Inday TrendingInday Trending
Nawalay ang Matanda sa Dalawa Niyang Anak-anakan; Nalungkot Siya Dahil Tila Nalimutan na Siya ng mga Ito

Nawalay ang Matanda sa Dalawa Niyang Anak-anakan; Nalungkot Siya Dahil Tila Nalimutan na Siya ng mga Ito

“Mag-ingat kayo doon, mga anak. ‘Wag kayong papagutom,” hindi matapos-tapos na bilin ni Renato sa dalawang anak-anakan na aalis nang araw na iyon.

Grabe ang lungkot na nararamdaman niya. Sinusundo na kasi ng mga social worker ang mga bata. Kukuhanin na ang mga ito mula sa kaniyang pangangalaga dahil hindi niya na kaya pang suportahan ang mga ito.

Ang totoo ay wala ni isa sa dalawa ang kaniyang tunay na kadugo. Parehong mga batang lansangan sina Macoy at Gelly hanggang sa nagtagpo ang kani-kanilang mga landas. Likas na malambot ang puso ni Renato kaya naman pinatuloy niya ang mga ito sa kaniyang tahanan. Binihisan, pinakain, at pinag-aral niya ang mga ito.

Itinaguyod niya ang mga ito sa pamamagitan ng maliit niyang karinderya ngunit nang tumagal ay dumami ang kompetisyon at naagaw ang karamihan sa kaniyang mga kustomer. Sa huli ay nalugi ang tanging kabuhayan nila at kinailangan niya iyong isara.

Matanda na si Renato, at hindi pa siya nakatapos ng pag-aaral kaya wala siyang ibang mapagkukunan ng pera. Hindi niya na kaya pang pag-aralin ang mga bata kaya sa huli ay pumayag siya sa suhestiyon ng ahensya na kunin ang mga bata mula sa kaniya.

Iyon kasi ang alam niyang makabubuti para sa lahat.

“‘Tay, kailangan ba talaga naming sumama sa kanila? Ayos lang naman sa akin na huminto muna at magtrabaho,” mangiyak-ngiyak na tanong ni Macoy.

“Hindi ayos ‘yun sa akin, anak. Bata pa kayo masyado para magtrabaho. Mas makabubuti para sa inyong dalawa ang magpatuloy sa pag-aaral.”

Mahabang iyakan pa ang nangyari lalo na’t parang mga tunay na anak kung ituring niya ang dalawang bata. Kagaya niya ay ayaw din mawalay ng mga ito sa kaniya. Nangako ang mga ito na bibisita sila sa tuwing may pagkakataon.

“Ikaw na ang bahala sa kapatid mo,” bilin niya kay Macoy na mas matanda.

Luhaan naman itong tumango. “Pangako, Tatay. Babalik kami sa’yo at magiging buo ulit ang pamilya natin!”

Hindi mapuknat ang pagtulo ng luha mula sa mga mata niya habang tinatanaw mula sa malayo ang sasakyan na lulan ang dalawang bata.

Mahal na mahal niya ang mga anak-anakan ngunit alam rin niyang tama ang kaniyang desisyon na pakawalan ang mga ito.

Lumipas ang ilang taon, ngunit hindi kagaya ng pangako ng mga ito na bibisitahin siya palagi ay naging abala ang mga bata sa pag-aaral. Ang tanging paraan na lamang para sila ay makapag-usap ay ang telepono na matagal pa niya bago nabili dahil sa kawalan ng pera.

Dahil likas na matatalino ang mga bata ay hindi na siya nagulat nang malaman niya na may mga taong nais gastusan ang pag-aaral ng mga bata. Si Macoy ay nag-aral sa ibang bansa bilang iskolar habang si Gelly ay nasa isang malaking unibersidad sa Maynila.

Bibihira na tuloy kung sila ay makapag-usap. Nagkakasya na lang siya sa iilang litrato na ipinadadala ng mga ito kung minsan. Matuling lumipas ang mga araw.

