
Hiniling Niya na Pumalpak ang Kaniyang mga Kaibigan; Bumalik Tuloy sa Kaniya ang Masamang Hiling
“Kumusta? Ang tagal na nating hindi nagkita-kita, ah!”
Niyakap ni Olivia ang mga dating kaklase sa high school na matagal niya nang hindi nakasama. Magmula kasi ng makatapos sila ay iba-iba na sila ng tinahak na landas. Naging abala na rin ang lahat.
Bibihira kung magkita-kita sila kaya’t sabik na sabik siya nang magkayayaan. Agad-agad siyang pumayag.
“Ano? Anong bago sa mga buhay niyo? Magkwento naman kayo!” nakangiting udyok niya sa mga kaklase.
Maya-maya lang ay masaya na silang nagkukwentuhan.
“Ako, heto at malapit nang lumipad patungong London. Natanggap kasi ako sa kumpanyang matagal ko nang pinapangarap na mapasukan,” masayang balita ni Helen.
Agad namang umani ng positibong reaksyon sa mga kaklase nila ngunit imbes na matuwa para sa kaibigan ay umismid siya.
“Alam mo, maganda nga doon sa ibang bansa pero wala pa ring tatalo kapag nandito ka sa sarili mong bansa,” komento niya.
Matagal na namayani ang katahimikan bago iyon binasag ni Helen.
“Oo, Olivia. Sigurado naman ako pagdating ko roon, hahanap-hanapin ko ang lutong bahay ni Mama at saka ang lechon. Kaso gagawin ko naman ‘to para sa pangarap ko,” katwiran nito.
Nang hindi siya umimik ay bumaling ito kay Joan.
“Ikaw, Joan? Kumusta ka? Balita ko, ikakasal ka na. Imbitado ba kami?” biro nito.
Mahinhing tumawa si Joan. Bakas sa mukha nito ang matinding ligaya.
“Ano ka ba! S’yempre naman, ano! Sa susunod na buwan na iyon, sigurado akong maaabutan mo pa bago ka lumipad pa-London. Sa sobrang excited ko nga, nagsukat na ako ng gown!” pagkukuwento nito.
“Mas gusto ko pa rin na wala akong nobyo. Gastos lang ‘yang kasal-kasal na ‘yan,” muli ay hindi naiwasang komento niya.
Hindi niya napansin ang palitan ng makahulugang tingin ng mga kaklase.
“Ikaw naman, Kelly, ano nang balita sa negosyo mo?” tanong ng isa sa magkakaklase.
Kumunot ang kaniyang noo sa narinig at agad na sinulyapan si Kelly.
“Negosyo?”
Tumango ito. “Umalis na ako sa dati kong trabaho at nagdesisyon ako na mag-uumpisa na lang ng negosyo. Sabik na sabik na akong mag-umpisa. Ito talaga ang gusto ko mula noon pa man.”
Agad naman itong binati ng mga kaklase. Mukhang masayang-masaya ang mga ito sa narinig. Subalit iba ang opinyon ni Olivia.
“Negosyo? Sigurado ka ba riyan? Paano kung malugi ka? Ang mas maganda mag-invest ka na lang sa sikat na kompanya. Siguro pa na hindi ka malulugi!” payo niya sa kaibigan.
Narinig niya ang marahang tinig ni Joan.
“Olivia, hayaan mo na. ‘Yun naman ang magpapasaya kay Kelly. Bakit hindi ikaw ang magkwento?” nakangiting udyok nito sa kaniya.
“Ako? Nag-invest ako sa isang malaking kompanya para lumago dahil praktikal ako,” puno ng pagmamalaking kwento niya.
“Paano kung malugi ‘yung kompanya? O ‘di kaya eh maloko ka? Eh ‘di wala rin. Uso na ang scam ngayon kaya mag-ingat ka,” kontra ni Kelly na agad sinang-ayunan ng lahat.
Nalukot ang mukha niya sa reaksyon ng mga kaibigan. Hindi man lang siya suportahan ng mga ito!
“‘Wag mo ngang sabihin ‘yan at baka malasin ako!” inis niyang kontra kay Kelly.
Ngumisi si Kelly at umiling.
“Kita mo na? Nakakainis, hindi ba? ‘Yan din ang pakiramdam namin sa tuwing nagkokomento ka ng negatibo sa amin. Pakiramdam namin hindi ka masaya para sa amin at naiinggit ka.”
Hindi siya makapaniwala sa narinig dito.
“Ako? Naiinggit? Bakit naman ako mainggit sa inyo? At saka hindi iyon inggit, nagpapayo lang ako sa inyo. Minamasama niyo naman masyado,” pagtatanggol niya sa sarili.
“Kung ganoon, payo lang din ang sa akin,” tila namimilosopong sagot nito.
“Ewan ko sa inyo! Sana pumalpak ang mga plano niyo sa buhay!” pabulyaw na kastigo niya sa mga kaibigan bago niya nagdadabog na iniwan ang mga ito.
Subalit tila sa bumalik sa kaniya ang paghiling niya ng masama para sa mga kaibigan.
“Ano’ng problema?” tanong ng kaniyang katrabaho nang mapansin ang pagbusangot niya.
Problemado siya ng araw na iyon. Tinatawagan niya kasi ang empleyado ng kompanya kung saan siya nag-invest ngunit walang sumasagot sa tawag niya.
Hindi niya tuloy maiwasan na maisip ang babala ng mga kaibigan.
“Naku, mabuti pa puntahan mo na lang sa mismong kompanya nila,” payo ng katrabaho niya na agad niyang sinunod.
At tila gumuho ang mundo niya nang marinig ang sinabi ng babaeng nakausap niya. “Naku, Ma’am, na-scam po kayo. May mga tao na rin po nagpunta rito, hinahanap si Arnel. Wala ho kaming empleyado na gan’yan ang pangalan.”
Hindi niya maiwasang mapaiyak dahil napakalaking pera ng kaniyang inilabas at naglaho ang lahat ng iyon na parang bula!
Sumagi sa isip niya ang huli niyang sinabi sa mga kaibigan.
“Sana pumalpak ang mga plano niyo sa buhay!”
Natutunan niya na may kapangyarihan ang salita. Ang masamang hiling niya para sa iba ay bumalik sa kaniya!