
Inis ang Naramdaman Niya Habang Nakikinig sa Pinag-Uusapan ng mga Tsismosang Kapitbahay; Ito Pala ang Ipinaglalaban Niya
“Asus! Naniniwala kayo d’yan sa balitang may kumakalat na virus! Pakana lamang ‘yan ng gobyerno upang mas pahirapan ang mga tao! Anong mangyayari sa’tin kung tutunganga na lang tayo rito sa bahay? Ayos lang naman sana kung may ayuda silang ibibigay, ang kaso’y nga-nga! Kaya magsi-trabaho kayo at hindi totoo iyang virus, virus na iyan!” mahabang litanya ni Aling Martha, ang kapitbahay nilang wala nang ginawa kung ‘di ang makipag-tsismisan sa lugar nila.
“Kaya nga! Ako rin, Martha, hindi na rin ako naniniwala sa virus na iyan! Minsan pera-pera na lang rin talaga iyan, kagagawan ng gobyerno, para maka-kurakot sa kaban ng bayan!” ani Aling Berna, sang-ayon sa sinabi ng isa.
Sabay-sabay naman na nagsi-sang-ayunan ang dalawa pa nilang kasama sa pakikipag-ututang dila.
Nagsasampay ng damit si Lovi sa tapat mismo ng nag-uumpukang tsismosang kapitbahay kaya hindi niya maiiwasang marinig ang mga pinag-uusapan ng mga ito, kahit ayaw man niyang makinig ay hindi maiiwasan. Malakas din kasi ang boses ng mga ito sa pag-uusap.
Ang mga tao nga naman talaga, sa isip-isip niya. Imbes na maniwala sa mga katotohanan, mas pipiliin pang makinig sa mga tsismis. Iyan ang nangyayari ngayon sa kumakalat na virus sa bansa. Marami ang hindi naniniwala, marami rin naman ang natatakot at nag-iingat. Pero hindi nila alam kung ano ang sitwasyon ng mga nasa ospital, nanghihingi ng isa pang pagkakataon para mabuhay.
“Alam mo ba… si Mareng Leni,” ani Aling Helen.
“Oh?” sabay pang tanong ng tatlo.
“Sabi nila COVID ang ikinasawi niya, pero ang totoo, high blood lang naman talaga iyon. Pinalabas lang na virus para wala silang bayaran sa ospital. Kaya simula noon, parang ayoko nang mapalapit sa ospital! Baka mamaya, sakit lang naman sa ngipin ang problema ko’y biglang sa resulta, naging COVID na,” anito.
“Iyan nga rin ang iniisip ko mga mare,” ani Aling Martha.
Naiiling na lamang na nakikinig si Lovi sa mga usapan ng mga ito. Hanggang sa hindi na siya makatiis ay ibinuka na niya ang kaniyang bibig at nakisawsaw na sa usapan, kahit hindi naman talaga siya kasali.
“Alam niyo, mga ale, kaysa nag-uumpukan kayo d’yan at nagtsitsismisan dahil sa kawalang magawa, pumunta kayo sa mga bahay-bahay niyo at manuod ng balita, para maliwanagan ang mga isip niyo na totoong may kumakalat na virus sa bansa natin,” ani Lovi, binitawan ang isasampay na damit upang harapin ang mga ito.
“Hindi niyo alam kasi wala naman kayo sa ospital, o hindi pa naman nangyaring nahawaan kayo. Kung talagang hindi totoo ang virus na iyan, e ‘di sana hanggang ngayon e dito pa rin umuuwi si Samantha, ‘yong kapatid kong isang doktor, pero dahil sa takot na baka madala niya ang sakit na iyan sa pamilya namin, kaya siya na mismo ang nagsakripisyo,” inis na inis niyang wika.
Sa tingin ni Lovi, kaya hindi natatapos ang pandemya sa bansa ay dahil may mga katulad ng mga taong ito sa mundo. Hindi naniniwala, kaya imbes na matapos na ang lahat ay mas lalong lumalala. Social distancing ang ipinapatupad ngayon, pero kung magtsismisan ang mga ito, halos wala nang makadaan na aso sa lapit.
“Ngayon, sabihin niyo sa’kin kung sinong siraulo ang magsasakripisyo kung totoong hindi nga totoo ang kumakalat na virus? Kung gano’n man ang nangyari kay Aling Leni, hindi iyon kasalanan ng sino man. Sa kawalan ng pera ay nagdesisyon nang gano’n ang pamilya, kaysa naman hayaan na lang ang labi nito sa ospital, pero hindi ibig sabihin no’n ay hindi totoo ang kumakalat na virus.”
Hindi nakaimik ang apat na magkakaibigan sa sinabi niya. Alam niyang nakuha ng mga ito ang nais niyang ipunto.
Dahil sa ginagawa niya kaya naghiwa-hiwalay ang apat na ale at nag-sibalikan sa kani-kaniyang mga bahay nito.
Hindi pa man nangyayari sa’tin mismo ay subukan nating maniwala. Imulat ang mga mata sa totoong nangyayari. Totoo ang kumakalat na virus, may mga tao sa ospital na nahihirapang huminga, may mga taong pilit ipinaglalaban ang buhay nila makaligtas lamang. May mga frontliners na nais nang sumuko dahil halos hindi na nila kinakaya ang dami ng taong inaalagaan nila. Alagaan ang sarili at unahin ang kapakanan at kaligtasan ng iyong pamilya.