
Pinagmalupitan ang Bata ng Sarili Niyang Madrasta; May Makapagligtas Pa Kaya sa Kaniya Gayong Malayo ang Kaniyang Ama?
“Ayan na si Tinay! Takbuhan na!” sigaw ng mga bata na kanilang kapitbahay nang makita siya bago mabilis na nagpulasan ang mga ito na para bang may nakakahawa siyang sakit. Naiwan si Tinay na malungkot. Mag-isa siyang umupo sa duyan.
“O, bakit ka nag-iisa dito? Akala ko ba ay makikipaglaro ka?” tanong ng kaniyang Tatay Ruben na kararating lamang.
Umupo ito sa kaniyang tabi at inabutan siya ng binili nitong ice cream na paborito niya.
“Ayaw nila akong kalaro kasi pangit daw po ako.”
Iyon ang madalas na sinasabi ng mga tao kay Tinay. Mula noon ay tampulan na siya ng tukso. Hindi kasi siya maputi, makinis, at maganda kagaya ng mga kasing-edaran niya kapag tumabi siya sa mga ito ay kitang-kita ang kaibahan ng kanilang pisikal na anyo.
“Sinong nagsabi niyan sa’yo? Alam mo namang hindi totoo ‘yan. Maganda ka, ako na tatay mo, higit sa kanino man, ang nakakakita ng kagandahan mo. At anong sabi ko sa’yo? Ang tunay na kagandahan ay hindi sa mukha nakikita kundi sa puso,” paglilitanya ng kaniyang ama.
Naisip ni Tinay na ang saya siguro kung ganoon din mag-isip ang ibang tao ngunit hindi. Gayunpaman, ay isang matamis na ngiti ang kaniyang isinukli sa ama bago sila magkahawak-kamay na umuwi sa kanilang tahanan.
Matagal na mula nang namaalam ang kaniyang ina. Sa katunayan nga ay ni hindi niya ito naabutan. Binawi ito sa kanila sa oras na ipinanganak siya. Marahil ito ang dahilan kung bakit parang isang babasaging kristal siya kung tratuhin ng ama.
Kaya naman lungkot na lungkot siya nang magdesisyon ang kaniyang ama na umalis ng bansa para magtrabaho. Pakiramdam niya ay mawawala ang nag-iisang kakampi niya.
“Bukas na ang lipad mo. Grabe, ang bilis ng araw,” sabi ni Tiya Elizabeth habang kumakain sila ng hapunan.
Malungkot na napatingin siya sa ama. Simula bukas kasi ay hindi niya na makakasama ito dahil magtatrabaho na ito sa ibang bansa. Maiiwan siya sa Pilipinas kasama ang kaniyang Tiya Elizabeth, ang ikalawang asawa ng kaniyang ama pati na ang dalawang anak nito na sina Joan at Erika.
Kahit mabait ang kaniyang madrasta sa kaniya, hindi siya malapit dito at sa mga anak nito ngunit wala iyong kaso sa kaniya, basta masaya ang kaniyang Tatay.
“Magpakabait kayo, mga anak. Tatawag lagi ang Tatay,” bilin nito bago lumapit sa kaniya.
Hinaplos nito ang kaniyang buhok. “Magpakabait ka, Tinay, anak. Makinig lagi kay Tiya.”
Hindi niya na napigilan ang umiyak. Sigurado siyang mami-miss niya ang kaniyang tatay na laging nagtatanggol sa kaniya mula sa mga nang-aapi.
“Tatawag ako palagi sa’yo,” pangako nito.
May sasabihin pa sana siya ngunit hinawakan na ni Tiya Elizabeth ang kaniyang balikat para pigilan siya.
“Ako na ang bahala sa mga bata, Ruben. Mag-iingat ka doon,” anito bago niyakap ang kaniyang ama.
Ilang araw pa lamang mula ng makaalis ang ama ay nagbago ang turing sa kaniya ng kinikilalang pamilya.
Lahat ng gawaing bahay ay siya na ang gumagawa, at parati na rin siyang nakagagalitan ng kaniyang ina-inahan. Ang kaniyang kwarto ay napunta kay Joan kaya naman sa sala na siya natutulog. Sa tuwing darating ang mga padala mula sa kaniyang ama ay wala siyang nakukuhang kahit ano.
Sa madaling sabi ay naging katulong siya sa loob ng sarili nilang bahay nang walang kaalam-alam ang kaniyang ama. Madalas pa siyang sabihan ng mga ito na sampid lang siya at nakikisawsaw sa pamilya ng mga ito.
