ang mga kasama niya ngunit naiwan siya doong tulala at umiiyak. Ano na lang ang sasabihin ng kaniyang pamilya?
Kinabukasan ay ipinatawag nga ang kaniyang Tatay at mga kapatid. Panay ang tanong ng mga ito kung tungkol saan ang pag-uusapan ngunit hindi siya sumasagot. Nang sabihin ng Dean kung ano ang nangyari ay wala siyang nagawa kundi umiyak habang ipinapaliwanag niya sa pamilya ang tunay na nangyari.
“‘Tay, mga Kuya. Hindi ko talaga ginawa iyon. Natukso ako, oo, pero hindi ko ginawa kasi alam kong mas gugustuhin niyo pa na bumagsak ako kaysa mandaya. Alam kong mali kaya hindi ko tinuloy. Sorry po.”
Tahimik lamang ang mga ito bago siya nilapitan ng ama at niyakap.
“Naniniwala ako sa’yo dahil mabuti kang bata. ‘Wag ka nang umiyak. Hahanap tayo ng ibang eskwelahan para sa’yo,” wika ng Tatay niya, dahilan upang lalo lamang siyang mapaiyak. Pakiramdam niya kasi ay nasayang ang paghihirap ng mga ito dahil sa kaniya.
Kaya naman kinabukasan ay halos maglumuhod siya sa kanilang Dean upang mag-imbestiga ito bago siya parusahan.
Marahil ay nakita nito na hindi siya susuko kaya naman binigyan siya nito ng tiyansa.
Sa imbestigasyon ay ikinumpara ang mga sagot ng mga gumamit ng kodigo. Pare-pareho ang sagot ng mga ito kaya naman pare-pareho ang nakuha nilang grado. Ngunit napag-alaman na ang papel ni Rea ay naiiba. Mababa ang naging grado niya, subalit pasado. Halos magtatalon si Rea sa sobrang tuwa.
Humingi ng paumanhin sa kaniya ang eskwelahan sa pagkakadawit ng kaniyang pangalan sa isyu at halos maiyak siya sa tuwa nang malaman na isa siya sa mga magtatapos. Ang mga napatunayang gumamit ng kodigo ay hinarap ang naging parusa ng paaralan.
Napakalaki ng pasasalamat ni Rea na pinili niyang gawin ang tama noong araw ng pagsusulit. Kung natukso siya at piniling mandaya ay baka nawala sa kaniya ang lahat. Una, ang apat na taon sa kolehiyo na pinaghirapan niya. Ikalawa, ang tiwala ng kaniyang pamilya.
Pero dahil pinili niyang maging totoo, biniyayaan siya ng langit.
Sa araw ng pagtatapos ay masayang masaya si Rea. Sa wakas, maibabalik niya na ang lahat ng naging sakripisyo ng kaniyang mga mahal sa buhay.