Inday TrendingInday Trending
Isang Mabait na Lalaki ang Kumupkop sa Kaniya; Bilang Ganti ay Ito ang Ginawa Niya

Isang Mabait na Lalaki ang Kumupkop sa Kaniya; Bilang Ganti ay Ito ang Ginawa Niya

“Welcome sa bago mong bahay. Mula ngayon, dito ka na titira. Ito nga pala ang mga kapatid mo,” anito bago itinuro ang dalawang bata na halos kasing-edaran niya lang.

“Magpakilala kayo,” udyok nito sa dalawa.

“Ako si Bryan,” pakilala ng isa.

“Ako naman si Darren,” masiglang wika ng isa pang bata. Pawang nakangiti ang dalawa habang nakalahad ang mga palad, hinihintay na tanggapin niya.

Tinanggap niya ang mga palad na nakalahad bago nahihiyang sinabi ang kaniyang pangalan. “Angelo.”

Nakita niya ang malapad na ngiti ng mabait na lalaking nagdala sa kaniya sa bahay na iyon. Si Sir Jason.

Nakilala niya ito dahil madalas ito sa lugar kung saan siya namamalimos. Mahilig itong dumaan doon para mag-abot ng pagkain sa mga pamilya na nasa kalye.

Ngayong gabi ang unang beses na nakausap niya ito. Panay ang tanong nito sa kaniya kung nasaan ang kaniyang mga magulang, kung may pamilya pa ba siya, at kung bakit siya namamalimos sa kalye sa murang edad. Hindi niya man ito kilala ay ramdam niya na mabuting tao dito kaya nakuha nito ang kaniyang tiwala at napagpasyahan niyang ikuwento rito ang lahat.

Ang katotohanan na wala na siyang magulang o pamilyang mauuwian. Matapos sumakabilang buhay ng kaniyang ina ay lalong lumala ang kaniyang ama na lulong sa pag-inom ng alak. Kung dati ay madalas itong magbasag ng gamit sa bahay ngayon ay pisikal na rin siyang sinasaktan nito kaya mas pinili niya na lang tumakas dito hanggang napadpad sa lansangan.

Hindi niya inaasahan nang alukin siya nitong sumama sa bahay nito. Ang akala pa niya noong una ay nagbibiro ito ngunit hindi. Sa huli ay nakumbinsi rin siya kaya’t heto siya ngayon.

“Bryan, Darren. Ituro niyo kay Angelo ang kwarto niya para makabihis na siya at makapagpahinga,” utos nito.

“Tara na,” magpakananabay na yaya ng dalawa.

Pilit niyang iniiwasan na madikit sa mga ito lalo na’t napakalinis ng mga suot nito, hindi kagaya niya na madungis at amoy pawis.

“Heto na lang ang suotin mo. Tutal magkasing-edad lang rin naman tayo,” sabi ni Darren bago inabot sa kaniya ang iilang bagong damit mula sa aparador nito.

“Pasensiya na kayo. Nakaabala pa ako sa inyo at sa tatay niyo. ‘Wag kayong mag-alala, bukas na bukas rin ay sasabihin ko sa kaniyang pagtatrabahuan ko lahat ng tulong na ibibigay niya sa akin,” nahihiyang sabi niya sa dalawang bata.

Ikinagulat niya ang naging sagot ng dalawa.

“Ano ka ba? Bakit ka naman mahihiya sa amin? Pare-pareho lang naman tayo rito. Hindi rin naman kami tunay na anak ni Papa. Ako, nakilala ko lang siya isang gabi habang hinahabol ako ng mga pulis matapos akong magnakaw ng pagkain,” kwento ni Bryan.

“Ako naman, nakilala ko siya habang nagtitinda ng sigarilyo malapit sa isang simbahan. Gabing-gabi na pero hindi ako pwedeng umuwi nang hindi ubos ang sigarilyo dahil bub*gbugin ako ng Tito ko,” salaysay naman ni Darren.

Hindi niya maiwasang mamangha sa narinig. Kung ganoon lahat sila ay pare-parehong hindi kaano-ano ni Sir Jason ngunit walang pagdadalawang isip sila nitong pinatuloy sa sarili nitong bahay?

“Wala ba siyang anak? O pamilya?” hindi maiwasang usisa niya.

“Magdadalawang taon na ako dito pero sa pagkakaalam ko, wala naman. Sayang nga eh, mukha pa namang magiging mabuti siyang ama.”

