Inday TrendingInday Trending
Susukuan na Sana ng Panganay na Kapatid ang Paghahanap sa Bunso; Isang Taong Grasa ang Magbibigay sa Kaniya ng Pag-Asa

Susukuan na Sana ng Panganay na Kapatid ang Paghahanap sa Bunso; Isang Taong Grasa ang Magbibigay sa Kaniya ng Pag-Asa

Hanggang ngayon ay sinisisi pa rin ni Gemma ang kaniyang sarili sa pagkawala ng kanilang bunso na si Arnold.

Tandang tanda pa ni Gemma nang pabantayan sa kaniya ng kaniyang ina ang nakababatang kapatid. Ngunit naalala niyang bigla na may inuutos sa kaniya ang tiyahin na bilhin sa palengkeng malapit sa kanila. Ang hindi alam ni Gemma ay hindi pala binantayan ng tiyahin ang kaniyang nakababatang kapatid. Simula noon ay hindi na nila nakita pang muli si Arnold.

Mahigit dalawang dekada na ang nakakalipas at marami na ang nangyari. Sa halos araw-araw na paghahanap ay napagod na ang ilang miyembro ng pamilya at sumuko na.

“Sa tingin n’yo ba ay buhay pa siya ngayon? Ilang taon na rin ang nasayang sa buhay natin sa paghahanap lang kay Arnold. Kung hindi sana siya pinabayaan ni Ate Gemma’y nandito pa sana siya,” saad ni Belinda, nakababatang kapatid ni Gemma.

“Tigilan mo na ang paninisi sa ate mo, Belinda! Hindi niya gusto ang nangyari! Saka wala namang pumipilit sa iyo na maghanap. Kami na ang bahala ng ate mo! Gawin mo kung ano ang gusto mong gawin sa buhay!” sambit naman ni Lorna, ang ina ng magkakapatid.

“Ang sa akin lang, ‘nay, kailangan n’yo ring mabuhay. Tanggapin n’yo na lang ni Ate Gemma na wala na si Arnold at hindi na siya matatagpuan! Marami na tayong nasayang na oras at pera. Ang dami na nating nagalugad na lugar at ang dami na nating nakausap. Pero wala pa rin si Arnold! Hindi pa ba kayo susuko?” sambit muli ng anak.

“Tama na ‘yan, Belinda. Hindi mo dapat sinasagot nang ganyan si nanay. Kapatid natin si Arnold at hindi ako matatahimik hangga’t hindi natin siya nakikita. Oo, kasalanan ko ang lahat ng ito. Pero, Belinda, kung ikaw ang nawala ay hahanapin ka rin namin hanggang makita ka namin,” naluluhang wika naman ni Gemma.

Nagpatuloy ang paghahanap ni Gemma at Lorna kay Arnold.

“Minsan, anak, nawawalan na rin ako ng pag-asa na isang araw ay makakasama pa natin si Arnold. Dalawang dekada na rin ang nakalipas at sigurado akong iba na ang itsura ng kapatid mo. Baka nga may sarili na siyang pamilya. Sana’y isang araw ay bigla niya tayong maalala at muli siyang magbalik,” saad pa ni Lorna.

“Patawarin n’yo ako, ‘nay. Ako talaga ang may kasalanan ng lahat ng ito. Dapat ay hindi na kayo napapagod pa sa paghahanap kay Arnold dahil nagkaka-edad na rin po kayo. Ako na po ang bahala sa lahat, ‘nay. Hindi ako titigil na mag-isip ng paraan para matunton natin kung nasaan talaga si Arnold,” wika naman ni Gemma.

Kahit nakakaramdam na ng pagod ang pamilya ni Gemma, buong lakas pa rin niyang hinahanap ang kapatid.

Samantala, nakakaramdaman na rin ng habag itong si Lorna para kay Gemma. Bukod kasi sa sinisisi pa rin nito ang kaniyang sarili ay naaawa siya sa panganay na anak dahil sa kalagayan nito sa buhay. Hindi na ito nakapag-asawa pa. Ang lahat ng kaniyang ipon ay nagagastos niya sa paghahanap sa nawawalang kapatid.

Kaya naisipan ni Aling Lorna na kausapin na ang anak.

“Tanggap ko na, Gemma. Tanggap ko nang hindi na natin makikita pa si Arnold. Kung talagang narito pa siya sa mundo ay dapat nakita na natin siya. Tigilan mo nang sisihin ang sarili mo. Tama ang kapatid mong si Belinda. Panahon na para pagtuunan mo ng pansin ang iyong sarili. Mag-ipon ka, maghanap ka ng nobyo, mag-asawa at magkaroon ng pamilya. Sapat na ang dusa mo sa dalawang dekada ng paghahanap kay Arnold. Tama na, anak,” naluluhang pahayag ng ina.

Kahit na pigilan pa si Gemma ng kaniyang ina ay hindi pa rin siya tumigil sa paghahanap sa kapatid. Hindi na lang niya pinaalam sa ina ang patuloy niyang paghahanap.

