Inday TrendingInday Trending
Nais nang Sitahin ng Matanda ang Lalaki sa Restawran na Balik nang Balik sa Kanilang Mesa; Hindi Nila Akalain ang Mabuting Gawaing Hatid Nito

Nais nang Sitahin ng Matanda ang Lalaki sa Restawran na Balik nang Balik sa Kanilang Mesa; Hindi Nila Akalain ang Mabuting Gawaing Hatid Nito

Walang mapaglagyan ang galak ni Rudy nang sorpresahin siya ng mga katrabaho dahil sa wakas ay nakuha na rin niya ang promosyon na matagal na niyang inaasam. Agad niyang tinawagan ang kaniyang asawang si Anne upang ibahagi ang magandang balitang ito.

“Totoo ba ang sinasabi mo, Rudy? Binabati kita! Sa wakas ay nagbunga na rin ang lahat ng pagod mo!” hindi mapigil ni Anna ang kilig nang banggitin sa kaniya ng mister ang tungkol sa promosyon.

“Mag-ayos na kayo ng mga bata. Mamaya ay susunduin ko kayo diyan para sa labas tayo maghapunan. Sabihan mo na rin ang mga magulang mo. Iimbitahin ko rin sina mama at papa at mga kapatid ko. Kailangan ay i-celebrate natin ang masayang araw na ito!” saad pa ni Rudy.

Nagmamadaling umuwi ng bahay itong si Rudy pagkatapos ng trabaho. Sinalubong siya ng kaniyang mag-anak ng isang mahigpit na yakap.

“Ang galing mo talaga, Daddy! Sabi ko po sa inyo ay makukuha n’yo ang promotion!” saad ng bunsong anak na si Sean.

“Iba talaga ang Daddy n’yo mga anak. Kapag meron siyang pangarap, ginaawa niya ang lahat para matupad iyon. Ikaw naman, Rudy, hindi porket Vice President ka na ng kompanya n’yo ay lalaki na ng ulo mo, ha. Hindi ako makapaniwala na mula sa isang hamak na klerk ay narating mo na ngayon ang gusto mo,” sambit naman ni Anna.

“Kahit na ako po ang magmay-ari ng kompanya ay hindi ako magbabago. Alam mo naman ‘yan kaya nga nabihag ko ang mailap mong puso,” kantiyaw ni Rudy sa misis.

“Naku, puro ka talaga kalokohan. Tara na nga at baka nasa restawran na ang mga kamag-anak natin. Sigurado akong hindi na rin sila makapaghintay sa ibabalita mo,” dagdag pa ni Anna.

Laking tuwa ni Rudy nang makitang naroon ang kaniyang mga magulang, kapatid, at biyenan.

Bago magkainan ay ibinalita na ni Rudy sa mga ito ang natanggap niyang promosyon. Maging ang mga ito ay natuwa sa magandang balita.

“E, ‘di kuya, tataas din ang sahod mo niyan? Mapapagawa mo na ‘yung bahay na gusto mo! Mabibili mo na rin ang kotse na pinapangarap mo!” sambit naman ng kapatid ni Rudy.

“Naku, pag-iipunan pa rin ‘yan! Pero mas masaya ako dahil magiging reyalidad na ang pag-abot ko sa mga pangarap na iyan. Uunahin ko pa rin siyempre ang pag-aaral nitong mga anak ko,” sagot naman ni Rudy.

Habang masayang nagdidiwang ang mag-anak ay may isang lalaki mula sa kabilang mesa ang lumapit sa kanila at kinausap nito ang batang anak ni Rudy.

“Nakakatuwa naman itong batang ito. Mukhang napakabibo,” sambit ng lalaki kay Sean.

Agad na lumapit naman si Rudy upang siguraduhin ang kaligtasan ng anak.

“Maraming salamat po. Totoo po ‘yang sinasabi niyo,” saad naman ni Rudy.

“Kanina ko pa nga siya pinagmamasdan. Ilang taon na ba ang batang ito?” tanong muli ng ginoo.

“Mag-aapat na taong gulang pa lamang po. Pero napakatatas na!” muling sagot ni Rudy.

