
Ipinahiya at Ginawan ng Kwento ng Binata ang Dating Nobya Upang Ito ay Siraan; Sa Dulo’y Binulaga Tuloy Siya ng Karma
Matiyagang naghihintay si Elsa sa paglabas ni Jimmy sa labas ng isang gusali sa unibersidad. Makalipas kasi ng apat na taon ay nakapagdesisyon na si Elsa na tuluyan nang makipaghiwalay sa binata. Kinakabahan man at may halong lungkot ay nais nang makawala ni Elsa sa nakakasakal na nilang relasyon ni Jimmy.
Nang matanaw ni Jimmy ang kasintahan na naghihintay sa kaniya ay sinalubong niya agad ito ng simangot na mukha.
“Hindi ba sinabi ko sa iyo na huwag mo akong hihintayin dito? Baka akalain ng mga kaibigan ko na binabakuran mo ako!” inis na sambit ng binata.
“Jimmy, nagpunta lang ako dito para kausapin ka. Itigil na natin ang relasyon na ito. Wala naman na ring masaya sa ating dalawa kahit ipagpatuloy pa natin ito! Nasasakal na rin ako sa iyo. Nasabi ko na rin ang desisyon kong ito sa pamilya ko at sa mga magulang mo,” saad ni Elsa sa nobyo.
“Ang lakas naman ng loob mong sabihin sa akin ‘yan! Ano’ng akala mo? Basta mo na lang akong ibabasura? Kung gusto mo ng hiwalayan ay ibibigay ko sa iyo! Saka para lang sa kaalaman mo, matagal ko nang gustong makipaghiwalay talaga sa iyo. Naaawa lang ako sa’yo at hindi ko rin naman alam kung paano sasabihin sa mga magulang mo. Mabuti na lang at ginawan mo ako ng pabor! O siya, kung hiwalay na tayo ay maiwan na kita riyan! Kailangan naming ipagdiwang ng barkada ang pagiging malaya ko!” saad pa ni Jimmy.
Labis na kalungkutan at sama ng loob ang naramdaman ni Elsa. Hindi kasi ito ang inaasahan niya. Ngunit sa isang banda ay nakahinga na siya nang maluwag dahil sa wakas ay nakalaya na siya sa kanilang relasyon.
Ngunit ito pala ay akala lamang niya. Kinabukasan ay kalat na sa unibersidad ang paghihiwalay ng magkasintahan. Laking gulat din ni Elsa nang malaman na si Jimmy daw ang nang-iwan sa kaniya at naghahabol pa raw ang dalaga.
“Ang kapal talaga ng mukha niyang si Jimmy! Ang sabi pa sa mga barkada niya kaya raw hinihintay mo siya kahapon na lumabas ng gusali ay dahil sa nakikipag-ayos ka. Hinahabol mo raw siya para ayusin ang relasyon n’yo! Napakahambog talaga!” saad ni Kathleen, matalik na kaibigan ni Elsa.
Ngunit wala man lamang tugon ang dalaga. Pinagpatuloy lamang nito ang pagbabasa ng kanilang aralin.
“Wala ka man lang bang gagawin, Elsa? Niyuyurakan ni Jimmy ang pagkatao mo! Pinapahiya ka niya sa buong unibersidad! Ang akala tuloy ng marami ay talagang naghahabol ka. Lumaban ka naman!” dagdag pa ng kaibigan.
“Pabayaan mo na ‘yang si Jimmy, Kath. Hindi na siya parte ng buhay ko. At kung gusto niyang gawan ako ng istorya ay siya na ang bahala. Alam ko naman sa sarili ko kung ano ang totoo. Kung ikakadagdag ng pagkalalaki niya ang ginagawa niya ay bahala siya. Basta ako, mag-aaral na lang ako dahil malapit na ang final exams. Kailangan kong makuha ang iskolarsyip, Kath, gusto kong magpatuloy sa pagdodoktor,” pahayag naman ni Elsa.
Napapailing na lamang ang kaibigan dahil sa desisyong ito ni Elsa. Kung si Kathleen kasi ang tatanungin ay kating kati na itong sugurin si Jimmy at linisin ang pangalan ng kaniyang kaibigan. Ngunit alam niyang magagalit si Elsa sa kaniya kapag ginawa niya ito.
Lumipas ang mga araw at talagang kalat na sa buong unibersidad ang balita. Marami na ring gawa-gawang kwento ang nakarating kay Elsa.
“Nabuntis ka raw kaya ka naghahabol. Baka nga raw pinalaglag mo na ang bata dahil hindi ka pinanagutan niyang si Jimmy. Ibang klase talaga ang mga tao, ano? Gagawin ang lahat para sirain ka lang. Ikaw naman, kaya hindi mahinto ang lahat ng ito ay dahil ayaw mo silang labanan. Hanggang kailan ka ba mananatiling tikom sa lahat ng ito, Elsa?” tanong ni Kathleen.