Isang araw ay inalok si Gemma ng kaniyang boss para madestino sa probinsya. Nais sana niya itong tanggapin pero iniisip pa rin niya ang paghahanap na ginagawa niya sa nawawalang kapatid.

Tatanggihan sana niya ang alok ng kaniyang boss nang biglang nalaman ito ng inang si Lorna.

“Anak, tanggapin mo na. Panahon na para ipagpatuloy mo ang buhay mo,” sambit ng ina.

Labag man sa kalooban ni Gemma ay tinanggap niya ang alok ng kaniyang boss. At sa huling pagkakataon ay ginalugad niya ang ilang kalsada sa Maynila. Pilit niyang binalikan ang mga yapak kung saan dumaan ang kaniyang bunsong kapatid. Ngunit wala talaga.

“Hindi ko maunawaan kung bakit hindi ka namin mahanap, Arnold. Napakadali mo namang makilala dahil sa malaki mong nunal sa mukha at balat sa tagiliran na hugis puso. Bakit hanggang ngayon ay wala ka pa rin sa piling namin?” Hindi na alam ni Gemma ang gagawin at malapit na rin siyang bumitaw.

Sa pag-alis ni Gemma ay baon niya ang pag-asa na magsimula ng panibagong buhay. Walang araw na hindi niya hiningi ng tawad sa Diyos ang nagawang kasalanan.

Paglapag ng eroplanong sinasakyan ni Gemma ay iba na ang kaniyang naramdaman. Lumabas siya ng paliparan at naghintay ng masasakyan.

Wala pa naman siyang trabaho nang araw na iyon kaya naisipan niyang maglibot muna sa lugar at tingnan ang magandang tanawin. Hanggang sa isang taong grasa ang nakapukaw ng kaniyang pansin.

Hindi alam ni Gemma kung nahihibang na ba siya ngunit kakaiba ang kaniyang nararamdaman sa lalaki. Tila may koneksyon na namamagitan sa kanila. Bigla niyang naalala ang nawawalang kapatid.

“Diyos ko, hindi kaya?” tanging nasabi niya sa sarili.

Dahan-dahan niyang nilapitan ang madungis na lalaki at saka niya ito pinakatitigan. Tulala lamang ito at halatang wala sa sarili. Ngunit kitang kita ni Gemma ang nunal sa mukha nito at ang balat sa tagiliran na hugis puso.

“A-arnold! Kapatid ko! Sa wakas ay natagpuan na rin kita!” napaluhang sambit ni Gemma sabay yakap sa taong grasa.

Humingi ng tulong si Gemma sa mga awtoridad para magkaroon ng pansamantalang tutuluyan si Arnold. Pinaliguan na rin nila ito at binihisan nang maayos. Ibinigay din ang kailangang medikal. Pero hindi pa rin sinasabi ni Gemma sa kaniyang pamilya ang nangyari. Ang nais niya ay mapatunayan pa ang kanilang pagiging magkadugo sa pamamagitan ng DNA testing.

Ilang araw din ang hinintay ni Gemma para sa resulta. At nang dumating na ito ay hindi siya makapaniwala. Ang taong grasa na kaniyang natagpuan ay walang iba kung hindi si Arnold!

Dali-daling nagpasya si Gemma na umuwi ng Maynila kasama ang kapatid at sinorpresa ang kanilang pamilya. Halos mawalan ng malay si Aling Lorna dahil sa wakas ay tapos na ang matagal na paghahanap.

“Narito ka na ngayon, Arnold. Tutulungan ka namin para bumalik sa dati. Hindi ka na namin pababayaan pa!” pagtangis ni Lorna habang hinahagkan ang anak.

Tinapos ng mga yakap na iyon ang matagal nilang pangungulila. Ipinangako ni Gemma sa kaniyang sarili na gagawin naman niya ngayon ang lahat upang mapagamot ang kapatid na si Arnold.

Ipinagamot ng pamilya ang nawalay na kaanak. Doon ay nagkwento si Arnold na noong bata pa siya ay sinundan niya ang kaniyang ate at hinanap ito. Naisipan niyang sumakay ng jeep tulad ng kanilang ginagawa ngunit kung saan-saan na siya napadpad hanggang sa hindi na siya makauwi pa. Hindi na maalala ni Arnold kung paano siya nakarating sa probinsya. Ang tangi niyang natatandaan ay sumakay siya sa isang trak sa pag-aakalang iuuwi ito sa kanila. Ngunit lahat ng iyon ay hindi na mahalaga ngayon, ang tanging mahalaga para sa kanilang lahat ay mabawi ang mapapait na mga taong ‘di sila magkakasama.

Walang mapaglagyan ang kasiyahan ngayon ni Arnold na sa wakas ay nasa piling na siya ng kaniyang pamilya. Maraming panahon man ang kanilang bubunuin, ipinapangako nila sa isa’t isa na kahit kailan ay hindi na sila maghihiwalay pa.

Advertisement