Inday TrendingInday Trending
Nakaranas ng Diskriminasyon ang Katutubong ito sa Unibersidad na Pinapasukan, Pinatunayan Niya ang Kakayahan Niya sa Madla

Nakaranas ng Diskriminasyon ang Katutubong ito sa Unibersidad na Pinapasukan, Pinatunayan Niya ang Kakayahan Niya sa Madla

“Hindi talaga kaaya-aya ‘yong itsura mo, ano? Saan ka nakakakuha ng lakas ng loob na humarap sa mga tao?” taas-kilay na sambit ni Chloe sa kaniyang kaklase, isang umaga nang makasabay niya ito sa paglalakad.

“Huwag mo naman akong maliit nang gan’yan, maraming nakakarinig,” mahinang saway ni Kiray habang patuloy na naglalakad nang nakatungo.

“Diyos ko! Kahit hindi ko naman sabihin, nakikita rin nila ang itsura mo! Sigurado akong pati sila, sukang-suka na sa mukha mong puro tigidig, buhok mong kulot na maasim, at balat mong kulay uling!” sigaw pa nito saka tumawa nang napakalakas dahilan para siya’y pagtinginan ng mga estudyanteng nadadaanan nila.

“Tama na, Chloe! Sumosobra ka na!” tugon niya habang pinipigil ang inis na nakakaramdam.

“Dapat kasi, hindi ka na nagpunta rito sa siyudad at nanatili ka na lang sa tribo niyo! Tutal magkakamukha kayo roon, walang mangmamaliit sa’yo roon!” pangbubuska pa nito habang taas-kilay siyang tinitingnan mula ulo hanggang paa.

“Huwag mong idamay ang buong tribo namin,” pagtitimpi niya.

“Naku, iiyak na! Huwag ka nang umiyak d’yan! Hayaan mo, ikaw ang iboboto naming maging muse ng klase natin para sa darating na patimpalak ng pagandahan! Tingnan na lang natin kung tatalaban ka ng make-up!” sambit pa nito saka agad na tumakbo sa kanilang silid-aralan na labis niyang ikinabahala.

Kabilang sa isang katutubong tribo ang dalagang si Kiray na ngayo’y nasa Maynila upang mag-aral ng kolehiyo. Nakitaan siya ng katalinuhan at potensyal ng isang artistang minsang nagtungo sa kanilang tribo dahilan para libre siya nitong pag-aralin.

Kaya lang, dahil nga walang eskwelahang pangkolehiyo sa kanilang lugar, kahit ayaw at takot siyang lumuwas ng Maynila, ginawa niya pa rin ito alang-alang sa kaniyang pangarap at pamilya.

Katulad ng inaasahan niya, diskriminasyon kaagad ang sumalubong sa kaniya nang magsimula na siyang pumasok sa unibersidad.

Halos lahat ng mata ay nakatingin sa kaniya na tila ba nanghuhusga at nandidiri sa itsura, kilos, at pananamit niya. Lahat ng ito ay unti-unti niyang nakakasanayan dahil sa artistang nagbibigay ng lakas ng loob sa kaniya. Wika nito palagi, “Huwag mo silang pansinin dahil maganda ka. Hindi lang sa panlabas mong anyo pero pati na rin sa ikinabuturan ng puso mo,” na araw-araw niyang ginagawang inspirasyon upang magpatuloy sa pag-aaral.

Ngunit kahit anong pangungumbinsi niya sa sariling maganda siya, sa tuwing bubuskahin na siya ng isang sikat na dalagang ubod nang ganda, agad na bumaba ang tingin niya sa sarili niya.

At nang araw pang iyon, siya nga ay ninomina ng dalagang iyon na maging pambato ng kanilang klase sa nalalapit na patimpalak.

“Ayoko! Pinagti-tripan lang po nila ako, ma’am,” reklamo niya sa kanilang guro.

“Wala ka nang magagawa! Ngayon mo patunayan sa amin ang kakayahan mo! Magdasal ka nang mapaganda ka ng make-up!” sigaw pa ng dalagang ito dahilan para maghagalpakan sa tawa ang kaniyang mga kaklase.

Pagkauwi niya sa bahay na tinutuluyan nila ng artistang nagpapaaral sa kaniya, agad niyang sinabi ang ginawa ng kaniyang mga kamag-aral.

“O, anong ikinakakaba at ikinakatakot mo? Ngayon natin patunayan sa kanila na napakaganda mo!” sigaw nito saka agad siyang hinila patayo at siya’y inumpisahang turuang maglakad at pumustura habang may suot na high heels.

Sa mga nagdaan na araw, araw-araw siyang tinuturuan ng artistang iyon na minsan din palang sumabak sa beauty contest noon.

Hanggang sa dumating na nga ang araw ng patimpalak. Ang artistang ito pa ang nag-ayos sa kaniya, nag-abala sa mga susuotin niyang damit, at nagpalakas ng loob niya dahilan para kahit kabadong-kabado siya, siya’y nagpakitang gilas sa mga estudyante at hurado nang gabing iyon.

Hindi man niya inaasahan, siya pa rin ang itinanghal na kampiyon at nag-uwi ng koronang pinapangarap ng mga babae sa kanilang unibersidad!

“Nagparetoke ka ba?” tanong ng dalagang nangbubuska sa kaniya habang patawa-tawa pa.

“Hindi, maganda talaga siya, hija. Ang pangit lang talaga ng paningin at ugali mo. Iyan ang hindi na talaga mapaparetoke o kahit mareremedyuhan man lang,” mataray na sagot ng artistang iyon na ikinapahiya ng naturang dalaga dahilan para tumakbo ito palayo.

Simula noon, hindi na siya muling nakaramdam ng diskriminasyon bagkus, siya na ngayo’y ginagalang, nirerespeto, at hinahangaan ng karamihan dahil sa tunay niyang ganda at talinong hinding-hindi mauungusan ng sino mang mapangmata sa katulad niyang isang katutubo.

Advertisement