Hindi naman siya makapagsumbong sa ama dahil alam niyang mag-aalala lamang ito sa kalagayan niya. Ayaw niya rin na masira ang relasyon nito sa kaniyang madrasta dahil nakita niya kung paano alagaan ng babae ang kaniyang ama.
“Kumusta ka naman diyan, anak? Kung may gusto kang bilhin sabihin mo lang sa akin at pag-iipunan ko ‘yan agad,” nakangiting tanong ng Tatay niya nang minsan itong tumawag.
Pinunasan niya ang kaniyang luha at sinabing ayos lang siya kahit na hindi. Kanina lang kasi ay kinagalitan na naman siya ng tiyahin at nasabunutan pa siya.
“Hindi bale, malapit na matapos ang kontrata ko rito kaya makakauwi na rin ako. Hintayin mo, isang araw ay masusurpresa ka na lang, anak!” kumindat pa ito, na madalas din nitong gawin noon.
Nanlaki ang mata ni Tinay sa narinig. “Talaga po?”
“Oo, anak. Malapit na akong umuwi riyan.”
Kaya naman simula noon ay sabik na sabik siya palagi, ilang linggo o araw na lang kasi ang titiisin niya at makakasama niya nang muli ang ama na limang tao niyang hindi nakita.
“Tinay, pinakialaman mo ba ang gamit ko? Ang daming nawawala!” sigaw ni Joan isang umaga.
Agad siyang tumanggi. Ni hindi nga siya tumatapak sa kwarto nito maliban na lang kung naglilinis siya.
“Hindi, Ate Joan. Baka nahulog lang diyan o nakaligtaan mo lang kung saan mo nilagay,” sagot niya rito ngunit bigla niyang naalala na nakita niya sa Erika sa kwarto nito noong isang araw, kaya naman binanggit niya iyon sa babae.
“Ano? Pinagbibintangan mo ba ako, ha? Kung ninakaw mo aminin mo na lang kaysa manisi ka ng iba!” galit na sigaw ni Erika.
“Sinasabi ko lang naman. Hindi naman ako nambibintang,” naiiyak niyang tugon sa babaeng noon ay halos magsiklab sa galit.
Maya-maya ay dumating ang kaniyang tiyahin, nag-unahan ang magkapatid sa pagsusumbong. Sa huli ay siya pa ang nagmukhang masama dahil pinagtulungan siya ng magkapatid.
“Walang hiya ka talaga! Pangit ka na, sinungaling ka pa! Siguro kaya mo ginaganito ang mga anak ko ay dahil inggit na inggit ka dahil maganda sila at ikaw, hindi! Sampid ka lang!”
Naputol na ang pagtitimpi niya kaya sa kauna-unahang pagkakataon ay naglakas loob siyang lumaban dito.
“Inggit? Bakit ako maiinggit? Kung magiging ganyan lang rin kasama ang pagkatao ko kagaya niyo ay hindi ko na gugustuhing maging maganda!”
Mukhang napikon ito sa sinabi niya at aktong sasampalin siya nang marinig nila ang dumadagundong ang boses mula sa pinto.
Ang kaniyang Tatay!
“Anong ginagawa mo sa anak ko?”
“Tatay!”
Nagulat ang kaniyang Tiya Elizabeth at pilit na magpalusot ngunit sapat na ang tagpong naabutan ng kaniyang ama para tanungin siya nito kung matagal na bang ganoon ang pagtrato sa kaniya. Natakot siyang magsinungaling dahil iyon ang unang beses na nakita niyang nagalit ang kaniyang napakabait na Tatay.
“Maghiwalay na tayo. Tinanggap kita, pati ang mga anak mo ay itinuring kong akin, at ito ang igaganti mo? Kayo ng mga anak mo ang sampid sa pamamahay ko. Lumayas na kayo bago ko pa kayo ipapulis!” galit nitong pagtataboy sa tatlo.
Kahit anong pagmamakaawa ng mga ito ay hindi natinag ang kaniyang ama.
“Anak, maging mabait at mabuting tao ka ngunit sana ay alam mo kung paano lumaban,” naiiling na sermon nito sa kaniya.
Ipinaliwanag niya rito ang dahilan kung bakit hindi niya sinabi rito ang totoo. Gusto niyang hindi ito malungkot o nag-iisa.
“Bakit naman ako malulungkot kung nandito ka? Sapat na sa akin kahit tayong dalawa lang. Hindi natin sila kailangan,” nakangiting wika nito.
Masayang masaya si Tinay. Tunay nga na lahat ng paghihirap ay may hangganan. Sa wakas, tapos na ang pagdurusa niya. Kasama niya na ulit ang nag-iisang tagpangtanggol niya, at pangako pa nito’y hindi na siya nito iiwan nang mag-isa.