“Mukhang hindi pa ako makakauwi riyan, ‘Tay, dahil may bagong oportunidad na ibinibigay sa akin. Mahirap naman tanggihan dahil alok ito ng propesor ko,” malungkot na paliwanag ni Macoy.

“Ako rin, ‘Tay. Pasensiya na. Ilang taon nang birthday mo na wala kami. Sorry po, Tatay.”

Maging si Gelly ay ganoon rin. Hindi maiwasan ni Renato ang malungkot. Miss na miss na kasi niya ang mga ito at sabik na siyang makita sa personal ang mga anak pagkatapos ng ilang taon.

Gayunpaman ay ngumiti siya sa mga ito at sinabing walang problema dahil pwede naman na sa susunod na taon na lang. Ayaw niyang madaliin ang mga ito at maging hadlang sa pag-abot ng kani-kanilang mga pangarap.

Taon-taon, sa tuwing sasapit ang kaniyang kaarawan ay sabik na sabik si Renato dahil umaasa siya na uuwi kahit isa man lang sa mga anak niya.

Inihahanda niya ang mga pagkaing paborito ng mga ito ngunit ang saya niya ay parating napapalitan ng lungkot at pagkadismaya dahil tila hindi man makaalala ang mga ito. Bagsak ang balikat na mag-isa niyang ipinagdiriwang ang kaniyang kaarawan.

Matuling lumipas ang panahon hanggang sa sampung taon na palang namumuhay nang mag-isa si Renato. Malungkot man ay nasanay na siya kahit papaano. Subalit malaking palaisipan sa kaniya kung bakit hindi pa rin bumabalik ang kaniyang mga anak. Sa tuwing nagtatanong siya ay may kani-kaniyang dahilan ang dalawa.

Nanonood siya ng telebisyon nang may kumatok sa pintuan. Agad siyang tumayo at pinagbuksan ito.

“Tatay Renato! Tatay Renato! May naghahanap po sa inyo. Kailangan niyo raw pong pumunta sa dati niyong karinderya!” sabi ng bata na si Bobby.

Kunot ang noo ni Tatay Renato at nagtanong kung sino ang naghahanap sa kanya ngunit hindi raw nito kilala gayunpaman ay dali-dali siyang nagbihis at sumunod sa bata.

Nasorpresa siya nang makita ang anyo ng dati niyang karinderya. Kung dati ay maliit na turo-turo lang iyon, ngayon ay para na iyong isang mamahaling kainan!

Nagtatakang pumasok siya sa loob at kagyat na tumulo ang luha niya nang masilayan ang dalawang taong naghihintay sa loob. Pawang may matamis na ngiti sa labi ng dalawa.

Nagbalik na sina Macoy at Gelly!

“Happy birthday ‘Tay!” ngiti ni Gelly.

Sinugod niya ng mahigpit na yakap ang mga anak. Napakagandang regalo ng pagbabalik ng mga ito!

“Bakit ngayon lang kayo bumalik?” nagtatampong usisa niya sa dalawa.

“‘Tay, pinag-ipunan pa po namin ang pampagawa ng karinderya mo. Alam namin na mahal na mahal mo ang pagluluto kaya gusto namin na maibalik ang nawala sa’yo,” paliwanag ni Macoy.

“Ang gusto ko lang na mabalik sa akin ay kayo. Kayong mga anak ko.”

“At ngayong nandito na kami, hindi na kami aalis pang muli, Tatay,” nakangiting pahayag ni Macoy.

“Akala ko nakalimutan niyo na ako!” umiiyak pa ring reklamo ng matanda.

“Paano naman po namin makakalimutan ang nag-iisang dumampot sa amin mula sa lansangan?” naluluhang saad ni Gelly.

“Maraming salamat po dahil binago niyo ang aming buhay, Tatay,” ani Macoy.

Umiling si Renato, “Binago niyo rin ang aking buhay. Dahil sa inyo, nalaman ko kung paano maging ama kaya maraming salamat dahil bumalik kayo sa’kin.”

Wala nang mahihiling pa si Renato. Buo na ulit ang kanilang pamilya.

Advertisement