Ng mga sumunod na araw ay inobserbahan niya si Sir Jason. Kagaya ng pagkakakilala niya rito ay talaga namang napakabait ng turing nito sa kanila.

Napag-alaman niya mayroon itong pinapatakbong kompanya na nagsimula sa maliit na negosyo at lumago sa pagdaan ng panahon. Iyon ang dahilan kung bakit kaya nitong tumulong sa mga gaya niya.

“Kumain ka pa, Angelo. Ang payat-payat mo,” udyok nito bago nilagyan ng karne sa kaniyang plato. Lihim siya nagdiwang. Ang totoo ay gusto niyang kumain ng karne ngunit nahihiya pa rin siya rito.

“Salamat po, Sir.”

Tumingin ito sa kaniya at ngumiti.

“Kapag handa ka na, pwede mo akong tawaging “Papa” dahil iyon rin ang tawag sa akin ng mga kapatid mo. Inaayos ko na lang ang mga papeles para maging legal na anak na kita.”

Nahihiyang tango lang ang naging sagot niya sa lalaki.

Lumipas ang maraming taon, at nakatapos na rin siya ng pag-aaral sa kolehiyo sa kursong medisina. Sa lumipas na mga taon ay natutunan niya na ring mahalin ang kaniyang ama-amahan at mga kapatid na parang tunay na pamilya.

Ang kaniyang Kuya Bryan ay katulong na ng kanilang kinikilalang ama sa pamamahala ng negosyo nito habang si Darren ay malapit nang matapos sa abogasya.

Buong puso silang sinuportahan ng kanilang Papa sa kung anumang karera ang kanilang nais tapusin kaya ganoon na lamang ang pasasalamat nila sa ama. Minahal at inaruga sila nito nang buong buo kaya naman ang tanging nais na lamang nila ngayon ay makita itong masaya.

“Tito, alam niyo po ba ang rason kung bakit hindi nag-asawa si Papa?” isang araw ay hindi niya napigilang usisain si Manuel, ang matalik na kaibigan ng kanilang ama.

“Hindi niyo pala alam? Ang totoo niyan, lumaki ang Papa niyo sa kalye. Kagaya niyo. Umulan man o bumagyo, nasa kalye siya. Akala niya ay doon na matatapos ang buhay niya dahil walang nagtangkang tumulong sa kaniya. Hanggang sa isang matandang lalaki ang tumulong at nag-aruga sa Papa niyo. Sayang nga lang at hindi niyo na siya nakilala,” kwento nito.

“Dahil sa nangyari sa Papa niyo ay napagtanto niya na may mga pabaya at iresponsable talagang mga magulang. Kaya pinangako niya na kung hindi kayang maging magulang ng ibang tao ay siya ang aako ng responsibilidad. Iyon ang dahilan kaya itinuturing niya kayo ng mga tunay na anak. Alam niya kasi kung gaano kahirap ang lumaki na walang magulang. Sa totoo lang, bukod sa inyo ay napakaraming bata pa ang nabago ang buhay dahil sa Papa ninyo.”

Bakas sa mukha nito ang labis paghanga nito sa kaibigan.

Maging si Angelo ay hindi makapaniwala na sinuwerte siya at nakilala niya ang kaniyang Papa Jason.

Kaya naman sa kaarawan nito ay isang sorpresa ang inihanda nila para sa ama. Tinipon nila ang lahat ng mga batang kagaya nila ay nabago ang buhay dahil sa kanilang ama. May mga naging abogado, doktor, guro, at kung ano-ano pa.

Sinabi rin nila sa ama-amahan ang plano nilang magkakapatid na tumulong sa mga kapus-palad, gaya ng ginawa nitong pagtulong sa kanila.

Walang pagsidlan ang saya ng matanda, lalo na nang malaman na puro naging matagumpay sa buhay ng mga batang tinulungan nito.

“Salamat, mga anak. Napakasaya ko na makitang maganda ang inyong mga buhay ngayon. Sulit ang lahat ng sakripisyo ko,” buong pusong pasasalamat nito.

“Salamat at sumunod kayo sa yapak ko. Tumulong lang tayo sa abot ng ating makakaya. Hindi nasasayang ang kabutihan. Tingnan niyo at nakahanap ako ng mga anak sa katauhan ninyo,” madamdaming litanya nito.

Niyakap nila nang mahigpit ang ama kasabay ng panalangin na sana ay dumami pa ang gaya nito na tumutulong sa iba nang walang hinihintay na kapalit.

Advertisement