Hinawakan ng lalaki ang ulo ni Sean habang mababanaad ang ngiti nito. At saka siya bumalik sa kaniyang inuupuan.

Ngunit ilang sandali pa ay muli itong bumalik sa mesa ng mag-anak upang kalaruin ang bata.

Dahil dito ay naiirita na ng husto ang magulang ni Rudy.

“Sabihin mo nga sa lalaking ‘yun ay tigilan na ang pakikipaglaro sa apo ko! Ikaw naman kasi, Rudy, hinayaan mo!” sita ng amang si Rodolfo.

“Pabayaan n’yo na, ‘tay, baka natutuwa lang talaga sa bata. Saka mukhang maayos naman ang ginoo,” tugon ni Rudy sa ama.

“Baka mamaya may tinatangka nang gawin ‘yan sa anak mo! Ilayo mo na si Sean at sabihin mo sa lalaki na nakakaistorbo na siya sa atin! Kung naiinip siya ay ayain niya rin ang kaniyang pamilya na kumain kasama niya!” bwelta pa ng matanda.

Ngunit hindi ito sinunod ni Rudy. Hinayaan lang niya ang ginoo na lapit-lapitan ang anak na si Sean. Halata kasi sa lalaki na tuwang-tuwa sa pagkabibo ng kaniyang anak. Ngunit hindi pa rin ito nagugustuhan ng amang si Rodolfo.

“Isang balik pa niyan rito, Rudy, at hindi mo sitahin, ay ako na ang sisita sa kaniya!” pabulong ngunit naiinis nang sambit ng ama ni Rudy.

Pilit na pinipigil ni Rudy ang ama.

“Hayaan n’yo na, ‘tay, at aalis naman na siya. Ako na po ang bahala,” saad pa ng ginoo.

Maya-maya ay lumakad na nga ang lalaki palabas ng naturang restawran.

Maging ang pamilya nina Rudy at Anna ay tapos na rin sa kanilang pagkain. Tinawag ni Rudy ang waiter upang hingin ang bill ng lahat ng kanilang nakain.

“Sir, wala na po kayong babayaran. Bayad na po ang lahat ng nakain n’yo,” saad ng waiter.

“P-pero paanong nangyari? Hindi pa naman ako nagbabayad?” pagtataka ni Rudy sabay tanong sa kaniyang mga kamag-anak.

Maging sila ay nagtataka sa pangyayaring ito.

“Sir, sagot na daw po ng boss ko ang lahat ng nakain n’yo. Marami pong salamat at balik po sila sa susunod,” saad muli ng waiter.

“Sandali, sino ba ang boss mo?” tanong pa ni Rudy.

“‘Yung lalaki pong balik nang balik sa inyo dahil natutuwa sa inyong anak, siya po ang may-ari ng restawran na ito. Sabi niya po ay sagot na daw niya ang lahat ng nakain n’yo. Talagang mabait ang amo naming ‘yun. Hindi po ito ang unang pagkakataon na ginawa niya ito,” pahayag pa ng waiter.

Labis na nagulat ang pamilya sa sinabi ng waiter. Lalo na ang ama ni Rudy. Hindi kasi nila akalain na ito pala ang may-ari. Muntik pa itong awayin ni Mang Rodolfo.

“Pakisabi sa boss mo, maraming maraming salamat! Napakalaking halaga ng sampung libong piso na nakain namin. Pagpalain pa nawa siya at ang restawran na ito,” sambit ni Rudy.

“Siya nga po pala, sir, muntik ko na pong makalimutan. Pinapasabi po ng amo ko na binabati niya raw po kayo sa inyong promotion. Napakaganda raw po ng pamilya ninyo at sana isang araw ay maibalik n’yo ang kabutihang ito sa ibang tao,” saad pa ng waiter.

Isang matamis na ngiti ang isinagot ni Rudy.

“Sinisigurado ko sa iyo na hindi dito matatapos ang mabuting gawaing ito,” saad ni Rudy na puno ng pasasalamat sa kaniyang puso.

Advertisement