Kinupkop ng Mag-ina ang Gusgusing Tuta; Malaking Biyaya Pala ang Hatid Nito sa Kanila

Magkasamang hinaharap ng mag-inang Pacita at Trina ang bawat araw. Kahit mahirap ang kanilang buhay ay katuwang nila ang isa’t isa.

“Pasensiya ka na, anak kung hindi kita nabigyan ng maayos na buhay. Kung hindi sana maagang pumanaw ang tatay mo at hindi ako nagkasakit noon ay napagtapos ka namin sa pag-aaral,” wika ng ina.

“Ayos lang po, inay. Ang mahalaga po ay magaling na kayo at nasa piling na ng ating Panginoon si itay. Darating din po ang araw na makakabalik ulit ako sa pag-aaral. Kaya nga po doble ang pagsisikap kong makaipon ng pera,” sagot naman ni Trina.

Ang pagtitinda ng mga basahan at plastik ang pinagkakakitaan ni Trina. Hindi na niya pinagtatrabaho ang ina dahil mahina na ang katawan nito. Nagkaroon ito ng sakit sa baga ngunit sa awa naman ng Diyos ay gumaling sa tulong ng isang ahensya na nagpapagamot sa mga mahihirap na may mga karamdaman. Kahit paano’y naitatawid naman nila ang pang-araw-araw nilang gastusin kahit maliit lang ang kinikita niya.

Isang araw ay may napansin si Trina na may pinagkakaguluhan ang mga bata sa labas ng kanilang bahay. Dahil sa ingay ng mga ito ay sinita niya.

“Hoy, mga bata, ano’ng pinagkakaguluhan ninyo riyan?!”

Nang lapitan ni Trina ang mga bata ay nakita niyang sinasaktan ng mga ito ang isang gusgusing tuta. Nakaramdam siya ng awa sa hayop kaya kinagalitan niya ang mga salbaheng bata at sinabihan ang mga ito na tumigil na sa ginagawa.

“Tigilan niyo ‘yan! Maawa kayo sa tuta!”

Advertisement

Nilubayan naman ng mga batang kalye ang pananakit sa tuta at nagmamadaling tumakbo ang mga ito paalis. Kinarga ng dalagita ang tuta at dinala sa loob ng kanilang bahay.

“O, kaninong tuta ‘yan?” tanong ng inang si Pacita.

“Kaya pala may mga batang nag-iingay sa labas, pinagtutulungan nilang saktan itong kaawa-awang tuta.”

“Kawawa naman ang gusgusing tuta na ‘yan. Ilapit mo nga rito sa akin at papakainin ko. Baka nagugutom na ‘yan. Mamaya ay paliguan mo na rin.”

Binigyan ni Pacita ng pagkain ang tuta. Nagustuhan naman nito ang inihain ng babae at nagmamadaling kinain iyon.

Mabait at maamo ang tuta na pinangalanan nilang Goryo. Naging mas masaya ang mag-ina nang kupkupin nila ang tuta. Dahil dalawa na lamang sila na nakatira sa maliit nilang barong-barong ay itinuring na nilang kapamilya ang munting hayop.

“Mabuti na lang at nakuha mo ‘yang si Goryo, anak. Mula nang kupkupin natin ang tutang ‘yan ay hindi na ako naiinip dito sa bahay,” sabi ni Pacita sa anak.

“Oo nga po, inay. May nakakasama ka na rito kapag nasa labas ako at nagbebenta. Saka sobrang masunurin niyang si Goryo at hindi nagpapasaway,” tugon naman ng dalagita.

Advertisement

Ngunit isang araw ay hindi inaasahang bagyo ang dumating. Sa sobrang lakas ng bagyo ay nasira ang maliit nilang tirahan. Nang tumila ang malakas na ulan ay nawalang parang iglap ang bahay ng mag-ina. Nanlumo ang dalawa sa nangyari, hindi nila alam kung saan sila titira ngayong sinira ng bagyo ang kanilang barong-barong.

“Ano’ng gagawin natin, inay? Saan na tayo titira? Wala na tayong bahay!” maluha-luhang sambit ni Trina.

“May awa ang Diyos, anak,” tanging tugon ni Pacita sa kaniyang anak.

Maya-maya ay may dumating na isang magarang kotse. Huminto ito at bumaba ang sakay nito at nagtanong.

“Ale, ale, maaari po bang magtanong?” wika ng isang dalaga.

Nagulat ang mag-ina sa biglang pagsulpot ng magandang dalaga sa kanilang harapan.

“A-ano ‘yon?” tanong ni Pacita.

“May nakita po ba kayong tuta? Kulay tsokolate po siya at napaka-cute,” tanong ng dalaga.

Advertisement

Nang biglang sumulpot ang tutang si Goryo at tumahol.

Laking tuwa ng dalaga nang makita ang tuta.

“Fluppy? I-ikaw nga! Halika!” tuwang-tuwang sambit ng dalagita saka niyakap ang tuta.

“K-kilala mo si Goryo?” tanong ni Trina.

“Goryo? Hindi Goryo ang pangalan ng tuta ko. Ang pangalan niya ay Fluppy. Ako ang may-ari sa kanya. Siya ang nawawala kong alaga,” tugon ng dalaga.

Napag-alaman ng mag-ina na matagal nang nawawala ang tuta na pagmamay-ari ng dalaga na nagpakilalang si Steffi. Lubos ang pasasalamat ni Steffi kina Pacita at Trina sa ginawang pagkupkop ng mga ito sa kaniyang alaga.

“Kayo po pala ang nag-alaga at kumupkop kay Fluppy. Maraming salamat po. Akala ko ay hindi ko na siya muling makakasama. Mahal na mahal ko po ang alaga ko dahil siya ang iniwang alaala ng namayapa kong ama at ina. Ibinigay siya sa akin nina papa at mama bago sila pumanaw,” wika ng dalaga.

Dahil sa ginawa ng mag-ina ay nagbigay ng pabuya si Steffi. Ipinagawa niya ang nasirang bahay nina Pacita at Trina. Isa palang heredera si Steffi. Mula nang pumanaw ang mga magulang ay sa kaniya ipinamana ang lahat ng ari-arian ng mga ito. Kung dati’y nakatira lang ang mag-inang Pacita at Trina sa maliit na barong-barong, ngayon ay nakatira na sila sa sementado at magandang bahay. Binigyan din sila ni Steffi ng perang puhunan para sa negosyo. Hindi na kailangang magbenta sa kalye ni Trina para kumita para sa kanilang mag-ina. Ang perang ibinigay sa kanila ni Steffi ay ipinagpatayo nila ng grocery store na kasalukuyang pinagkukunan nila ng ikabubuhay.

Advertisement

Laking pasasalamat ng mag-ina sa tulong na ibinigay sa kanila ni Steffi. Malaki rin ang pasasalamat nila sa tutang si Fluppy dahil ito ang nagbigay daan para muli silang makabangon at magkaroon ng mas magandang hinaharap.