Inday TrendingInday Trending
Nalubog Siya sa Utang Dahil sa Kagustuhang Mapagtapos ng Pag-Aaral ang Anak; Panunumbat Lamang ang Naging Sukli Nito sa Kaniya

Nalubog Siya sa Utang Dahil sa Kagustuhang Mapagtapos ng Pag-Aaral ang Anak; Panunumbat Lamang ang Naging Sukli Nito sa Kaniya

“Anak, baka naman pwede mo akong tulungan doon sa utang ko kay Aling Sita, naniningil na naman kasi e, kung pwede lang naman,” ani Mang Pedio sa anak.

Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Monette sa kabilang linya, bago nagsalita.

“‘Pa, pasensya na po, pero wala pa akong sahod. Hayaan niyo, tatawag ako kapag nagkasahod ako, susubukan kong padalhan ka,” anito.

Malungkot na ngumiti si Mang Pedio. Hindi niya nakikita ang mukha ng anak, pero ramdam niyang nakabusangot ito dahil na rin sa medyo galit na tono ng boses.

“Kailan ba ang sahod mo, ‘nak?”

“Sa a’kinse pa po,” anito.

“Aasahan ko ‘yong padala mo anak, ah. Kailangan na kailangan lang ni papa,” aniya.

Hindi na nagpaalam ang anak. Binaba na lamang nito ang tawag kaya napahawak na lamang si Mang Pedio sa selpon nang mahigpit. Sana nga sa pagkakataong ito’y padalhan na siya ng kaniyang anak na si Monette. May pangkain pa naman siya, pero kasi’y hindi aabot ang pera niya para sa pambayad kay Aling Sita, ang nagpapautang sa lugar nila.

Nakautang siya rito ng mahigit kumulang singkwenta mil, ‘di pa kasama ang interes, noong nag-aaral pa si Monette sa kolehiyo. Dahil sa dami ng bayaran sa eskwelahan ay napilitin siyang mangutang kay Aling Sita, para lamang matustusan ang pangangailangan ng kaniyang pinakamamahal na anak.

Kaya nga noong nakapagtapos si Monette at nalaman niyang nagkaroon agad ng trabaho, labis ang sayang naramdaman niya, dahil sa wakas ay may makakatuwang na rin siya sa pagbabayad ng utang kay Aling Sita.. pero hindi iyon ang nangyari.

Isang taon na mula noong nakapagtrabaho si Monette, pero ni minsan ay hindi pa ito nagbigay sa kaniya ng pera, kahit na ba sinabi na niya rito ang tungkol sa utang niyang malaki kay Aling Sita, wala man lang itong naging pakialam.

Para rito’y hindi nito obligasyon ang inutang niya. Ang akala niyang tutulong sa kaniya kapag nakapagtapos na ng pag-aaral ay hindi nangyari. Palagi na lang kasi itong walang pera, walang sinahod, at nangangako— na palagi namang napapako.

“‘Pa, nagpadala po ako ng limang daan, kunin niyo na lang po sa padalahan,” ani Monette sa kabilang linya.

“Limang daan lang, anak?” aniya, hindi makapaniwala sa perang ipinadala ng anak. Kahit ihulog pa niya iyon pambawas sa utang niya kay Aling Sita, ay hindi pa rin ito kakasya.

“Iyan lang ang nakayanan ko, ‘pa,” ani Monette.

“Pero kulang iyan, anak,” mahinahon niya pa ring kausap sa anak.

“Bakit naman kulang? Malaking halaga na rin iyang limang daan!” inis na wika ni Monette.

Hindi na napigilan ni Mang Pedio ang manumbat sa anak. Isinumbat niya rito ang lahat ng nagastos sa pagpapaaral niya, at kung bakit nagkaroon siya ng malaking utang kay Aling Sita, tapos ngayon… makalipas ang isang taon, limang-daan lang ang ibibigay nito sa kaniya.

“Hindi ko kasalanan kung nagkautang kayo nang dahil sa pagpapa-aaral niyo sa’kin! Hindi ko sinabing pag-aralin niyo ako, ikaw ang nagpumilit, kaya ngayong nagkautang kayo ng malaki sa ibang tao, sa’kin niyo inoobliga. Kung tutuusin hindi naman ako ang nanghiram sa perang iyon,” litanya ni Monette.

Hindi makapaniwala si Mang Pedio sa sinabi ng sariling anak.

“Pasensya ka na, Monette. Tama ka, ginusto kong makapagtapos ka ng pag-aaral, pero hindi iyon para sa’kin, kung ‘di para iyon sa’yo. Para maging mabuti ang kinabukasan mo’t hindi magaya sa’min ng nanay mo na walang pinag-aralan, kaya hanggang sa mababang klase ng trabaho lang kami pwede. Pasensya ka na, hindi na ako ulit manghihingi ng pera sa’yo,” ani Mang Pedio saka ibinaba ang tawag.

Para sa kaniya, tama naman ang anak, siya ang umutang ng perang iyon, kaya siya rin dapat ang magbayad no’n. Kaya imbes na umasa pa sa anak ay nagsumikap na lamang si Mang Pedio na magbantay ng panindang isda’t karne sa palengke, at iniipon ang sasahurin para may maipambayad kay Aling Sita.

Ilang linggo ang lumipas na gano’n ang nangyayari kay Mang Pedio, walang pahinga. Nagtitinda sa gabi, nagkokontruksyon naman sa umaga, para lang makalikom ng pera para may maipambayad sa utang – dahilan upang hindi na makayanan ng kaniyang katawan. Nagkasakit siya’t naospital.

Nang malaman ni Monette ang nangyari sa kaniyang ama ay nagmamadali siyang umuwi sa kanila at pinuntahan ang ama. Umiiyak at humihingi siya ng tawad sa nagawa, labis ang pagsisising naramdaman. Hindi niya kakayaning pati ang kaniyang ama ay mawala, kagaya ng nangyari sa kaniyang ina.

“Sorry ‘pa, patawarin niyo po ang kahangalan ko. Pangako, hindi ko na iyon gagawin. Sorry ‘pa,” ani Monette, nakaluhod hawak-hawak ang kamay ng ama.

Hindi umimik si Mang Pedio, niyakap na lamang niya ang anak. Hindi pa man nakakahingi ng kapatawaran si Monette ay matagal na niya itong napatawad. Mahal niya ang nag-iisang anak, walang sinumang magulang ang kayang magtanim ng sama ng loob sa kanilang mga anak, kahit na ano pa man ang ginawa ng mga itong nagpapasakit sa damdamin nila.

Simula noon ay hindi na pinabayaaan ni Monette ang ama. Naging katuwang na nga siya nitong bayaran ang naging utang ng ama kay Aling Sita nang dahil sa kaniya.

Nakakalungkot isipin na kailangan pang umabot na magkasakit at maospital si Mang Pedio upang magising sa pagkakatulog si Monette. Pero ang mahalaga’y naging maayos na rin ang lahat at napagtanto niyang wala siyang ibang kakampi kung ‘di tanging ang kaniyang ama lamang.

Advertisement