Inday TrendingInday Trending
Inakala ng mga Tao na Walang Mararating ang Dalaga; Ginulat Niya ang Nanghiya sa Kanilang Mag-ina Noon

Inakala ng mga Tao na Walang Mararating ang Dalaga; Ginulat Niya ang Nanghiya sa Kanilang Mag-ina Noon

“Alyssa, nasaan ang Mama mo? Dadalo ba siya ng meeting?”

Mula sa malayo ay narinig ni Alma ang tanong ng kapwa nanay niya na si Lina. Nanay ito ni Racquel, na kaklase ng anak niya.

“Nasa trabaho pa po, eh. Nag-overtime pero siguro papunta na po iyon ngayon,” magalang na sagot naman ng kaniyang anak.

Kitang-kita ni Alma kung paano tumaas ang kilay ng babae sa isinagot ni Alyssa.

“Trabaho? Doon pa rin siya sa bar nagtatrabaho, hindi ba?” muling tanong nito bago tinapunan ng makahulugang tingin ang isa pang nanay doon na katulad nitong tsismosa rin.

Alam niya kung ano ang ibig sabihin ng mga tinginang iyon. Hindi na lingid sa kaniya kung paano siya pag-usapan ng mga tao dahil sa kaniyang pananamit, kolorete sa mukha at postura. Madalas siyang paratangang “malandi” o “haliparot” lalo pa’t nagtatrabaho siya bilang serbidora sa isang medyo sikat na bar.

“Hoy, mga pakialamera kayo! Kung may gusto kayong itanong, sa akin niyo na ideretso! Hindi ‘yang dinadamay niyo pa sa tsismisan ang anak ko!” sabat niya sa usapan.

Animo ay nakakita ng multo ang mga babae nang lingunin siya. Tila napipi ang mga ito bigla. Ngunit nang makabawi si Lina ay matapang itong bumwelta.

“Aba, Alma! Wala naman kaming sinasabing masama, ah! Totoo naman na sa bar ka nagtatrabaho! ‘Wag ka ngang magmalinis dahil lahat naman ng tao rito ay alam kung anong klaseng tao ka! Sigurado akong ikinakahiya ka ng anak mo!” dire-diretsong talak ng babae.

Hindi niya ito inatrasan kahit na kitang-kita niya na nagsisimula na silang makaagaw ng atensyon.

“Hoy, babae–” naputol ang anumang sasabihin niya nang sumagot si Alyssa sa kauna-unahang pagkakataon.

“Dahil wala kayong galang sa Mama ko ay hindi na rin ako mag-aabalang igalang kayo. Kahit kailan ay hindi ko ikakahiya ang nanay ko dahil marangal ang trabaho niya at hindi niya ako pinababayaan. Kayo lang dito ang nag-iisip nang masama at walang ibang ginawa kundi pag-tsismisan ang buhay ng may buhay!” matapang na pahayag ng dalagita.

Nagkatinginan ang dalawa at natahimik. Marahil ay hindi inaasahan ng mga ito ang paglaban ng kaniyang mahinhin na anak.

“Bakit ka ba nagagalit sa amin, Alyssa? Nag-aalala lang naman kami sa’yo,” pagdadahilan nito kahit na bakas sa mukha ng mga ito ang pagkapahiya.

“Hindi ko po kailangan ‘yan kung hihiyain niyo lang din ang Mama ko,” malamig na tugon ni Alyssa.

“Kagaya ng Mama mong malandi at puro paganda lang, wala ka ring mararating sa buhay,” nakairap na kastigo ni Lina bago ito nagmartsa paalis sa harap nila.

Nagkatinginan sila ng anak. Hindi siya makapaniwala dahil sa mga binitiwan nitong mga salita at kung paano siya nito ipinagtanggol sa ibang tao.

Isang matamis na ngiti ang ibinigay niya sa anak.

“‘Wag kang mag-alala, anak. Hindi mangyayari ang sinasabi nila dahil gagawin ko ang lahat para maabot mo ang mga pangarap mo. Hinding-hindi ka matutulad sa akin,” pangako niya sa anak.

