
Hindi Pinansin ng Doktor ang Mahirap na Mag-asawa sa Ospital; Mabuti na Lamang at may Mabait na Binatang Tumulong sa mga Ito
“Uminom ka muna ng tubig,” nag-aalalang iniabot ni Jose ang isang bote ng tubig sa kaniyang asawa na si Ising.
Ilang araw na itong may sakit at halos hindi makatayo sa higaan kaya naman hindi na niya ito natiis. Pinilit niya itong dalhin sa ospital kahit na matigas ang pagtanggi nito.
“Ayos ka lang ba?” hindi niya mapigilang kumustahin itong muli.
Pilit na ngiti ang naging sagot nito. Hinawakan niya ang kamay ng asawa at tumingin sa abalang paligid. Paroo’t parito ang mga tao, at tila wala man lamang nakakapansin sa kanila kaya naman tumayo na siya para kausapin ang isang doktor na inaasikaso ang pasyenteng nakita niya na kadarating pa lang. Sigurado kasi siya na mas nauna ang asawa niya sa pasyenteng iyon.
“Pasensya na ho pero kanina pa kami rito ng asawa ko. Kailangan niya ng tulong dahil hirap ho siyang huminga,” pagkuha niya ng atensyon ng doktor bago niya itinuro ang asawa na halata ang pamumutla.
Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. Hindi iyon inaasahan ni Jose mula sa isang doktor.
“Pasensya na ho Tatang at anak ito ng abogadong kakilala ko. Kailangang unahin,” simpleng paliwanag nito bago siya nilampasan.
Ngunit hindi siya nagpatinag. Awang-awa na kasi siya sa kaniyang misis.
“Pero nauna po kami at mukhang mas nangangailangan ng lunas ang asawa ko,” pagpupumilit niya bago sinulyapan ang pasyenteng kadarating lamang na nakabenda ang binti.
Subalit iba ang naging sagot ng doktor.
“Mahal ho ang ospital na ito. Pag-isipan ho muna ninyo kung kaya niyong magbayad pagkatapos ay saka niyo ako muling kausapin,” tila nang-iinsulto nitong pahayag saka ito tuluyang umalis.
Walang nagawa ang pobreng si Jose kundi ang magalit at ikuyom ang kaniyang kamao. Agad niya ring pinigil ang kaniyang galit dahil alam niya rin na mas mahalaga na mabigyan ng lunas ang kaniyang asawa.
“Hayaan mo na at ganun talaga,” narinig niyang pagpapakalma sa kaniya ng asawa na hinawakan pa ang kaniyang braso. Tinanguan niya ito.
“Ayos na ako ngayon. Sabi ko naman sa’yo, pahinga lamang ang katapat nito. Tara na at umuwi na muna tayo,” pagyayaya nito.
Alam niyang mayroon pa rin itong iniinda ngunit wala siyang nagawa kundi ang pumayag sa nais nito. Iniisip niyang mas ayos na rin siguro iyon para hindi lalong sumama ang loob nito sa pangit na pagtrato sa kanila sa ospital.
Dahan-dahan niya itong inakay palabas ng ospital ngunit bago pa man sila makalabas ay nawalan na ito ng malay! Mabuti na lang ay maagap ang isang binata upang saluhin ito.
Butil-butil ang pawis sa mukha ni Ising.
“Ising!” Iyon lamang ang nasabi ng takot na takot na matanda.
Akmang bubuhatin niya ang asawa upang ibalik ito sa ospital nang pigilan siya ng lalaking sumalo dito.
“Ako na po ang bahala, Tatay. Kumalma po muna kayo,” payo nito.
Ito na ang nagbuhat kay Ising at ibinalik ito sa loob. Sa kaniyang pagkagulat ay sinalubong sila ng doktor na kanina lamang ay inignora sila.
“Dok, ano pong nangyari?” nanlalaki ang matang tanong nito sa lalaking buhat ang kaniyang asawa.
“Kailangan niya ng agarang atensyon! Nawala siya ng malay sa labas!” sigaw nito.
Hindi napigilan ni Jose ang kaniyang galit sa pagkakataong ito. Pakiramdam niya kasi kasalanan iyon ng pabayang doktor.
