
Nangungutang at Nagsusugal ang Ginang na Ito Kahit na Walang Sariling Pera, Katwiran Niya ay ‘Di Siya Pababayaan ng mga Anak Niya
“Mama, nakadalawang beses nang balik dito sa bahay si Mang Kaloy, hinahanap ka. Ngayong araw ka raw nangakong magbabayad ng utang sa kaniya,” sambit ni Renzo sa kaniyang ina, isang hapon pagkauwi nito galing sugalan.
“Naku, hayaan mo siya, wala ka pa ngang binibigay na pera, eh! Talo pa ako sa sugal ngayon, eh, huwag siyang makisabay sa init ng ulo ko! Sana binayaran mo na ‘yon!” sigaw ni Lolit saka padabog na inilapag sa kanilang papag ang bitbit na bag.
“Bakit ka ba kasi nangungutang nang nangungutang, mama, ha? Wala ka namang trabaho, tapos ‘yong perang binibigay namin sa’yo ni bunso, pinangsusugal mo,” pangaral ng kaniyang anak na ikinainis niya.
“Nangingialam ka ba?” taas-kilay niyang tanong dito.
“Talagang mangingialam ako, mama, dahil mali na ‘yang ginagawa mo. Tumutubo nang tumutubo ‘yong inuutang mong pera habang hindi ka nagbabayad!” sagot nito na lalo niyang ikinainis.
“Edi bayaran niyong magkapatid!” sigaw niya rito na ikinagulat nito.
“Kaya ang lakas ng loob mong mangutang dahil alam mong may trabaho na kami? Para sabihin ko sa’yo, mama, hindi kami nagpapakahirap sa trabaho para lang bayaran ang mga atraso mo!” tugon nito dahilan para mapatayo siya sa pagkakaupo at ito’y ambaan ng suntok.
“Aba, sumusobra ka na, ha! May pinagmamalaki ka na ba? Wala kang galang!” sigaw niya saka agad itong pinagsususuntok sa braso.
Simula nang makapagtrabaho ang dalawang anak ng ginang na si Lolit, naging kampante na siya sa kaniyang buhay. Alam niyang kahit hindi na siya magbanat ng buto, nand’yan ang dalawa niyang anak upang siya’y saluhin at tulungan.
Ito ang dahilan upang ganoon na lang siya magkaroon ng lakas ng loob na mangutang at magsugal kahit wala naman siyang trabaho. Umaasa lamang siya sa bigay na pera ng kaniyang mga anak sa tuwing sasahod ang mga ito sa trabaho.
Sa tuwing nangungutang siya, kung hindi niya ginagamit ang pangalan ng kaniyang mga anak, mangangako siya sa pinag-uutangan niya ng araw kung kailan alam niyang may pera ang kaniyang anak dahilan para mainis na ang mga ito sa kaniya.
Ngunit dahil nga siya ang ina at sa kaniyang bahay pa naninirahan ang mga ito, kahit ganito ang ugali niya, siya’y pinagtitiisan ng mga ito.
Kinabukasan, muli na naman siyang niyaya ng kaniyang mga kumare na magsugal at dahil nga naipatalo na niya ang perang bigay ng kaniyang bunsong anak sa sugal kahapon, agad siyang nag-isip ng paraan kung paano magkakaroon ng pera.
Agad siyang nagtungo sa silid ng kaniyang mga anak at naghalughog sa gamit ng panganay niyang anak. Sakto namang nakita niya ang perang nakatago sa mga panloob nito dahilan para lahat ito ay tangayin niya.
“Kapag nanalo naman ako, ibabalik ko rin lahat ‘to!” sambit niya sa sarili saka agad nang nagpunta sa sugalan.
Ngunit tila malas siya ngayong araw dahil wala pang isang oras, ubos na ang tatlong libong pisong kinuha niya. Dahil bitin siya sa paglalaro, at nais niyang makabawi, umuwi siya sa kanilang bahay at sa gamit naman ng kaniyang bunsong anak siya naghalughog hanggang sa makita niya ang limang libong pisong ipon nito.
Katulad nang nauna niyang puhunan, natalo rin ito kaagad dahilan para siya’y umuwi na kahit lingid pa sa kagustuhan niya.
Pagkauwi niya, nandoon na ang kaniyang mga anak na galing trabaho. Nakasimangot ang mga ito habang nag-aayos ng kanilang mga gamit.
“O, anong nangyari d’yan?” pagmamalinis niya.
“Nanakawan kami,” tipid na sagot ng bunso niyang anak.
“Naku, sino namang gagawa no’n?” tanong niya pa.
“Ikaw, sino pa ba?” pabalang na sagot ng panganay na ikinagalit niya.
“Hoy! Huwag mo akong pinagbibintangan d’yan, ha!” sigaw niya.
“Sino palang kukuha ng pera namin, mama? Huwag ka nang magmaang-maangan dahil kitang-kita ka ni bunso! Wala siyang pasok ngayon, mama! Kanina pa siya nandito sa kwarto namin!” sagot nito na labis niyang ikinabigla.
“Te-teka, ibabalik ko naman ‘yon lahat, eh,” bigla niyang depensa, sabay namang nagdabog ang kaniyang mga anak.
“Edi umamin ka rin!” sigaw ng panganay saka umiiling-iling.
Nais man niyang sigaw-sigawan ang dalawa sa hindi paggalang sa kaniya, hindi niya magawa dahil alam niyang siya ang may mali.
Naiyak na lang din siya nang makita niyang nagbabalot ng mga damit ang kaniyang anak.
“Aalis kayo?” mangiyakngiyak niyang tanong na hindi sinagot ng dalawa at agad na lang umalis sa kanilang bahay.
Halos mabaliw siya sa patong-patong na problema nang mga panahong iyon dahil kahit bigas o delata, kahit sampung pisong pambili ng tinapay, wala siya. Dagdag pa ang pinag-uutangan niyang pilit na siyang sinisingil.
Dahil sa mga problemang ito na siya lang ang makakasolusyon, nagpasiya siyang magtrabaho upang makabayad at muling mapabalik ang kaniyang mga anak.
Mahirap man ang prosesong pinagdaan niya upang maging matinong ina, lahat ito ay tiniis niya para sa kaniyang mga anak na sabik na sabik na siyang makita at makapiling muli.