Inday TrendingInday Trending
Sinermunan ng Guro ang Estudyanteng Nangongodigo, Nanlambot Siya nang Makakita ng mga Pasa sa Katawan Nito

Sinermunan ng Guro ang Estudyanteng Nangongodigo, Nanlambot Siya nang Makakita ng mga Pasa sa Katawan Nito

“Akala ko ba matalino ka, ha? Bakit ngayon, nahuli ka ng mga kaklase mo na may tinitignan na kodigo habang kayo ay kumukuha ng eksam?” sermon ni Ashley sa kaniyang estudyante, isang araw pagkatapos nitong kumuha ng eksam at napag-alamanan niyang nandadaya ito.

“Pasensya na po, ma’am, hindi po kasi ako nakapag-aral kagabi. Gustong-gusto ko pong makapasa, ma’am, kaya ko po iyon nagawa,” nakatungong sagot nito habang unti-unting naiiyak sa kahihiyan.

“Sa tingin mo ba, ang pangongodigo ang tanging paraan para lang makapasa ka?” tanong niya rito. “Hindi po, ma’am, alam ko pong mali iyon. Pasensya na po kayo sa ginawa ko. Kahit parusahan niyo po ako, ayos lang,” agad na sagot nito.

“Wala akong karapatang parusahan ka. Ang maaari ko lang gawin para sa ginawa mong kalokohan ay kausapin ang nanay mo at siya na ang bahalang dumisiplina sa’yo,” wika niya na talaga nga namang ikinataranta nito.

“Naku, ma’am! Huwag po! Huwag niyo pong sabihin sa nanay ko! Kahit ano po, gagawin ko, huwag niyo lang sabihin sa kaniya ang ginawa ko!” pagmamakaawa nito, bakas sa mukha nito ang matinding takot.

“Hindi pupwede, akin na ang numero ng nanay mo,” pagmamatigas niya dahilan para tuluyan na itong maiyak at mapaluhod sa harapan niya.

Galit sa mga estudyanteng nangongopya, nangongodigo at nandadaya ang gurong si Ashley. Ayaw na ayaw niyang may isang mandaraya sa kaniyang klase kaya palagi niyang pinapaalalahanan ang kaniyang mga estudyante na maging tapat sa pag-aaral.

Sa tuwing mayroon siyang nahuhuling nandaraya sa ano mang aktibidad sa kaniyang pinagawa, agad niyang ipapatawag ang magulang ng estudyante upang ito ang magbigay ng aral.

Ayaw niya rin kasing manakit o magparusa ng estudyante dahil alam niya kung gaano na kalakas ngayon ang mga kabataan dahil sa social media. Alam niyang isang mali niya lang, maaaring mawala ang propesyong pinaghirapan niya kaya siya’y nagdodoble ingat.

Ngayong nalaman niyang nandaya ang pinakamatalinong estudyante niya, galit ang talagang kaniyang naramdaman. Ngunit dahil ayaw niyang mapahamak, kinausap niya ito upang ipatawag ang ina.

Ngunit kahit anong pilit niya rito na ibigay ang numero ng ina, ayaw nitong ibigay. Umiiyak lang ito habang nakaluhod sa harapan niya dahilan para siya’y mainis na.

“Wala ka ba talagang balak na ibigay sa akin ang numero ng nanay mo?” galig niyang tanong dito, umiiling-iling lang ito habang naghahalo ang luha at pawis sa mukha, “Tanggalin mo ang jacket na suot mo! Ang init-init, nakagan’yan ka! Baka may ibang makakita sa’yo, sabihin, pinaparusahan kita dahil sa dami ng pawis na tumutulo sa’yo!” sambit niya rito saka niya pilit na tinanggal ang suot nitong jacket.

Nagpumiglas man ang bata, binuhos niya ang buong lakas upang matanggal ito at halos mapatulala siya nang makita ang mga l*slas sa pulso nito, pasa sa braso at dibdib, at ilang paso ng sigarilyo sa siko na labis niyang ikinabahala.

“A-anong nangyari sa’yo?” uutal-utal niyang tanong dito.

“Simula po no’ng nagtrabaho ako at bumaba ang grado ko, sinasaktan na po ako ng nanay ko. Kaya parang-awa niyo na po, huwag niyong sabihin na nahuli niyo akong nangongodigo. Ayaw ko pa pong malagutan ng hininga,” hagulgol nito sa kaniya dahilan para labis siyang makaramdam ng pagkaawa rito.

Alam niyang mali na ang ginagawa ng magulang ng estudyanteng ito. Kaya bilang pangalawang magulang ng bata, naglakas loob siyang isumbong ang pagmamaltr@tong ito sa nakatataas sa kanilang eskwelahan.

Agad naman itong naaksyunan dahil sa dekalibreng mga pasa, paso, at l*slas na mayroon ang dalaga.

Dumaan sila sa masusing imbestigasyon at doon napatunayang namamaltr@to nga ang dalagang iyon na ngayo’y nakakaranas ng trauma at depresyon.

Dahil doon, nasampahan ng kaso ang nanay ng estudyante.

Alam niyang mahirap ito para sa dalaga kaya naman nagdesisyon siyang pagbakasyunin ito sa kanilang probinsya kasama niya upang makaiwas ito sa malalim na pag-iisip.

“Ma’am, salamat po, ha? Wala man akong nanay ngayon, ligtas naman ako sa karahasan. At iyon ay dahil po sa inyo. Maraming salamat po sa pagligtas sa akin,” iyak nito saka siya maigting na niyakap.

Simula noon, mas lalo niyang nilawakan ang pag-iisip sa pag-aalaga sa kaniyang mga estudyante. Ayaw niya pa ring mandaraya ang mga ito kaya sinisigurado niyang walang magiging rason upang gawin nila ito at ginagawa niya ang lahat upang makumusta at magabayan ang mga ito hindi lang sa klase kung hindi pati na rin sa buhay.

Advertisement