Inday TrendingInday Trending
Ginagawang Katatawanan ng May-Ari ng Kantina ang Pag-Alulong ng Aso; Ikakabigla ng Lahat ang Nangyari sa Kaniya

Ginagawang Katatawanan ng May-Ari ng Kantina ang Pag-Alulong ng Aso; Ikakabigla ng Lahat ang Nangyari sa Kaniya

“Anak, bakit ngayon ka lang? Kanina pa kita hinahanap. May mga kailangan kasi akong bilhing gamot sa ibaba. Ikaw na muna ang magbantay sa nanay mo,” saad ni Oscar sa kaniyang anak na si Joy.

“Galing lang po ako sa canteen sa tapat nitong ospital, ‘tay. Humiling kasi itong si nanay ng sopas kaya bumili muna po ako. Ang dami po talagang tao kasi,” tugon naman ng dalaga.

“O siya, ikaw na muna ang bahala dito. Sige at pakainin mo lang ang nanay mo. Mabuti at nagkaroon naman ng ganang kumain. Kailangan niya iyan para magkaroon siya ng lakas,” sambit pa ng ginoo saka umalis upang bumili ng gamot ng misis.

Bandang tanghalian ay sabay nang kumain ang mag-ama sa kantina sa tapat ng ospital.

“Ang dami talagang tao dito sa canteen na ito. Kahit na ubod nang laki ay napupuno pa rin!” saad ni Joy sa ama.

“Sa palagay ko ay mayaman na ang may-ari nito! Siya lang ang kantina na malapit dito sa ospital. Talagang dito magsisikainan ang mga tao. Saka mura pa ang kanilang mga bilihin,” sambit pa ng ama.

“Oo nga po, kaso ang tagal ng kailangan mong hintayin para makakain. Gutom na gutom na po ako,” wika pa ni Joy.

Mag-iisang buwan na kasi sa ospital ang ina ni Joy dahil sa malubhang karamdaman. Nag-isang anak ang dalaga kaya siya lamang talaga ang maaasahan ng kaniyang ama na kapalitan sa pag-aalaga sa inang may sakit.

Sa tuwing nagbabantay ang mag-ama sa ilaw ng tahanan ay nakagawian na nilang kumain sa isang kantina sa tapat ng ospital. Mura kasi dito at sadyang malapit sa ospital. Kung kinakailangan ay madali lang silang makakabalik.

Nang tanghali ding iyon ay nakita mismo ng mag-ama ang may-ari ng kantina. Ibinabalandra nito ang kaniyang makakapal na alahas na ginto. Wala siyang ginawa kung hindi ipagmalaki ang yaman niya na galing sa kantinang iyon.

Halatang-halata sa may-ari ng kantina ang kagaspangan ng kaniyang ugali.

Habang kumakain sina Mang Oscar at Joy ay may biglang umalululong na aso.

“Ang sabi nila kapag may umalulong daw na aso ay ibig sabihin ay may nasawi na naman! Sino kaya sa mga pasyente n’yo ang sumalangit na?” natatawang sambit ng may-ari ng kantina na si Mang Rigor.

Sa sinabing ito ni Rigor ay napayuko ang lahat ng mga nagsisikain sa kantina. Lahat nga naman ay pawang may pasyente sa nasabing ospital.

“Tingnan niyo at mamaya-maya lang ay may ilalabas na naman diyang yumao! Makakarinig na naman tayo ng mga humahagulgol! Bakit kasi hindi na lang nila tanggapin na doon na rin naman ang patungo ang mga nakaratay diyan?!” tatawa-tawang sambit ng ginoo.

Dahil sa pinaghalong kaba at inis na nararamdaman ni Joy ay hindi na siya nakapagpigil pa at sinagot niya ang may-ari.

“Ganiyan po ba talaga kasama ang ugali n’yo? Hindi niyo alam kung gaano kami nag-aalala sa mga kamag-anak naming pasyente sa loob! P’wede bang tigilan n’yo na ang pagsasalita n’yo nang ganiyan?” bulyaw ni Joy sa may-ari.

“Hoy, babae! Kung ayaw mong marinig ang mga sinasabi ko ay sa ibang kantina ka kumain! Sinasabi ko lang naman ang totoo. Totoo naman kasi ang kasabihan. Sa tuwing umaalulong ang aso ay may nasasawi sa ospital na iyan!” sambit naman ni Mang Rigor.

Dahil hindi tumitigil sa pakikipagtalo ang dalaga sa may-ari ng kantina ay inawat na ito ng amang si Oscar.