Ngumiti naman ito. “Wala namang masama kung magagaya ako sa’yo, ‘Ma. Mabuti kang tao at nanay. Ni minsan ay hindi mo ako pinabayaan. Pero ‘wag ka rin pong mag-aalala, dahil papatunayan natin na mali sila at kaya nating magtagumpay kahit na minaliit nila tayo,” determinadong wika ng kaniyang anak.

Kagaya ng kaniyang pangako sa anak ay nagtrabaho siya nang maigi upang maibigay ang lahat ng pangangailangan nito lalo na sa pag-aaral.

Dahil likas na matalino at determinado si Alyssa ay natupad nilang mag-ina ang kanilang mithiin na si Alyssa ay makapagtapos ng pag-aaral.

Hindi man naging madali ang buhay ngunit masayang-masaya ang mag-ina sa naabot nilang tagumpay.

At alam ni Alyssa na ang lahat ay utang niya sa kaniyang ina.

“‘Ma, ang lahat ng ito ay para sa’yo. Salamat po, napakaswerte ko na ikaw ang nanay ko,” madamdaming wika niya na itinaas pa ang medalya at sertipikong alay niya sa ina.

Niyakap niya ito nang mahigpit dahil alam niyang swerte sila sa isa’t-isa.

“Ako naman ngayon, ‘Ma. Ito na po ang simula ng magandang buhay na ibibigay ko sa’yo,” nakangiting pangako niya sa ina.

Natanggap kaagad siya bilang doktor sa isang malaking ospital. At doon ay muli niyang nakadaupang palad ang isang tao na minsan ay nilait-lait silang mag-ina.

“Alyssa? Ikaw ba ‘yan?” narinig niyang wika ng isang pamilyar na babae nang minsang mapadaan siya sa ward ng mga matatanda.

Ang babae ay si Raquel, anak ni Aling Lina, ang babaeng lumait-lait sa kaniyang ina noon.

“Oo. Kamag-anak mo ba ang pasyente?” tanong niya na sinilip pa ang likuran nito.

“Si Mama. Tatawagin ko, sigurado akong kilala ka pa rin niya,” yaya nito sa kaniya.

Tahimik siyang sumunod dito. Hindi niya pa rin nakakalimutan kung ano ang mga sinabi ni Aling Lina noon ngunit nang makita niyang nakaratay ito sa kama ay bahagya siyang nakaramdam ng awa lalo na’t nabanggit ni Raquel kung gaano kalaki ang perang kailangan nilang bayaran.

Hindi raw alam ni Raquel kung saan ito kukuha ng pambayad lalo na’t kakarampot ang kinikita nito sa pagtitinda-tinda sa maliit nitong karinderya.

“‘Ma, si Alyssa. Kaklase ko siya noon, naalala mo ba? Grabe, ang galing, doktor na pala siya ngayon!” bakas sa tinig ni Racquel ang inggit at pagmamalaki.

Saglit silang nagkumustahan at mukhang kagaya niya ay sariwa pa rin sa isipan ni Aling Lina ang engkwentro nito sa kanilang mag-ina.

“Masaya ako sa naabot mo, Alyssa. Hindi ko inakala na sa inyong magkakaklase ay ikaw ang magtatagumpay. Pasensiya na sa mga nasabi ko sa inyong mag-ina noon.”

Nang makauwi siya sa kanilang bahay ay ikinuwento niya agad sa ina ang nangyari.

“Hindi rin talaga natin masasabi kung anong mangyayari sa buhay natin. Noon, iniisip nilang wala tayong mararating at hinuhusgahan ang pagkatao ko ngunit tingnan mo kung nasaan tayo ngayon,” naiiling na komento ng kaniyang ina.

Umaasa siya na natutunan na ni Aling Lina na hindi nito maaaring sukatin ang kayang marating ng isang tao, lalo pa’t bilog ang mundo at hindi ito humihinto sa pag-ikot.

Dahil walang imposible sa taong determinado at matiyaga.

Advertisement