Inday TrendingInday Trending
Isang Estranghero ang Tumulong sa Kaniya sa Oras ng Pangangailangan; Ano ang Dahilan Nito sa Pagtulong?

Isang Estranghero ang Tumulong sa Kaniya sa Oras ng Pangangailangan; Ano ang Dahilan Nito sa Pagtulong?

Pagpatak ng alas kwatro ng umaga, awtomatikong bumukas ang mata ni Gio.

Matapos ang ilang minutong pagpapainit ng sikmura sa mainit sa kape ay handa na siya para sa araw na iyon.

Pupunta siya sa pananderya ni Aling Pacita upang kumuha ng pandesal na ilalako niya. Sa bawat isandaan kasi na mabebenta niya ay mayroon siyang bente pesos.

Kakarampot man ay mapagkakasya niya na ‘yun sa buong maghapon sa eskwelahan. Malaking tulong na rin, kaysa humingi pa siya sa kaniyang nanay.

“Ito, otsenta piraso lang ‘yan. Para mas mabilis kang makaubos,” nakangiting wika ng mabait na matanda bago iniabot sa kaniya ang kahon ng pandesal.

“Salamat po, Aling Pacita!” masiglang bulalas niya bago siya umalis bitbit ang kahon.

Madali naman sanang bumenta ng pandesal sa umaga. Ang kaso, dahil maulan ay walang nakatambay sa labas.

Nahihiya naman si Gio na magtawag sa kaniyang mga suki, dahil ayaw niyang makaabala.

Kaya naman halos tatlumpung minuto na ang lumipas ay ni wala pang nababawas sa paninda niya.

“Ang alat naman yata ng araw na ‘to…” naghihimutok na bulong ng binatilyo.

Maya-maya pa ay unti-unting lumakas ang patak ng ulan, kaya naman wala siyang nagawa kundi ang sumilong sa isang maliit na tindahan.

Nang makita niya ang may-ari ng tindahan ay agad niyang nginitian ito. Paminsan-minsan kasi ay bumibili ito mula sa kaniya.

“Mang Reming, bili na po kayo ng pandesal. Para kayo po ang buena mano ko,” aniya sa matanda.

“Naku, hijo! Pasensya ka na! Nagluto ng sinangag ang asawa ko… masasayang lang kung bibili ako. Sa susunod na,” agarang tanggi nito.

Laglag man ang balikat ay pilit na ngumiti si Gio. Alam niya naman kasi na hindi araw-araw ay swerte at makakaubos.

Kaya naman nang tumila ang ulan ay agad-agad siyang sumige. Nais niya kasi na maibenta ang pandesal hangga’t hindi pa sumisikat ang araw.

Ayaw niyang mahuli sa klase dahil nahihiya na siya sa kaniyang mga guro.

Mabilis ang lakad niya. Ngunit sa kamalas-malasan, dahil sa labis na pagmamadali ay hindi niya na nakita ang lubak sa daan.

Nang matisod siya ay nabitawan niya ang kahon na naglalaman ng pandesal, dahilan upang tumapon ang laman noon.

Dahil katatapos lang ng ulan, nang damputin niya ang mga tinapay ay basa na ang mga iyon. Madumi na rin ang karamihan at hindi na mapapakinabangan.

Nanginginig ang mga kamay ni Gio habang pinapasok ang piraso ng mga tinapay sa kahon. Tumatakbo ang isipan niya.

“Wala na nga akong kita, mag-aabono pa ‘ko. Saan ko naman kukunin ang pang-abono?” pabulong na himutok niya.Dahil sa labis na pagkadismaya ay hindi na namalayan ni Gio na napaluha na pala siya. Bukod kasi sa wala siyang pambayad ay natatakot siya na hindi na siya hahayaan ni Aling Pacita na magbenta ng pandesal.

Ilang sandali na siyang nakatalungko sa kalsada nang isang baritonong boses ang nagsalita.

“‘Wag ka nang umiyak. Bibilhin ko na ‘yan lahat.”

Gulat na nilingon ni Gio ang nagsalita. Hindi niya alam ang pangalan ng lalaki, ngunit nakikita niya rin iyon sa lugar nila.

“P-pero basa na po, saka marumi na,” sumisigok-sigok pang abiso niya sa lalaki.

“Alam ko. Nakita ko. Hayaan mo na, ipapakain ko sa mga aso ko para hindi masayang,” paliwanag nito bago siya inabutan ng dalawang daan.

Tuwang-tuwang kinuha niya ang pera.

“Papabarya lang po ako para masuklian–”

“”Wag na. Sa’yo na ‘yung sukli,” putol nito sa sasabihin niya.

Lalo lang nanlaki ang mata ni Gio sa sinabi ng lalaki.

“Talaga po? Salamat po, Kuya!”

Sa labis na tuwa ay namasa ang mata ni Gio. Hindi niya inakala na bigla na lang may susulpot at tutulong sa kaniya.

Tumango ang lalaki.

“P-pero bakit n’yo po ako tinulungan? Hindi ko naman po kayo suki…” takang usisa niya sa estraghero.

Ngumiti ito.

“Nakikita kita lagi. Bago sumikat ang araw, nagtitinda ka na ng pandesal. Ganoon din ako noon.”

Namilog ang mata ni Gio.

“Nagbebenta rin po kayo ng pandesal?”

Natatawang umiling ito.

“Hindi. Pero marami akong pinasok na trabaho para kumita. Ang tagal kong nagtiyaga para lang makamtan ‘yung buhay na pinangarap ko,” paliwanag ng lalaki.

Ang sumunod na sinabi nito ay labis na tumatak sa kaniya.

“Ikaw, marami ka pang mararanasan na pagsubok. Pero sana ay ‘wag kang hihinto. Kung minsan, panghihinaan ka ng loob, pero bumangon ka ulit. Umiyak ka, pero tumahan ka rin kaagad. Lagi namang may pag-asa, kung minsan, may mga tutulong sa’yo,” mahabang payo pa nito.

Napangiti si Gio.

“Oo nga po. Minsan, may mga tutulong. Kahit mga estranghero na gaya niyo po,” dagdag niya, na ikinangiti na lamang nito.

Nang makaalis ang lalaki ay magaan ang loob ni Gio. May mga araw kasi talaga na halos gusto niya nang sumuko.

Salamat sa mabait na estranghero, muli niyang naalala na habang may buhay ay may pag-asa.

Advertisement