Isang Bagay ang Ipinagkaloob ng Matanda sa Kaniya; Mailigtas nga Kaya Siya ng Bagay na Iyon Mula sa Kapahamahakan?

“Jay! Sasama ka ba? May bagong raket na tinutukoy si Marlon! Tara!” sigaw ng kaibigan niyang si Pio nang makita siya nito sa kalsada.

Alam niyang ilegal na naman ang raket na tinutukoy nito. Hindi naman uso ang legal sa kanilang lugar. Lahat yata ng kapitbahay nila ay galing sa nakaw, sugal, o kung anumang ilegal ang pinanglalaman tiyan. Hindi na siya iba sa mga ito.

Sa katunayan ay mainit na nga siya sa pulis kaya hindi muna siya lumalabas ng bahay masyado. Ngunit kaninang umaga lang ay nilalagnat na naman ang bunso niyang kapatid. Kailangan niyang dumilihensiya ng pera para sa gamot nito.

“Oo, sige, susunod ako,” napipilitang pagpayag niya.

Bumalik muna siya sa loob ng kanilang bahay. Hindi inaalis ng kaniyang ina ang seryoso nitong mata sa kaniya habang nagpapalit siya ng damit. Hindi tulad niya na tinanggap na ang ganitong klaseng buhay, ang ina niya ay nanatiling maka-Diyos.

“Anak, saan na naman ang punta mo?” usisa nito na may halong pangangastigo.

Alam niya na na pipigilan siya nito kaya naman inunahan niya na ito.

“Kailangan ng gamot ni bunso, Nanay. Wala naman hong ibang paraan, hindi ba?”

Advertisement

Wala na itong nasabi pa nang sabihin niya iyon. Pareho kasi silang nag-aalala sa bata. Wala naman silang ibang pagkukunan ng pera para madala ito sa doktor o maibili ng gamot man lang.

Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan nito. “Sige na’t mag-ingat ka, anak. Pagpalain ka ng Diyos.”

Nakita pa niya ang pagtanaw nito sa kaniya mula sa pinto.

Nang makarating siya sa tagpuan nilang magkakaibigan ay siya na lamang ang hinihintay ng mga ito.

Lima silang magkakaibigan na nagkakila-kilala rin dahil sa ilegal nilang mga gawain. Ipinaliwanag ng kanilang lider na si Bogart ang kanilang magiging taktika. Ang kanilang unang biktima ay isang may katandaang babaeng deboto na regular na bumibisita sa simbahan.

Hindi maiwasan ni Jay na bumilib sa mga kasama. Halata kasi na pinag-aralan ng mga ito ang kanilang biktima.

“Sigurado ba kayo? Mukhang wala namang pera ‘yan si Lola,” tanong niya sa mga ito habang minamasdan nila mula sa malayo ang bibiktimahin.

“Oo, nakikita ko ‘yan, parating hinahatid ng magarang kotse,” bulong ni Bogart.

Advertisement

Pagkatapos ng ilang minutong paghihintay ay isinagawa na nila ang plano. Ang sistema nila ay babanggain ang biktima, at kapag nahulog ang mga gamit ay may isang tutulong sa pag-aayos, kunwari ay nagmamagandang loob ngunit ang puntirya naman ay ang pitaka nito na palihim na ipapasa sa isa pang kasama.

Siya ang naatasang bumangga sa matanda. Subalit sa pagbangga niya rito ay aksidenteng natapunan nito ng softdrinks ang kaniyang damit na puting-puti.

“Naku, pasensiya na!” bulalas ng matanda.

Lumuhod siya upang tulungan itong imisin ang mga nahulog na gamit. Pasimple niyang kinuha ang pitaka nito at iniabot sa naghihintay niyang kasama. Matagumpay nilang naisakatuparan ang plano.

“Ayos lang ho, Lola,” nakangiting tugon niya.

“Aba’y pasensiya na talaga! Napakalinis pa naman ng damit mo!” sabi pa nito. Kitang-kita ang pag-aalala nito sa nangyari. 

“Ayos lang ho talaga,” ulit niya.

Narinig niyang may bumusina sa kanilang likuran. Mukhang ang matanda ang sinusundo nito.

