
Grabe Kung Apihin Niya ang Kaklaseng Mas Mahina sa Kaniya; Magkakaroon Pala Siya ng Malaking Utang na Loob Dito
“Hoy, Ben! Ibili mo nga ako doon ng makakain!” maangas na utos ni Ged sa kaklase niyang si Ben.
Natawa siya nang patakbong sumugod sa canteen ang pobreng kaklase.
Para sa mga kaeskwela, siya ang nag-iisang hari sa paaralang iyon. Dahil likas na malaki siyang bulas, talaga namang kinatatakutan siya. Malakas yata siyang sumuntok.
“G-ged, heto, burger at s-softdrinks. ‘Y-yan na lang ang ibinebenta doon, eh,” nakayukong wika nito nang iniabot sa kaniya ang pagkain.
Padarag niyang kinuha ang iniaabot nito bago ito itinaboy papalayo.
Napangisi si Ged. Masaya talaga kapag kinatatakutan. Napapasunod niya ang lahat sa kaniya.
Papalayo na si Ben nang may maalala siya. Sinigawan niya ang kaklase.
“Ben, bumalik ka rito! May nakalimutan ako!”
Lakad takbo ang ginawa nito para makabalik sa kaniya.
“A-ano ‘yun, Ged?” Bakas ang nerbiyos sa mga mata ng kaklase.
“Hindi ba may ipapasa tayong proyekto bukas?”
“Oo, meron nga. Para sa klase ni Bb. Rosalinda.”
“Nakagawa ka na?” muling usisa niya.
“Hindi pa, pero malapit na akong matapos.” May pilit na ngiti sa kaklase.
“Ayos. Bigay mo ‘yun sa akin, para may ipapasa ako,” matigas na utos niya sa kaklase.
Kitang-kita niya ang gulat sa mukha nito. Mukhang hindi nito inaasahan ang hinihingi niya.
“P-pero Ged, ano n-namang i-ipapasa ko b-bukas? Mawawala ang scholarship ko k-kapag hindi ako nakapagpasa bukas,” utal-utal na tanggi nito.
Tinapik niya ang balikat ng kaklase. “Hindi ko na problema ‘yun,” nakangising tugon niya bago ito iniwan.
Inaasahan niya na na susundin nito ang inutos niya kaya naman matindi ang galit na nadama niya nang kinabukasan ay ipinatawag siya ng kanilang guro.
“Ged, hindi ka nagpasa ng proyekto na pinagagawa ko,” sita nito.
“Ma’am, nagpasa po ako, pinasabay ko kay Ben,” katwiran niya.
Kunot-noo nitong kinalkal ang mga ipinasa ng klase nila ngunit hindi niya nakita ang pangalan niya. Pero nakita niya ang pangalan ni Ben! Napagalitan tuloy siya ng kanilang guro.
“Humanda sa akin ang Ben na ‘yun!” sa loob loob niya.
Kaya naman nang dumating ang uwian ay inabangan niya si Ben sa lugar na alam niyang dadaanan nito.
Ilang minuto siyang naghintay bago niya natanaw ang payat na bulto ng kaklase.
Nanlaki ang mata nito nang makita siya. Sinubukan nitong tumakbo ngunit mabilis niyang nahablot ang bag nito, dahilan upang masira ang bag nito at kumalat ang gamit nito.
“Sorry, Ged! Hindi lang talaga pwedeng hindi ako magpasa ng project… hindi pwedeng mawala ang scholarship ko. Ako lang ang inaasahan ng pamilya ko!”
“Sana naisip mo ‘yan bago mo ako sinuway!”
Ilang suntok at sipa ang pinadapo niya sa kaklase bago siya nakuntento.
“‘Wag na ‘wag mo na akong susuwayin kung ayaw mong masaktan ulit!” babala niya bago iniwan ang kaklase na nakahandusay at halos hindi makagulapay sa dilim.
Kinabukasan, gaya ng inaasahan ni Ged ay hindi nga nakapasok si Ben.
“Bugb*g sarado ba naman eh,” natatawang bulong niya.
Napalis ang ngiti niya nang sumungaw sa pinto ang kanilang guro.
“Ged, pumunta ka sa opisina ko. Ngayon na!” tila natatarantang utos nito.
Kinabahan si Ged. Isinumbong ba siya ni Ben sa pambubugb*g niya?
Nagmamadaling tinungo niya ang opisina ng guro.
“Ged… ‘wag ka sanang mabibigla pero nasa ospital ang nanay mo. Tumawag ang ospital kanina,” pagbabalita nito.
Tila nabingi si Ged sa sinabi ng guro.
“Kumusta na po ang Mama ko?” nag-alalang tugon niya. Matanda na kasi ito at alam niya na hindi na maganda ang kalusugan nito.
“Walang sinabi ang ospital. Ang mabuti pa ay pumunta ka na doon ngayon,” payo nito.
Nagmamadaling tinungo niya ang ospital.
“Inatake sa puso ang nanay mo habang nasa jeep at papunta sa palengke. Mabuti na lamang at maagap siyang naisugod ng isang estudyante, kung hindi ay baka hindi na namin nailigtas ang nanay mo,” kwento ng doktor.
“Kumusta na po ang Mama ko?”
“Maayos na ang kalagayan niya, ‘wag kang mag-alala,” sagot ng doktor. Napatingin ito sa likuran niya. “Ayan na pala ang taong tumulong sa nanay mo,” turo ng doktor sa likuran niya.
Nang lingunin niya ang itinuro ng doktor ay nanlaki ang mata niya nang makakita ng isang pamilyar na mukha – walang iba kundi si Ben!
“B-ben? I-ikaw ang nagdala sa nanay ko sa ospital?” gulat na tanong niya sa kaklase.
Isang tipid na tango ang isinagot nito sa kaniya.
“Papasok ako sa school nang mapansin kong parang nahihirapan siyang huminga. Nakiusap ako sa drayber ng jeep na idiretso ang nanay mo sa ospital,” kwento ni Ben.
Hindi siya makapagsalita. Nakatingin lang siya sa mukha ng kaklase. Putok ang kilay at labi nito habang may malaking pasa ito sa bandang mata.
Nabalot ng hiya ang katauhan niya nang mapagtanto niya na ang taong inaapi niya sa eskwelahan ay ang taong nagligtas sa kaniyang ina.
“S-salamat, Ben. Hindi ko alam kung anong gagawin ko kung may nangyaring masama sa nanay ko,” nahihiyang pasasalamat niya sa lalaki.
Isang ngiti ang isinukli nito bago nagpaalam na papasok na ito sa eskwelahan.
“Ben!” tawag niya bago pa makalayo ang kaklase.
“Bakit?”
“Sorry sa mga nagawa ko sa’yo noon. Maraming salamat sa pagliligtas sa nanay ko,” pahabol niya.
“Wala ‘yun. Pero Ged, sana ay itigil mo na ang pananakot at pananamantala sa aming mahihina. Araw-araw, takot na takot ako pumasok ng eskwelahan dahil baka saktan mo ako,” malungkot na pag-amin nito.
Naiwan si Ged na nagmumuni-muni. Noon niya napagtanto ang epekto ng pambu-bully niya sa mga ka-eskwela.
Simula noon, bilang pagtanaw ng utang na loob sa kaklaseng si Ben ay itinuring niya na itong kaibigan. Hindi na rin siya naghahari-harian sa eskwelahan na nagdudulot ng takot sa marami.
Napagtanto niya kasi na darating ang panahon na maaaring kailanganin niya ang tulong ng iba. At ‘pag dumating ang panahon na iyon, ayaw niya naman na wala siyang malapitan at makapitan.