“Sinabi ko na sa iyo na may sakit ang asawa ko ngunit pinili mo kaming ignorahin dahil lamang wala kaming pera! Tingnan mo ngayon ang nangyari sa kaniya!” sigaw niya sa doktor na noon ay natataranta sa pag-estima sa kaniyang walang malay na asawa.
“Totoo ba iyon? Anong sinasabi ni Tatay?” tanong dito ng estranghero na tumulong sa kanila.
Kitang kita kung paano namutla ang mayabang na doktor. Ni hindi ito nakapagsalita.
Napagtanto ni Jose na may posisyon ang lalaki sa ospital na iyon dahil kita niya ang awtoridad nito sa mga doktor. Nakumpirma niya ang hinala nang magpakilala ito.
“Ako po si Doktor Jonathan Juarez. Anak ni Felipe Juarez, ang may-ari nitong ospital,” kasabay ng paglalahad nito ng kamay ay ang paghingi nito ng paumanhin sa nangyari.
Hinding-hindi raw nito kukunsintihin ang mga mapangmataas na empleyadong kagaya ng doktor kanina dahil para dito, ang ospital ay lugar para sa mga may sakit at kailangan ng atensiyong medikal. Hindi dapat tinitingnan sa ospital ang laman ng pitaka ng mga tao.
“Ako na ho ang bahala sa gamot at bayad ni Nanay. Tanggapin niyo po sana bilang paumanhin sa nangyari,” buong pagpapakumbabang wika ni Jonathan.
Hindi siya makapaniwala. Sa kauna-unahang pagkakataon ay naramdaman ni Jose na hindi lahat ng mayaman ay mapagmataas at matapobre. Mayroon din palang mabubuting tao kagaya ni Jonathan.
“Naku, hijo, maraming salamat! Malaking tulong ito sa aming mag-asawa. Mabuti na lamang at nakilala ka namin. Kung hindi ay baka napahamak na si Ising.”
Isang matamis na ngiti ang naging tugon ni Jonathan. “Nakakatuwa naman po. Mayroon po akong Yaya noon na ang pangalan ay Ising. Sayang nga po at hindi ko na siya nakita noong nag-aral ako sa ibang bansa. Pero isa po siya sa mga nagturo sa akin ng mabuting asal!” pagkukwento ng mabait na doktor.
Nanlaki ang mata ni Jose sa narinig. Napakaliit nga naman ng mundo!
“Hindi ko alam kung nagkataon lang, pero alam mo ba na may madalas ikwento ang asawa ko sa akin noon? Ang mabait na alaga niya raw ay nagnanais maging doktor! Ang pangalan ng bata ay Tantan.”
“Kayo po ang asawa ni Yaya Ising?” nanlalaki ang matang bulalas nito, hindi makapaniwala na muli nitong makakadaupang palad ang yaya na nawalay dito.
Kitang kita niya ang tuwa sa mata ng binata bago nito patakbong nilapitan ang natutulog niyang asawa. Matiyaga nitong hinintay na magising ang dati nitong yaya.
Pagmulat pa lamang ng mga mata ni Ising ay pag-aalala na kaagad ang bumalatay doon.
“Paano ang bayad dito? Siguradong malaki ang sisingilin lalo na kung magtatagal pa tayo rito,” tarantang sabi nito bago sinubukang tumayo.
“Wala na ho kayong dapat ipag-alala, Yaya Ising. Ako na po ang bahala sa lahat.”
Gulat itong napalingon sa lalaking nagsalita. Ilang segundo bago bumalatay sa mukha nito ang rekognisyon.
“Tantan? Ikaw na ba ‘yan, ang alaga ko?” nanlalaki ang matang bulalas ni Ising.
“Opo, ako na nga po ito! Natupad ko po ang pangarap ko noon na maging doktor!” nakangiting pahayag ng binata bago mahigpit na niyakap ang matanda.
Si Jose ay masayang minasdan si Ising at Jonathan na nagkukumustahan. Sino nga ba ang mag-aakala na sa madilim na araw sa buhay nilang mag-asawa ay darating si Jonathan, ang dating alaga ng kaniyang asawa, upang magbigay liwanag?