Malakas ang Kutob ng Dalaga na Gusto Siya ng Dalawang Kaibigan; Paano Niya Sasabihin sa Dalawa na Iba ang Gusto Niya?

Malakas ang Kutob ng Dalaga na Gusto Siya ng Dalawang Kaibigan; Paano Niya Sasabihin sa Dalawa na Iba ang Gusto Niya?

FunLoveStories

“Ako na ang maghahatid kay Britney,” narinig niyang wika ni Edward. 

“Ako na. Bakit ikaw? Eh malayo ang bahay mo sa kanila,” tila galit namang tugon ng isa pa niyang kaibigan. Si Kyle. 

Napangiwi si Britney. Halos araw-araw ay ganito ang eksena nilang magkakaibigan. Para siyang kendi kung pag-agawan ng dalawa. 

Malakas ang kutob niya na gusto siya ng dalawa niyang kaibigan. Namomroblema nga siya kung paano niya tatapatin ang dalawa. May iba kasi siyang gusto. 

Bata pa lamang ay magkakalaro na sila. Magkakaibigan din kasi ang kanilang mga ina. 

Noong hayskul sila, sa hindi niya malamang dahilan ay tila naging aso’t pusa si Edward at Kyle sa dalas ng pag-aaway ng dalawa.

Apat na taong naging malayo ang loob ng mga ito sa isa’t-isa. Kung wala nga siya na nagkokonekta sa dalawa ay baka hindi na magkaibigan ang mga ito. 

Nasa ikalawang tao sila sa kolehiyo nang mapansin niya unti-unti na ulit napapalapit ang dalawa sa isa’t-isa hanggang sa bumalik na sa dati ang samahan ng mga ito. 

Ngunit noong mga nakaraang araw, napansin nga niya na madalas na naman mag-away ang mga ito, lalo na’t kung tungkol sa kaniya. 

“Bakit niyo ba kasi ako kailangang ihatid? May paa naman ako, makakauwi akong mag-isa,” naiinis na kastigo niya sa dalawang kaibigan. 

“Ikaw na ang maghatid, Edward, kung gusto mo,” tila nagtatampong anas ni Kyle bago ito naglakad palayo. 

Kahit anong tawag nila sa kaibigan ay nagtuloy-tuloy ito sa pag-uwi. 

“Ano ba ang nangyayari riyan kay Kyle? Napakaarte!” narinig niyang reklamo ng naiwang si Edward. 

“Kayong dalawa, bakit parang bumabalik na naman kayo sa dati? Hindi ba’t nagkaayos na kayo ni Kyle?” naiinis na sita niya sa kaibigan. 

“Hindi ko kasi maintindihan si Kyle. Parati na lang siyang biglang nagagalit sa akin,” sumbong nito. 

“Matagal na tayong magkakaibigan, ha! Ayokong magkakasira tayong tatlo!” simpleng paalala niya sa kaibigan. 

Ayaw niyang siya ang maging dahilan ng pagkakasira ng magandang pagkakaibigan ni Kyle at Edward. 

Nang mga sumunod na araw ay ganoon pa rin ang nangyari. Halos hindi niya mapagsama sa iisang lugar ang dalawang lalaki dahil halos magsuntukan ang dalawa. 

Isang araw ay napuno na siya. 

“Tama na! Mag-usap nga tayong tatlo! Ano ba talaga ang pinag-aawayan niyo?” napupunong tanong niya sa dalawa. Gusto niya na kasing mapaamin ang mga ito. Gusto niyang sabihin sa dalawa na hindi sila dapat mag-away dahil wala naman sa mga ito ang pipiliin niya!

“Si Edward kasi, eh! Masyadong malapit sa’yo!” bulalas ni Kyle. 

“Ikaw din naman, ‘di ba? Masyado ka ring malapit kay Britney, kaya bakit ka nagagalit sa akin?” matalas na sagot naman ni Edward, tila naghahamon ng away. 

“Eh ano naman? Kaibigan ko kayo! Ano naman kung malapit kayo sa akin?” taas-kilay na tanong niya, pilit na inilalabas sa bibig nito ang katotohanan. 

Mahabang katahimikan ang namayani bago ito umamin. 

“Nagseselos ako!” sa wakas ay halos magkapanabay na pag-amin ng dalawa. 

“Sa wakas ay lumabas na rin ang totoo! Ang tagal tagal kong nagdusa dahil lagi niyo akong pinag-aawayan!” 

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya bago tinapat ang dalawang kaibigan. 

“Sorry. Kahit na mag-away pa kayo ay wala akong pipiliin sa inyo. Ayoko kayong saktan pero si Adam ang gusto ko,” madamdamin niyang pahayag. 

Ngunit imbes na malungkot ang dalawa, narinig niya ang malakas na halakhakan ng mga ito. 

Nag-apir pa ang dalawa na tila aliw na aliw sa sinabi niya. 

“Teka, anong tinatawa-tawa niyong dalawa? Sabi ko, basted kayo!” ulit niya pa sa sinabi. 

Muling nagtawanan ang dalawa. Si Kyle ay halos maglupasay pa sa lapag sa sobrang tindi ng pagtawa. 

Ano ba ang nakakatawa? 

Nakasimangot siyang naghalukipkip hanggang sa huminto ang dalawa sa pagtawa. 

“Sorry, Britney, nakakatawa kasi ang sinabi mo,” natatawa pa rin si Kyle nang magsalita ito. 

“Sinabi ko na nagseselos ako, hindi dahil gusto kita. Nagseselos ako dahil lagi kayong magkasama ng boyfriend ko,” paliwanag ni Kyle.

Gulat na gulat si Britney sa narinig. Una, dahil hindi niya alam na lalaki rin pala ang gusto ni Kyle. Pangalawa, sino ang boyfriend na tinutukoy nito? Si Edward lang naman ang lagi niyang kasama!

Nanlaki ang mata niya nang mapalingon kay Edward. May isang nahihiyang ngiti na nakapaskil sa labi nito. 

“Kayo? Kayo ang mag-boyfriend?” hindi makapaniwalang saad niya sa dalawang kaibigan na noon ay magkahawak kamay na. 

“Sorry kung hindi namin sinabi. Natakot kami na baka hindi mo kami matanggap,” ani Edward. 

“Nagseselos si Kyle sa t’wing lumalapit ako sa’yo. Nagseselos din naman ako kapag magkalapit kayo,” dagdag pa nito. 

“Mga gaga! Sa tagal niyo na akong kaibigan, ako pa ang hindi kayo tatanggapin? Isa pa, wala akong type sa inyong dalawa ano, si Adam ang gusto ko!” nakairap na sagot niya sa dalawa. 

“Alam namin. Halos maglaway ka nga ‘pag dumadaan siya eh,” humahagikhik na biro naman ni Kyle. 

Malutong na halakhakan ang sumabog mula sa magkakaibigan. 

Sa kwento ng dalawa ay nalaman niya na matagal na palang tinitikis ng mga ito ang damdamin para sa isa’t-isa, kaya naman parang aso’t pusa kung mag-away ang mga ito. 

Mabuti na lamang at naging tapat na ang mga ito sa kani-kanilang damdamin noong mag-kolehiyo na sila.

Masayang masaya siya sa kinahinatnan ng kaniyang maling akala. Una, dahil hindi niya kinailangang saktan ang dalawa niyang kaibigan. At ikalawa, maligaya siya na nahanap nina Edward at Kyle ang kaligayahan sa isa’t isa! 

More Stories