
Matindi ang Hinala ng Babae na may Kabit ang Kaniyang Asawa; Nang Sundan Niya Ito ay May Lihim Siyang Natuklasan
“Matulog ka na, anak. Mukhang mamaya pa uuwi ang Daddy mo,” naaawang wika Janet sa kaniyang anak na si Carlo. Nang sipatin niya ang orasan sa dingding ay nasorpresa siya na alas-onse na pala. Hindi niya namalayan ang oras.
Tinapik-tapik niya pa ito nang bahagya para makatulog. Nang masiguro niyang mahimbing na ang tulog nito ay saka siya dahan-dahan na tumayo mula sa kama. Bitbit ang cellphone ay nagtungo siya sa sala.
“Ate Linda, hindi pa ba dumarating ang Sir mo?” tanong niya sa kasambahay na naabutan niyang nagwawalis.
“Hindi pa ho, Ma’am, eh.”
Tumango naman siya at umupo sa sofa.
“Ma’am, may kailangan ho ba kayo?” tanong nito.
Umiling siya, ngunit nanatili ito sa sala. Alam niyang hindi siya nito maiwan dahil nag-aalala ito lalo na’t maselan ang kaniyang pagbubuntis.
“Sige na, Ate Linda. Ako na ang bahala rito,” nakangiting paninigurado niya kaya naman wala itong nagawa kundi iwan siya.
Hinanap niya ang numero ng asawa at sinubukan itong tawagan. Nag-aalala siya dahil ilang gabi na itong umuuwi nang alanganing oras. Wala naman itong nababanggit na problema sa trabaho.
Nakadalawang subok siya bago ito sumagot. Bakas sa boses nito ang gulat sa kaniyang pagtawag.
“Bakit gising ka pa? Alam mo namang masama sa’yo ang pagpupuyat,” bungad nito.
Hindi niya iyon pinansin. Bagkus ay nagtanong siya pabalik. “Rick, anong oras ka na naman uuwi? Hinintay ka ng anak mo kasi sabi mo maaga ka uuwi.”
Huminga ito nang malalim bago niya narinig ang tinig nitong may bakas ng iritasyon.
“Mamaya pa. Medyo abala pa ako rito kaya mauna ka nang matulog. Uuwi rin ako.”
Nawawalan na siya ng pasensiya sa asawa, pakiramdam niya ay may itinatago ito sa kaniya. May sasabihin pa sana siya nang marinig niya ang boses ng isang babae na tumatawag rito. Hindi na siya nakapag-usisa pa dahil dali-dali na nitong pinutol ang tawag.
Natulog siyang masama ang loob. Sa puso niya ay unti-unti nang umuusbong ang masamang kutob. Ayaw niya man na pag-isipan ito nang masama ay hindi niya maiwasan lalo pa’t talaga namang kaduda-duda ito.
“Anong oras ka na naman uuwi mamaya?” inis niyang kastigo niya rito nang umagang iyon.
“Pasensiya na. Talagang abala lang ako sa trabaho nitong mga nakaraang araw kaya parati akong ginagabi,” pagdadahilan nito. “Hayaan mo, babawi ako.”
Ngunit hindi iyon ang ibinubulong ng kaniyang isipan. Kilala niya ang asawa at alam niyang nagsisinungaling ito.
Mas lalo pang tumindi ang kaniyang hinala nang mapansin niya ang malaking perang nabawas sa bank account nilang mag-asawa. Dali-dali niyang tinawagan ang bangko at nakumpirma niyang ang asawa niya nga ang bumawas sa pera.
Hindi siya makapaniwala. Inisip niya ang lahat ng ebidensya. Una, ang pag-uwi nito nang dis-oras. Ikalawa, ang boses ng babaeng narinig niya sa telepono at ikatlo, ang perang kinuha nito sa bangko nang hindi niya nalalaman.