“Wala akong dapat ipaliwanag sa kanila, Kath. Isipin nila ang gusto nilang isipin sa akin. Ang ayaw ko lang ay baka maapektuhan ang standing ko dito sa eskwela. May araw din ‘yang si Jimmy. Karma na ang bahala sa kaniya,” saad pa ng dalaga.
Lumipas ang ilang ilang buwan at halata kay Elsa na naka-move-on na ito mula kay Jimmy. Habang si Jimmy naman ay hindi na nagpapapasok sa eskwela. Walang ginawa ito kung hindi maglustay ng pera sa alak at babae. Ngunit hindi pa rin niya makuha ang tunay na kaligayahan na hinahanap.
Hanggang sa isang araw ay napagtanto niyang ang malaking kakulangan pala sa kaniyang pagkatao ay ang pag-ibig ni Elsa. Hinahanap-hanap niya ang pag-aalaga nito sa kaniya. Pinagsisisihan niya ang lahat ng maling nagawa sa dating kasintahan.
“Kailangan kong mapa-ibig si Elsa muli. Kung hihingi ako ng kapatawaran at aakuin ang lahat ng kasalanan ay tiyak kong mapapatawad niya ako at makikipagbalikan siya sa akin,” saad ni Jimmy sa kaibigang si Arthur.
“Paano mo pa ‘yun magagawa, Jim? Sa isang araw na ang pagtatapos ng klase. Wala ka nang magagawa pa. Hindi mo na malilinis ang pangalan ni Elsa,” sambit naman ng kaibigan.
“Pupunta ako sa graduation ceremony niya. Pahiramin mo ako ng toga. Magpapanggap ako na magtatapos din. Bibili ako ng singsing at sa harap ng maraming tao ay sasabihin kong nagsisisi na ako at yayayain ko na siyang magpakasal,” wika naman ni Jimmy.
“Tamang-tama at ang balita kasi ay gagawaran daw si Elsa ng pinakamataas ng pagkilala. Walang babae ang makakahindi sa gagawin mo, pare!” saad pa ni Arthur.
Handang handa na ang plano ni Jimmy. Bumili na siya ng mamahaling singsing na kaniyang ibibigay kay Elsa sa araw ng pagtatapos nito.
Nang dumating ang araw na iyon ay isinakatuparan na ni Jimmy ang lahat ng plano.
“Naroon si Elsa kasama ang kaniyang mga magulang. Dalian mo, Jimmy, at puntahan mo na siya,” saad ni Arthur sa kaibigan.
Agad na nilapitan ni Jimmy ang dating kasintahan upang gawin ang kaniyang sorpresa. Ngunit tila siya ang nasorpresa nang makita niya si Elsa na hawak ang kamay ng isang lalaki.
Halata sa dalawa na masaya sila. Nang lumapit si Jimmy sa dalawa ay agad na umiwas si Elsa.
“Ayaw ko ng gulo, Jimmy. Huwag mong sirain ang araw na ito,” saad ng dalaga sa dating nobyo.
“S-sino ang lalaking ito, Elsa? Talaga bang ipinagpalit mo na ako?” naiiyak na sambit naman ni Jimmy.
“Ito nga pala si Noah. Siya ang bago kong kasintahan. Tulad ng nais ko ay nag-aaral din siya para maging isang ganap na doktor. Alam mo nang dahil sa ginawa mo sa akin ay napatunayan kong tunay ang pag-ibig niya. Kahit kasi ang dami niyang nababalitaang masama tungkol sa akin ay hindi niya iyon pinakinggan. Pinagkatiwalaan niya ang nararamdaman niya para sa akin. Maraming salamat sa’yo dahil kung hindi dahil sa nagawa mo ay hindi ko matatagpuan ang lalaking makakasama ko habambuhay,” saad pa ni Elsa.
Parang gumuho ang mundo nitong si Jimmy dahil sa sinabing ito ni Elsa. Hindi siya makapaniwala na huli na pala ang lahat para sa isa pang pagkakataon. Labis ang pagsisisi ni Jimmy dahil nagawa niyang pakawalan ang isang babaeng tulad ni Elsa. Buong buhay niyang dadalhin ang panghihinayang na ito.
Samantala, walang pagsidlan ng kaligayahan itong si Elsa nang araw na iyon. Bukod kasi sa parangal na kaniyang matatanggap ay nakuha niya rin ang iskolarsyip na kaniyang inaasam.
Ngayon ay unti-unti na niyang matutupad ang pangarap niya na maging isang doktor. Lalo na at alam niyang sa hinaharap ay may makakatuwang siyang tunay na nagmamahal sa kaniya.