Nuknukan ng Arte ang Dalagita; Isang Kababalaghan ang Nagturo ng Aral sa Kaniya

“Oh, handa na ba ang mga gamit niyo? Tara na!” masayang bulalas ng kanilang Mommy.

Bakas sa mukha ng mga kapatid ni Guia ang saya at pagkasabik na magpunta sa probinsiya habang siya ay nakabusangot ang mukha.

“Ano, Guia, bakit gan’yan ang mukha mo?” usisa nito nang mapansin ang pagmumurukulyo niya. 

“Mommy! Ayaw ko talagang sumama! Gusto ko na lang maiwan dito!”

Ilang araw niya na itong kinukumbinsi na hayaan siyang maiwan sa bahay nila sa Maynila ngunit walang talab dito ang pagmamaktol niya.

Umiling ito at hinila ang kaniyang mga maleta palabas. Nang umakto ito na ikakandado siya sa loob ng bahay ay wala siyang nagawa kundi ang sumunod dito palabas. 

“Pupunta tayo sa probinsiya ng Daddy niyo. Ibig sabihin, doon nakatira ang mga kamag-anak ng tatay niyo. Ang hiling ko ay maging mabait at magalang kayo sa lahat lalo na’t ngayon pa lang natin sila makikilala,” paalala nito.

Matagal nang kasal ang kaniyang mga magulang ngunit iyon ang unang pagkakataon na makikilala nila ang angkan ng kanilang Daddy, kaya ganoon na lamang ang kagustuhan ng Mommy nila na maging maayos ang lahat.

Advertisement

Kasalukuyang nasa ibang bansa ang kanilang Daddy ngunit nangako ito na susunod ito sa probinsya.

Halos magkapanabay na tumango ang mga kapatid niya. Nang hindi siya sumagot ay bumaling sa kaniya ang ina.

“Pinapaalalahanan ko kayo, lalo ka na, Guia. Kilala ko ‘yang mga pairap-irap mo at ‘yang bibig mo na walang preno,” kastigo nito sa kaniya.

Alam niyang hindi titigil ang kanilang ina sa pagsasalita hangga’t hindi siya nangangako kaya naman wala siyang ibang magawa kundi ang tumango.

Buong biyahe, imbes na magmukmok ay inatupag niya lang ang pag-aayos at paglalagay ng kolorete sa kaniyang mukha. Wala rin namang magagawa ang pag-iinarte niya, kaya naisip niya na lang na dapat ay maganda siya pagdating nila sa probinsya.

“Ang hirap pala ng daan dito, nakakaligaw. Sandali lang at magtatanong ako,” sabi ng kaniyang ina bago ito bumaba ng sasakyan.

“Diyan lang kayo,” bilin nito bago lumayo sa kanila.

Sumilip siya sa labas at doon niya pa lang napansin na hapon na at malapit nang dumilim. Mukha pa namang nasa isang liblib na lugar ang kinaroroonan nila.

Advertisement

Likas na sa kaniya ang pagiging matigas ang ulo at hindi nakikinig, kaya kahit na sinabihan na sila na ‘wag bumaba ay binuksan niya ang pintuan ng sasakyan.

Ngunit halos mapatalon siya sa gulat nang makita ang isang batang lalaki sa harap niya mismo. Madungis ito at puno ng grasa. 

“Pahingi po ng pagkain! Gutom na gutom na po ako!” bungad nito habang nakalahad ang mga kamay nito.

Awtomatiko siyang ngumiwi. Hindi niya na sana papansinin ito ngunit hinawakan nito ang laylayan ng kaniyang damit. Sa gulat at pandidiri niya ay itinulak niya ito, lalo pa’t ayaw na ayaw niyang nadudumihan.

Halos mapatili siya sa inis nang makitang bumakat ang maruming kamay nito sa damit niya na puting-puti.

“Alis! Wala akong pagkain! Ang dumi-dumi mo!” iritable niyang pagtaboy sa bata.

“Madamot!” sigaw lang nito bago tumakbo palayo. Noon dumating ang kaniyang Mommy.

“O, ano’ng nangyari?” usisa nito. 

Advertisement

Ikinuwento niya ang nangyari habang nakaturo sa batang tumatakbo palayo.

Dismayado itong napailing. “Sinabi na kasi na dumito ka lang sa sasakyan, eh. ‘Yan tuloy!” paninisi pa nito bago siya pinapasok sa sasakyan.