Hindi niya maiwasang maluha. Malinaw na niloloko siya ng kaniyang asawa! Sapat na ang mga ebidensyang nakalap niya upang mapatunayan iyon.
“Walang hiya ka! Huhulihin ko kayo ng babae mo! Hindi ka na nahiya sa mga anak natin!” sa loob loob niya habang nakahawak sa kaniyang tiyan.
Sa pitong taon nilang pagsasama ay naging mabuting asawa siya rito kaya hindi niya inaakala na magagawa iyon sa kaniya ng asawa.
“Ate, ikaw na munang bahala kay Carlo,” noon din ay bilin niya kay Linda.
“Ma’am? Saan po kayo pupunta? Sasama po ako at baka kung ano pa ang mangyari sa inyo!” natatarantang pigil nito sa kaniya.
Umiling siya. Determinado siyang harapin at komprontahin ang asawa. Sa huli ay walang nagawa si Linda para pigilan siya. Mag-isa siyang nagmaneho patungo sa opisina ng asawa. Hinintay niya ang oras ng uwian nito para malaman kung saan ito nagpupunta.
“Trabaho pala, ha?” sarkastiko niyang bulong nang umalis ito sa opisina nang saktong alas-singko.
Sinundan niya ang sasakyan nito hanggang sa huminto ito iyon. Nagtaka siya nang mapagtanto niya na isa iyong ospital. Nagtataka man ay sumunod siya rito.
“Anong ginagawa niya sa ospital?”
Agad na napalitan ng galit ang kaniyang pagtataka nang lumapit ito sa isang magandang babaeng doktor. Nag-usap ang mga ito saka naglakad patungo sa isang silid. Hindi siya makapaniwala.
Kung ganoon ay sa ospital nagtatrabaho ang babae nito?
Pilit niyang kinalma ang sarili pagkatapos ay binuksan niya ang pinto. Inaasahan niya na aabutan niya ang dalawa sa isang eskandalosong tagpo.
“Sinasabi ko na nga ba’t niloloko mo ako–”
Ngunit agad naputol ang anumang nang niya makita ang nasa silid. Ang kaniyang ama! Nakahiga ito sa isang kama.
“Janet, anong ginagawa mo rito?” agad na tanong ng kaniyang Tatay.
“Niloko? Sinong niloloko ko?” tanong naman ng kaniyang asawa. Bakas sa mukha nito ang matinding pagkalito.
“Mukhang may hindi kayo pagkakaintindihan. Mauna na muna ako,” paalam ng doktor na ngumiti pa sa kaniya bago umalis.
Hiyang hiya siya nang ikinuwento niya sa asawa ang nangyari kasama na ang kaniyang maling hinala.
Ang totoo pala ay nagkasakit ang kaniyang Tatay at kinailangan nitong manatili sa ospital ng ilang araw. Ang kaniyang asawa ang bantay nito tuwing gabi, kaya naman gabing-gabi na ito kung makauwi. Ito rin nagbayad sa ospital kaya nabawasan ang pera nila sa bangko.
“Pasensiya na talaga, Rick. Na-paranoid ako dahil nagpatong patong ang ebidensya. Hindi ko man lang inalam ang totoo at naghinala kaagad ako,” nakayukong wika niya sa asawa.
“Mali rin ako dahil dapat sinabi ko na lang ang totoo. Pareho kami ni Tatay ng iniisip, ayaw namin na ma-stress ka lalo dahil maselan ang pagbubuntis mo,” naiiling na paliwanag nito. Hinawakan nito ang kaniyang tiyan.
Ang lahat ng nangyari ay resulta lamang ng mali niyang akala at kawalan niya ng tiwala sa asawa. Kaya naman natutunan niya na mahalaga ang komunikasyon at tiwala sa pagsasama. Maswerte siya na naging maunawain ang asawa niya. Dahil ang hindi pagkakaunawaan ay maaaring magresulta sa isang malaking lamat sa relasyon.