Inday TrendingInday Trending
Inilihim ng Dalagang Ito ang Pagkawala ng Ama, Panay Tanggap pa Niya ng Pera mula sa Nobyo na Para Dapat sa Pampaospital Nito

Inilihim ng Dalagang Ito ang Pagkawala ng Ama, Panay Tanggap pa Niya ng Pera mula sa Nobyo na Para Dapat sa Pampaospital Nito

“Mahal, ito, o, ipandagdag mo sa bayarin ng tatay mo sa ospital,” nakangiting wika ni Arnold sa kaniyang kasintahan saka niya iniabot ang limang libong pisong ipon dito.

“Naku, maraming salamat talaga, mahal! Napakalaking tulong nito!” masayang sagot ni Leah saka mahigpit na niyakap ang kasintahan.

“Walang anuman! May balita na ba kung kailan magigising ang tatay mo?” pang-uusisa nito.

“Wala pa nga, eh. Hanggang ngayon, ni hindi gumagalaw ang tatay. Magkakalahating taon na siyang ganoon,” malungkot niyang sabi.

“Hayaan mo, mahal, may awa rin ang Diyos!” positibong tugon nito, “Magpupunta ka ba sa ospital ngayon? Pupwede ba akong sumama? Simula nang ma-admit sa ospital ang tatay mo, hindi pa ako nakakadalaw, eh, baka ako lang ang hinihintay niya para magising siya!” dagdag pa nito na talaga nga namang ikinainit ng ulo niya.

“Huwag ka nang sumama! Alam mo namang limitado lang ang pupwedeng dumalaw doon, eh!” sigaw niya rito. “O, bakit nagagalit ka agad?” gulat nitong tanong.

“Ang kulit-kulit mo kasi! Halos araw-araw na lang sa tuwing pupunta ako roon, gusto mong sumama!” bulyaw niya pa saka agad nang kinuha ang gamit niya.

“Gusto ko lang makita si tatay, mahal,” mahinang sagot nito.

“Hindi mo rin naman siya makakausap kaya tumigil ka na!” sigaw niya pa saka agad nang lumisan sa bahay ng kasintahan.

Hindi malaman ng dalagang si Leah kung paano sasabihin ang katotohanan sa nobyo niyang palaging nagbibigay ng pera sa kaniya upang makatulong sa mga bayarin ng ama niyang nasa ospital.

Sa katunayan kasi, magtatatlong buwan nang yumao ang ama niyang ito at hanggang ngayon, nakatatanggap pa rin siya ng pera sa binata.

Nais man niya sanang tapatin na ito, hindi niya magawa dahil agad niyang nagagastos ang perang binibigay nito para sa pansarili niyang kaligayahan.

Madalas, kapag nagbibigay na ito ng pera sa kaniya, hindi niya maiwasang hindi mag-inom kasama ang kaniyang mga kaibigan, mamili ng gamit sa mall, o kung hindi naman, bumili ng mga mamahaling pagkaing nais niya.

Kaya naman, kahit ilang buwan na ang nakalipas, hindi pa rin siya mahanap ng paraan upang sabihin ang katotohanan sa binata.

Ito ang dahilan para ganoon na lang siya nagagalit dito sa tuwing magpupumilit itong sumama sa kaniya sa ospital. Sa tuwing nais kasi nitong pumunta ng ospital, agad siyang nakakaramdam ng pangongonsensya dahil nga alam niyang wala na ang ama niya.

Nang araw na ‘yon, pagkaalis niya, agad niyang tinawagan ang kaibigan niya upang yayain itong magpunta sa mall. Agad naman itong sumang-ayon nang sabihin niyang ililibre niya ito nang mamahaling kape na nauuso ngayon.

Maya maya pa, tuluyan na nga silang nagkita ng kaibigan niya sa mall at agad na dumiretso sa naturang kapehan.Katulad ng nais niya, bumili nga siya ng dalawang mamahaling kape at doon sila nagkuwentuhan ng kaibigan niyang ito.

Kaya lang, wala pang sampung minuto, agad na nanlamig ang mga kamay niya nang makita niyang nasa tabi na nilang lamesa ang nobyo niya.

“Ito na ba ang bagong ospital ng tatay mo?” patawa-tawang sambit nito sa kaniya. “Hi-hindi! Nagliliwaliw lang ako dahil sobra akong nalulungkot sa kalagayan ni tatay,” pagrarason niya, ni hindi niya magawang makatingin sa nobyo niyang ito.

“Hanggang kailan mo ba gagamitin ang tatay mo para makahuthot ng pera sa akin?” tanong nito na ikinalaki ng mata niya, “Hindi ka ba man lang nakokonsensya sa ginagawa mo? Matagal nang wala ang tatay mo pero hanggang ngayon, kumikita ka sa pagkawala niya,” sambit pa nito na ikinatigil niya.

“Pa-pasensya na, gu-gusto ko naman talagang sabihin sa’yo, eh,” wika niya habang mangiyakngiyak.

“Kung hindi pa ako magtatanong sa ospital, baka habang-buhay mong itatago sa akin ang katotohanan at magpapakasasa ka sa perang pinaghihirapan ko para sa tatay mo!” sigaw nito dahilan para pagtinginan na sila ng mga tao roon.

“Pasensya na,” iyak niya ngunit imbis na kausapin, nilayasan lamang siya nito.

Agad niya itong sinundan sa bahay nito at pagkarating niya roon, nasa labas na ang mga iniwan niyang gamit doon.

“Anong ibig sasabihin nito?” tanong niya habang mangiyakngiyak.

“Tapos na tayo! Ayokong mabuhay kasama ang isang taong manloloko na, mukha pang pera!” sigaw nito saka siya pinagsarhan ng pintuan.

Wala siyang ibang magawa nang mga oras na iyon kung hindi ang maiyak dahil sa mali niyang ginawa.

Nais man niyang itama ang lahat, hindi niya alam kung papaano dahil nasira na niya ang tiwala ng binata at higit sa lahat, ginamit niya pa ang tatay niya sa kasakiman.

Simula noon, naging miserable ang buhay niya. Ni hindi niya alam kung sino’ng tatawagin sa mga oras na nahihirapan siya, hindi katulad dati na palaging handang umagapay ang binatang mahal na mahal siya.

Advertisement