“Tama na, Joy. Baka mamaya ay hindi na nila tayo payagan na kumain dito. Ito lang ang pinakamalapit at murang kainan sa lugar na ito. Malaki ang naitutulong nito sa atin,” saad naman ng ama.

“Kaya hahayaan n’yo na lang ang mga masasama niyang sinasabi? Lahat tayo ay may pasyente sa ospital na iyan. At lahat tayo ay umaasa na sila ay gumaling! Wala akong pakialam kung sa malayo pa ako makakabili ng pagkain. Basta hindi na ako babalik dito sapagkat magaspang ang ugali ng may-ari!” saad naman ni Joy kay Mang Oscar.

“Kung kayo kaya ang may pasyente riyan sa loob ng ospital at ganiyan ang sabihin namin? Ikakatuwa mo ba? Hindi lang pala kayo hambog, wala rin kayong puso!” dagdag pa ni Joy sa may-ari ng kantina sabay dabog at talikod dito.

Lalong nag-init ang ulo ng may-ari ng kantina.

“Sino kaya sa amin ang hambog?! Kayo?! May gusto pang hindi kumain dito sa kantina? Aba’y malaya kayong makakaalis dahil hindi ko naman kayo kailangan. Marami ang gustong kumain dito!” bulyaw ni Rigor.

Hindi na napigilan pa ni Mang Oscar ang anak sa pag-alis kaya mabilis itong nagbayad at agad na sinundan ang anak.

“Ikaw naman, bakit ka pa nakipagtalo sa may-ari ng kantina? Ngayon tuloy ay hindi na tayo makakakain doon. Kay layo ng susunod na kantina. Wala pa namang masasakyan papunta roon. Kailangan nating lakarin,” wika pa ni Oscar.

“Ayoko na muling maririnig ang sasabihin ng may-ari ng kantina na iyon. Akala mo siya ay Diyos. Kung pagtawanan niya ang sinasapit ng mga tao dito sa ospital!” muling pahayag ng dalaga.

Araw-araw ay naglalakad si Joy ng malayo para bumili ng makakain nila. At sa tuwing nakikita siya ni Rigor ay pinagtatawanan siya.

“Pagpunta mo sa kabilang kantina ay gutom na gutom ka na, pagbalik mo sa ospital ay gutom ka pa rin dahil sa tagal ng paglalakad mo!” kantiyaw ng may-ari kay Joy.

Ngunit hindi ito ininda ng dalaga. Mas mainam pang mahirapan siya kaysa bumalik siya sa kantinang iyon.

Ilang araw ang nakalipas at hindi na natatanaw ni Joy ang may-ari ng kantina. Nagtataka siya sapagkat palagi itong nasa tapat ng kaniyang kantina.

Hanggang isang araw, habang binabantayan ni Joy ang ina ay may narinig siyang umaalulong na aso. Naalala niya ang sinabi ng may-ari ng kantina. Tumingin siya sa labas ng bintana at doon nga ay nakita niya na may inilalabas na yumao mula sa ospital. Biglang kinilabutan itong si Joy.

Paglabas niya bandang tanghali ay nakita niyang sarado na ang naturang kantina. Sa loob ng ilang buwan ay ngayon lang niya nakitang nagsarado ito. Tinanong niya ang isang aleng nagtatrabaho doon.

“Ate, bakit sarado ata itong kantina. Hindi ba, bukas kayo ng bente kwatro oras?” pagtataka ni Joy.

“Naku, tila hindi na ata magbubukas ang kantinang ito. Noong isang araw kasi ay biglang inatake sa puso si Mang Rigor. Diyan nga sa ospital na ‘yan siya dinala upang gamutin. Ngunit kani-kanina lamang ay tuluyan na siyang nagpaalam. Parang karma na rin siguro sa amo ko, dahil wala siyang ginawa kung hindi hintayin at gawing katatawanan ang lalabas na nasawi sa ospital tuwing may umaalulong na aso,” paliwanag ng ale.

Hindi maipaliwanag ni Joy ang kaniyang mararamdaman. Hindi niya maiwasan na kilabutan at malungkot dahil sa nangyari. Narinig kasi niya ang malakas na alulong na ito ng aso. Hindi niya inaasahan na ang ilalabas palang b*ngkay sa ospital ay walang iba kung hindi ang katawan ni Mang Rigor.

Bandang huli, gumaling ang ina ni Joy at tuluyan na nila itong iniuwi sa bahay. Hanggang ngayon ay hindi pa rin makalimutan ng dalaga ang kaniyang karanasan sa ospital na iyon.

Advertisement