Inday TrendingInday Trending
Isang Binata ang Pinakitaan Niya ng Pagmamagandang-loob; Sa Huli ay Ito pa Pala ang Tutulong sa Kaniya

Isang Binata ang Pinakitaan Niya ng Pagmamagandang-loob; Sa Huli ay Ito pa Pala ang Tutulong sa Kaniya

“Magandang umaga po.”

Nginitian ni Lola Helga ang binata na bumati. Pamilyar ito sa kaniya, subalit hindi niya alam ang pangalan nito. Alam niyang kapitbahay niya lamang ito. Tuwing umaga ay regular na nakikita niya itong kumakain ng tinapay na galing sa kalapit na panaderya habang naglalakad papasok sa trabaho.

Halatang-halata na abala ito at ni walang oras para magluto ng sariling pagkain.

“Anong sustansya kaya ang pumapasok sa katawan ng batang iyon?” sa isip-isip ng matanda.

Napag-alaman rin niyang wala itong kasama sa bahay kaya naman naawa siya dito lalo na’t halos kasing-edad lang ito ng ilan sa mga apo niya.

Kaya naman kinabukasan ay gumising siya nang mas maaga upang magluto ng almusal. Sinigurado niyang mas marami iyon kaysa sa karaniwan pagkatapos ay ibinalot niya ang umuusok na sopas sa isang lalagyan bago niya iyon tinakpan. Bitbit ang pagkain ay naglakad siya patungo sa bahay ng binatang hindi niya alam ang pangalan at kumatok ng tatlong beses.

“Magandang umaga po. Ano pong sadya natin?” tanong nito na pupungas-pungas pa.

Ngumiti siya rito at ipinakita ang supot na dala.

“Mag-almusal ka muna. Pansin ko kasi na pare-pareho lang ang kinakain mo at hindi iyon masustansya kaya’t heto, dinalhan kita ng makakain,” nakangiting bungad niya.

Hindi agad ito nakapagsalita sa pagkagulat ngunit maya maya ay tumango ito at nagpasalamat nang maraming beses.

Simula noon ay nakaugalian niya nang dalhan ng pagkain ang binata. Gigising siya nang maaga, at maghahanda ng pagkain para dito. Minsan ay kakatok siya at kung hindi ito sumagot ay nangangahulugan lamang na tulog pa ito kaya’t iniiwan na lamang niya ang pagkain sa labas. Pakiramdam ni Lola Helga ay hindi kumpleto ang kaniyang araw kung hindi niya ito nagagawa para sa binata. Tila naging responsibilidad na ang paghahatid dito ng almusal dahil kahit paano ay nakatutulong siya dito sa simpleng paraan lamang.

Isang umaga ay nagising siyang mabigat ang pakiramdam. Masakit ang kaniyang ulo at katawan. Nanghihina siya ngunit pinilit niya pa ring tumayo para maghanda ng almusal ngunit sa sandaling tumayo siya ay naramdaman niya na umiikot ang kaniyang paningin.

Tuluyan nang nagdilim ang paligid nang bumagsak siya sa sahig.

Ang puting kisame ang namulatan ni Lola Helga nang magising siya. Tumingin siya sa paligid at nakita ang isang doktor sa kaniyang tabi.

“Ayos na po ba kayo? May masakit po ba sa inyo?” tanong nito.

Umiling siya. Nakita niya na may nakakabit na karayom sa kaniyang kamay.

“Ano nangyari?” usisa niya.

“Nawalan ho kayo ng malay dahil biglang tumaas ang inyong blood pressure. Hindi niyo po ba naalala? Kung hindi po kayo nadala agad sa ospital ng kapitbahay niyo ay baka kung ano na ang nangyari,” kwento ng doktor.

Kumunot ang kaniyang noo sa pagtataka at agad na tinanong ang doktor kung sino ang kapitbahay na tinutukoy nito.

“Siya po.” Itinuro nito ang isang pamilyar na lalaki. Walang iba kundi ang kapitbahay niya! Nagulat siya sa nakita at agad na tinanong ito kung paano nito nalaman ang kalagayan niya.

Ikinuwento naman nito ang nangyari.

“Siguro po ay nasanay ako na araw-araw kayong nagdadala ng pagkain kaya hindi man sinasadya ay naghihintay na rin ako at umaasa tuwing umaga. Ito po ang unang araw na hindi kayo nakadaan sa bahay ko kaya nag-alala ako na baka may nangyari sa inyo, Lola. Kumatok ako ng ilang beses sa bahay niyo pero walang sumasagot. Nang sumilip po ako sa bintana ay nakita ko po kayong walang malay,” mahaba nitong kwento.

Kinuha niya ang kamay ng binata. Labis ang pasasalamat niya dito dahil niligtas siya nito at utang niya rito ang kaniyang buhay.

“Maraming salamat talaga. Anong pwede kong gawin para makabawi man lang?” nakangiting tanong niya sa binata na napag-alaman niyang Joseph ang pangalan.

Ngumiti ito.

“Wala po. Ako nga po ang may utang na loob sa inyo, Lola. Maraming maraming salamat po sa kabutihang ipinapakita niyo sa akin. Hindi ko po kayo kaano-ano pero parati po akong may masarap na almusal. Libre pa,” nahihiyang wika ng binata.

Nangilid ang luha ni Lola Helga sa narinig. Hindi niya naman akalain na ganoon pala ang naging kahalaga para sa binata ang simpleng bagay na ginagawa niya para dito.

Hindi siya naghangad ng anumang kapalit mula dito ngunit masaya siya dahil ang simpleng kabutihan na ipinamalas niya ang siyang nagligtas sa kaniyang buhay.

Advertisement