Habang umaandar ang sasakyan nila ay kitang-kita niya ang isang matandang babae mula sa ‘di kalayuan na nakatitig sa kaniya. Agad siyang nag-iwas ng tingin at hindi na ito pinansin. Marahil ay nagagandahan ito sa kaniya. 

Ngunit wala pang limang minuto ay bumigat na ang kaniyang pakiramdam kasabay ng pananakit ng tiyan niya.

“Mommy! Nasusuka ako!” daing niya habang namimilipit sa sakit.

Hininto naman nito ang sasakyan ngunit ilang minuto na ang nakalipas ay hindi pa rin siya matigil sa pagsusuka.

Bakas ang pag-aalala sa mukha ng kaniyang ina nang magdesisyon ito.

“Malapit na tayo sa bahay ng Lolo niyo. Hihingi tayo ng tulong doon. Sumakay ka na muna at bibilisan ko para makarating na tayo,” anito.

Advertisement

Mabilis rin naman silang nakarating sa isang malaking bahay at agad silang sinalubong ng kanilang mga kamag-anak.

“Ano’ng nangyari sa bata?” nag-aalalang tanong ng mga matatanda nang makita siya, na halos hindi na makagulapay sa sobrang panghihina.

“Naku, hindi ko nga ho alam e. Ayos naman kanina tapos biglang nagkaganyan. Siguro ho may nakain na kung ano,” tila maiiyak na tugon ng kaniyang Mommy.

Isang matandang babae ang lumapit sa kaniya. Nagpakilala itong si Lola Helena, tiyahin ng kaniyang Daddy.

“Hindi dahil sa pagkain. Dahil dito,” anito bago hinawakan ang laylayan ng damit niya na may bakas pa ng kamay ng batang grasa.

“Mukhang pinaglaruan ka, hija. Ikuwento mo sa akin kung paano mo nakuha ‘to,” udyok nito.

Kahit na hindi niya naiintindihan kung bakit ay sinunod niya ang sinabi ng matanda. Sinabi niya ang nangyari at mga detalye.

“Kung ganoon, hindi naging maganda ang pagtrato mo sa bata?”

Advertisement

Tumango siya. “Bakit ho ba? Ano ho bang ibig sabihin niyo?”

Sinindihan nito ang isang kandila at ipinatak iyon sa isang palanggana na may tubig. Noon niya na nalaman na isa pala itong albularyo.

“Tingnan mo ito.”

Hindi siya makapaniwala sa hugis na nabuo ng kandila. Tila isang bata at isang babaeng may belo.

“Nakita ko ho kanina! May matandang babae nakatingin sa akin sa malayo!”

Napailing ito saka dinasalan ang isang dahon para itapal sa kaniyang sikmura, bago siya binigyan ng isang kwintas. Pangontra raw iyon sa mga masasamang elemento.

Parang milagro na nawala ang sakit ng kaniyang tiyan at bahagyang bumuti ang kaniyang pakiramdam.

“Hija, kapag pupunta ka sa ibang lugar, siguraduhin mo na magiging magalang ka sa lahat ng tao o kahit na hayop. Ang nakita mo malamang ay si Magda Belen at ang sinasabing apo niya. Matagal na silang laman ng kuwentong bayan dito. Binabantayan nila ang mga dayo na kagaya mo. Wala naman silang ginawang masama pero kung minsan, tinuturuan ng aral ang may kailangan nito. Kaya mag-ingat ka,” mahabang payo nito.

Advertisement

Takot na takot man ay dahan-dahan siyang tumango. Iyon kasi ang unang pagkakataon na nakaranas siya ng ganoong kababalaghan.

“Kung gusto mo, ipagdasal mo silang dalawa para makasigurado kang lulubayan ka nila,” sabi pa nito.

Iyon nga ang kaniyang ginawa. Sinunod niya ang payo nito at agad na lumuhod sa gitna ng altar at nang dumilat siya ay wala na ang kahit na anong bigat na nararamdaman niya kanina.

Kung may itinuro mang aral ang kakaibang karanasan na iyon kay Guia, iyon ay ang maging magalang at mabait sa kahit na sino. Hindi natin alam kung ano ang kwento sa likod ng bawat tao o bagay na nakakasalamuha natin, kaya maging maingat!