
Sinisigaw-sigawan ng Dalaga ang Ulyaning Lola at Hiniling Pang Sana’y Mawala na Ito; Nanghina Siya nang Iyon ay Magkatotoo
“Hija, nasaan ba ‘yong suklay ko? Kanina ko pa hinahanap, eh, hanggang ngayon hindi ko pa makita,” daing ni Lola Pasing sa kaniyang apo, isang umaga pagkatapos siya nitong paliguan at bihisan.
“Hawak niyo na po ang suklay na hinahanap niyo, lola!” sigaw ni Yasmin sa matanda habang panay sa pagkusot ng panloob nito.
“Anong hawak? Kanina ko pa ‘yon hinahanap!” sagot nito sa kaniya na ikinainis niya.
“Tingnan niyo kasi ‘yong kamay niyo, lola! Nasa kamay niyo nga sabi, eh!” bulyaw niya rito habang itinuturo ang suklay na nasa kamay nito.
“Ay, oo nga, ‘no? Salamat, hija!” patawa-tawa nitong sambit, “Halika nga, suklayan mo ako,” utos pa nito na lalo niyang ikinainis.
“Hindi mo ba nakikitang nilalabhan ko ang dinumihan mong panloob? Magsuklay ka na mag-isa mo!” sigaw niya habang padabog nang naglalaba.
“Hoy, huwag mo akong pagbintangan, ha! Hindi ako bata para dumumi sa panloob ko!” sambit nito na ikinabuntong-hininga niya.
“Diyos ko, lola! Nakakainis na ‘yang pagkaulyanin mo!” malakas niyang sambit dito.
“Ano ‘yong ulyanin?” tanong nito.
“Ewan! Kapag sinundo ka na ni San Pedro, sumama ka na agad, ha? Para makapag-asawa na ako! Suko na ako sa pag-aalaga sa’yo!” bulyaw niya pa saka agad itong ibinato ng hawak niyang pansisil.
“Saan niya ako dadalhin?” walang muwang pa nitong tugon na lalo niyang ikinainis.
Mag-isang inaalagaan ng dalagang si Yasmin ang nag-uulyanin na niyang lola. Lingid man sa kagustuhan niya ang alagaan ito dahil marami siyang pangarap na gustong tuparin, wala siyang magawa kung hindi pagsilbihan ito dahil ito rin ang nag-alaga at kumupkop sa kaniya simula pa noong bata siya nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang.
Humingi man siya ng tulong sa iba niyang pinsan, tiyuhin, o kaanak, palaging sinasabi ng mga ito, “Ikaw ang nakinabang sa lakas ni lola dati, kaya dapat ikaw din ang mag-alaga sa kaniya ngayon,” na talaga nga namang labis niyang ikinagalit.
Araw-araw niya itong pinapakain, nililiguan, nilalabhan ang damit, at marami pang pagsisilbing kung dati siya ang nakakatamasa. Kitang-kita man sa ginagawa niyang labag ito sa kagustuhan niya dahil madalas niyang nasisigawan at napagbubuhatan ng kamay ang matanda, patuloy niya pa rin itong ginagawa. Nananalangin na lang siyang kunin na ito ng Maykapal upang magawa na niya ang gusto niya bilang isang dalaga.
Noong araw na ‘yon, nang hindi na niya kausapin ang matanda, tahimik lang siya nitong pinagmamasdan na maglaba. Ngunit maya maya, habang abala siya sa pagsasampay, nakarinig na lang siya nang malakas na galabog sa loob ng kanilang bahay.
“Ano na naman kayang ginawa ng matandang ‘to?” inis niyang sambit saka agad-agad na pumasok sa kanilang bahay at ganoon na lang siya nagulantang nang makitang nakahiga na ito sa sahig at may dugo na sa ulo. “Tulong! Ang lola ko!” sigaw niya sa kanilang mga kapitbahay.
Naging mabilis ang mga pangyayari dahil pagdating nila sa ospital, agad nang idineklara ng doktor na wala na ito.
“Baka naman po mare-revive pa ang lola ko!” iyak niya ngunit tumungo lang ang naturang doktor at humingi ng tawad sa kaniya na labis niyang ikinaiyak.
Hindi niya lubos maisip na kaagad na sinunod ng kaniyang lola ang utos niyang sumama na kay San Pedro. Lahat ng mga sinabi at inasal niya nang araw na iyon sa matanda ay sobra niyang pinagsisihan.
At dahil wala naman siyang kapangyarihang buhayin ito at bumawi sa lahat nang masasamang bagay na ginawa niya rito, pilit niya na lamang tinanggap ang nangyari at ninamnam ang sakit na nararamdaman.
Nang mailibing ang kaniyang lola, agad niyang nilinis ang silid nito upang ibaon sa lupa ang mga gamit nitong hindi na mapapakinabangan.
Naagaw ng isang kulay rosas na kahon ang atensyon niya.
“Parang ngayon ko lang ito nakita, ha?” sambit niya saka binuksan ang naturang kahon at halos lumuwa ang mata niya nang makitang mga titulo ng lupa, tseke, at mga alahas ang laman nito.
Lahat iyon ay nasa ilalim ng kaniyang pangalan. May maliit pang sulat ang nakaipit doon na nagsasabing, “Para ito sa paborito kong apong si Yasmin. Salamat sa pag-aalaga sa akin, mahal na mahal kita!” dahilan upang agad na dumaloy sa mga mata niya ang luha bunsod ng pagsisisi.
“Kung magagamit ko lang ang mga ari-arian at perang ito upang maibalik ang buhay mo, gagawin ko. Patawarin mo ako, lola! Sana pala, sinulit ko ang mga araw na kasama kita!” hagulgol niya habang yakap-yakap ang larawan nito.
Ilang buwan ang kinailangan niya upang makausad sa pagkawala ng kaniyang lola at nang masiguro niyang ayos na siya, nagpatayo siya ng negosyo gamit ang perang minana niya at ito ay ipinangalan niya kay Lola Pasing.
Sa ganoong paraan, pakiramdam niya’y kasama pa rin niya ang matandang simula noon pa man ay mahal na mahal na siya.