Muling Nakaharap ng Matandang Babae ang Dati Niyang Sekretarya na Hinamak Niya Noon; Magugulat Siya sa Sasabihin Nito

Habang tahimik na kumakain ng pansit si Cleo sa paborito niyang restawran ay may biglang lumapit sa kaniya at tinawag ang pangalan niya.

“Hi, Ma’am Buenavidez!”

Napalingon ang matandang babae sa kaniyang likuran. Nakita niya ang isang babae na nakasuot ng kulay pulang bestida. May mahaba at kulot na buhok at may kaitiman ang balat.

“S-sandali, bakit mo ako kilala? Sino ka ba, hija?!” nagtataka niyang tanong.

“Ma’am naman, hindi niyo po ba ako naaalala? Ako po si Klarisse, Klarisse Estrella, ‘yung dati niyo pong sekretarya,” sagot ng babae.

Isinuot ni Cleo ang kaniyang salamin sa mata para pagmasdang mabuti ang itsura ng babae. Tinitigan niya itong mabuti mula ulo hanggang paa. Hindi siya nagtaka o nagdalawang-isip nang makilala ang nagpakilalang dati niyang sekretarya.

“Klarisse, ikaw na ba ‘yan? Hindi kita nakilala,” pakitang-tao niyang sagot sa kaharap.

“Kumusta na kayo, ma’am? Hindi pa rin kayo nagbabago. Parang hindi kayo tumatanda,” tugon ng babae.

Advertisement

Natawa lang si Cleo sa sinabi ng dating sekretarya. Muling bumalik sa kaniya ang alaala ng nakaraan. Nagtatrabaho siya noon bilang head accountant sa isang pribadong kumpanya at si Klarisse ang kaniyang sekretarya na medyo mahina ang ulo at tat*nga-t*nga kaya palagi niyang nakakagalitan. Nabubuwisit din siya rito noon dahil sa maitim nitong kutis. Sa tingin niya ay napakarumi nito sa katawan at mukhang mabaho. Sa isip niya ay bakit pa ito natanggap sa kumpanyang iyon at naging sekretarya pa niya.

“Ano ba naman, Klarisse, simpleng instruction lang hindi mo pa makuha? Saan ka ba nag-aral at napaka-t*nga mo?!” inis niyang sabi sa babae.

“S-sorry, ma’am. Hindi na po mauulit,” sagot ni Klarisse.

Talagang hindi na mauulit dahil kapag naulit pa ‘yan ay ipapasisante na kita!” pagbabanta niya.

Ngunit kahit wala namang ginagawang kapalpakan si Klarisse ay mabigat pa rin ang dugo niya rito dahil sa maitim nitong balat. May karapatan naman kasi siyang magyabang sapagkat bukod sa maganda siya ay maputi rin ang kanyang balat. Kahit pa may edad na siya ay lutang na lutang pa rin ang kaniyang alindog.

“Huwag ka nga masyadong lumalapit sa akin, Klarisse. Baka mahawa mo pa ako ng kaitiman mo!” inis niyang pang-iinsulto rito.

Tahimik namang lalayo ang babae at hindi na kikibo. Tanda ng paggalang pa rin sa kaniya.

Ngunit isang araw ay nalaman niya na nag-resign na ito sa trabaho at hindi na bumalik pa sa opisina. Laking tuwa niya dahil mawawalan na siya ng sakit sa ulo at hindi na niya makikita pang muli ang kinaiinisang babae.

Advertisement

Maya-maya ay bumalik na ang alaala ni Cleo sa kasalukuyan. Inanyayahan niyang maupo ang kaniyang dating sekretarya at inalok na kumain.

“Halika, hija. Samahan mo akong kumain. Hindi ko talaga inasahan na magkikita tayo rito.”

“Naku, salamat po, ma’am. Ang totoo ay matagal ko na po kayong gustong kausapin, ngayon lang po talaga ako nagkaroon ng pagkakataon.”

Napalunok si Cleo sa sinabi ng kaharap. Bigla niyang naisip na baka gusto siya nitong gantihan sa mga panghahamak niya rito noon.

“B-bakit, hija?” kinakabahang tanong ni Cleo.

“Nabalitaan ko pong nagretiro na kayo sa kumpanya kung saan din po ako nagtrabaho noon. Mabuti na lamang at sadyang pinagtagpo tayo ng tadhana, ma’am. Gusto ko po sanang magpasalamat sa inyo dahil kung hindi niyo ako hinamak noon ay hindi ako magkakaroon ng tiwala sa aking sarili na maging matagumpay rin sa buhay gaya niyo. Mula po nang nag-resign ako sa opisina ay nag-aral ako ng maikling kurso sa pagnenegosyo. Dahil mahusay po akong magluto ay nag-aral din ako ng culinary at ‘di nagtagal ay nakapagpatayo ako ng sariling restaurant na nagkaroon na po ng dalawampung branches. Sa ngayon ay ang branch na ito ang pinakamalakas,” hayag ng babae.

Nagulat si Cleo sa sinabi ng dating sekretarya. Ang restaurant na paborito niyang puntahan para kainan ay pagmamay-ari pala ni Klarisse! Nakaramdam ng matinding pagkapahiya si Cleo, ang dati niyang kinagagalitan at hinahamak na sekretarya ay isa ng matagupay na negosyante. Humingi siya ng paumanhin sa lahat ng ginawa niya noon kay Klarisse na pinatawad naman ng babae.

Pinagsisihan ni Cleo ang ginawang pang-aalipusta kay Klarisse. ‘Di siya makapaniwala na ito pa ang naging daan sa pag-angat sa buhay ng dati niyang sekretarya.