Advertisement

“Naku, ayan na pala ang amo ko. Kailangan ko nang mauna,” paalam nito.

Sa gulat niya ay may kinuha ito mula sa bag at nilabas ang isang pamilyar na maliit na libro. Isang bibliya.

Inilagay nito ang bibliya sa kaniyang kamay, kaya naman hindi niya na nagawa pang tumanggi.

“Wala akong perang pambayad diyan sa damit mo pero tanggapin mo ito at sigurado akong mas higit pa ito sa kahit na anong halaga. Pagpalain ka ng Diyos, hijo. Sigurado akong ililigtas ka Niya sa oras ng kapahamakan,” litanya nito bago tuluyang umalis. 

Tigagal na naiwan siyang nakatayo. Ilang beses pa ba niya kailangang marinig ang mga salitang “pagpalain ka ng Diyos” habang gumagawa siya ng kasalanan?

Para sa kaniya kasi, hindi totoo ang Diyos. Tingin niya ay gawa-gawa lang ito ng mga tao dahil kung totoo ang Diyos, bakit napakaraming mahirap? Bakit may mga taong kagaya niya na kailangang gumawa ng mga bagay na masama para lamang mabuhay? 

“Olats, pare. Walang laman ang pitaka kundi singkwenta pesos,” pagbabalita ni Pio nang bumalik siya sa kanilang pwesto.

Napabuga na lamang siya ng hangin at isinilid ang bibliya sa maliit na bag na nakasabit sa kaniyang dibdib. Hindi para sa kaniyang ngunit alam niyang magugustuhan ito ng kaniyang ina.

Advertisement

Gabi na nang mapagdesisyunan nilang umuwi. Kahit papaano ay sapat naman ang mga nadelihensiya nila para sa kanilang pangangailangan.

Nang umuwi sila ay napansin niyang mas maingay kaysa sa normal ang kanilang lugar. Tanaw niya ang mga taong nagkakagulo sa dulo ng eskinita.

“Si Mang Selo, lango na naman sa alak, may dala-dalang itak!” sigaw ng isa sa kanilang mga kapitbahay.

Bago pa man makahuma si Jay ay nakita niya na ang pagsugod ng matanda. Dala nito ang makalawang na itak na may bahid pa ng dugo. At diretso ang takbo nito patungo sa kaniya!

Tila natulos siya sa kaniyang kinatatayuan at bago pa siya makatakbo ay naitarak na nito sa kaniyang dibdib ang patalim. Nanghihina siyang bumagsak sa lupa, at ilang segundo pa ay tuluyan nang nilamon ng kadiliman ang kaniyang kamalayan.

“Anak, ayos ka lang ba? Salamat sa Diyos!” ang kaniyang tumatangis na ina ang bumungad sa kaniyang ng siya ay magising.

“Ano pong nangyari?” baling niya sa doktor na noon ay nasa likod ng kaniyang ina.

“Napakaswerte mo at mababaw lamang ang sugat na natamo mo dahil kung bumaon pa iyon ay matatamaan ang iyong puso. Baka hindi ka na magising pang muli,” paliwanag ng doktor habang ipinapakita ang resulta ng kaniyang X-ray.

Advertisement

Ipinakita nito ang bibliya na may malaking butas sa gitna. Mukhang ito ang natamaan ng patalim.

“Literal na salamat sa Diyos, hijo. Dahil kung hindi dahil dito, baka hindi ka nakaligtas.”

Noon ay naalala niya ang sinabi ng matanda na nagbigay sa kaniya ng bibliya. Ililigtas daw siya ng Diyos sa oras ng kapahamakan. At iyon nga ang nangyari! Kay laki ng pasasalamat ni Jay sa ikalawang buhay na ipinagkaloob sa kaniya.

Pagkatapos ng nangyari sa kaniya ay pinilit niya nang magbagong buhay dahil iyon ang ikalawang pagkakataon niya sa buhay. Kahit na anong hirap ng buhay ay hindi na siya muling bumalik sa dati niyang mga ilegal na gawain at namuhay siya nang marangal at may takot sa Diyos.