Inday TrendingInday Trending
Mapang-Api, Iyon ang Bansag sa Binata ng Iilan Dahil Nananakot Ito at Nangunguha ng Pagkain; Isang Mahabaging Puso pala ang Itinatago Nito

Mapang-Api, Iyon ang Bansag sa Binata ng Iilan Dahil Nananakot Ito at Nangunguha ng Pagkain; Isang Mahabaging Puso pala ang Itinatago Nito

Mapang-api, iyon ang tingin ng iilang estudyante kay Marlon. Tuwing recess kasi’y wala na itong ginawa kung ‘di mangolekta ng kalahating pagkain sa bawat estudyante sa eskwelahan. Kapag ayaw nila itong bigyan ay tatakutin niya ang mga ito at sasaktan, kaya wala silang pagpipilian kung ‘di ibigay sa kaniya ang kalahati ng pagkain nila.

“Akin na itong isang buong hotdog ah, dalawa naman ang baon mo e,” ani Marlon.

Walang magawa ang isang estudyante kung ‘di ibigay sa kaniya ang hinihingi nito dahil sa takot.

“Para kanino ba iyang hinihingi mong pagkain, Marlon?” takang tanong ni Philip sa kaibigan.

Tuwing recess ay iikot si Marlon bitbit ang walang lamang baunan at hihingi sa mga estudyanteng nasa loob ng canteen. Kapag napuno ang baunan ay lalabas ito at hindi na niya alam kung saan ito nagpunta, babalik ito sa silid-aralan nang wala nang laman ang baunang dala.

“Kakainin ko,” sagot ni Marlon.

Huminto ito at muling nanghingi ng kanin at ulam sa kumakaing estudyante. Ang iba’y nasanay na sa ginagawa ng lalaki, kaya pagkakita pa lang ritong nag-iikot ay nakatabi na ang ibibigay sa lalaking pagkain.

“E ‘di wow! Bakit ‘di ka na lang bumili ng pagkain mo? May baon ka naman at alam kong ‘di ka pa naman gano’ng naghihirap sa buhay,” ani Philip.

Ngumiti si Marlon saka tinakpan ang baunang puno na ng pagkain.

“Maiwan na kita d’yan, Philip, kita na lang tayo sa silid-aralan mamaya,” ani Marlon, tinapik ang balikat ng kaibigan at nagmamadaling umalis.

Dahil sa labis na kuryusidad ay sinundan niya ito upang malaman kung saan ba talaga nagpupupunta si Marlon. Salubong ang kilay nang makitang tinatahak ng kaibigan ang likurang bahagi ng eskwealahan.

“Anong gagawin niya rito?” takang tanong ni Philip sa sarili.

Mas lalong umusbong ang kuryusidad para sa kaibigang si Marlon. Ang likurang bahagi kasi ng eskwelahan ay hindi na masyadong pinupuntahan ng mga estudyante, dahil bukod sa puro sirang mga upuan at kung ano-anong gamit ang nakatambak roon, ayon sa iilan ay may multo raw na tumatambay sa may malaking puno, kaya walang nangangahas na pumunta rito. Kaya anong ginagawa ni Marlon dito?

“Mang Jose, nandito na ako.”

Rinig ni Philip na tawag ni Marlon sa nagngangalang Jose. Maya maya lang ay lumabas naman ang isang matandang lalaki na may hawak na tungkod, saka sinalubong si Marlon. Nakita ni Philip kung paanong inalalayan ni Marlon ang matandang lalaki, patungo sa maliit na kainan nito sa labas ng maliit nitong bahay-kubo.

“Kumain na kayo, Mang Jose, marami akong nakolektang pagkain para sa inyo,” ani Marlon.

Nahahapong ngumiti ang matanda saka inabot ang ulo ni Marlon at bahagyang ginulo ang buhok.

“Ikaw talagang bata ka. Ang sabi ko naman sa iyo’y hindi mo na kailangang bigyan ako ng makakain. Tumutubo na ang mga tinanim kong kalabasa,” anito sabay turo sa mga pananim. “Iyan na lamang ang pagtatiyagaan kong kainin.”

Ngumuso si Marlon saka dagling nagsalubong ang kilay. “Kukunin niyo pa iyan at lulutuin, samantalang itong mga dala ko’y kakainin niyo na lang,” aniya.

Tumawa ang matandang lalaki sa sinabi ni Marlon.

“Kumain ka na d’yan, Mang Jose, at ako na mismo ang mag-iigib ng tubig ninyo at magwawalis na rin ako dito sa bakuran para malinis na bago ako umalis,” ani Marlon saka iniwan ang matandang nilalasap ang pagkaing kaniyang dala.

Si Mang Jose ay dating taga-linis ng eskwelahan, hanggang sa nagka-asawa’y dito pa rin sa paaaralang ito nagtatrabaho noon ang matandang lalaki. Sa malas ay hindi man lamang sila biniyayaan ng anak ng kaniyang namayapang asawa. Kaya ngayong hindi na kaya ni Mang Jose na magtrabaho dahil na rin sa katandaan ay pinahintulutan ito ng paaaralang tumira at gumawa ng maliit na kubo sa likurang bahagi, tutal bakante naman at walang tumatao.

Nagkakilala naman si Marlon at si Mang Jose noong panahong napapabalitang may aswang sa likurang bahagi ng eskwelahan. Sa labis na kuryusidad ay pumuntang mag-isa si Marlon sa likurang bahagi dahil sa nais na makita ang aswang sa paaralan nila.

Pero imbes na aswang ang makita niya’y nakilala niya si Mang Jose na abala sa pagtatanim ng mga gulay nito. Doon nagsimula ang lahat. Nang malaman ni Marlon ang buhay ng matandang lalaki ay labis siyang nakaramdam ng awa para dito, at bukod pa roon ay nalaman niyang hindi na halos nito nagagawang kumain, dahil na rin sa kawalang perang pambili at medyo hirap nang kumilos.

Kaya naisip niyang mangolekta ng pagkain sa mga estudyante sa eskwelahan upang ipakain kay Mang Jose. Kung kaya lamang niyang bilhan si Mang Jose araw-araw ng pagkain ay kaniya nang ginawa. Ang kaso’y hindi naman kalakihan ang ibinibigay na baon sa kaniya ng kaniyang mga magulang, kaya iyon na lamang ang naisip niyang paraan para makatulong sa matanda. Hindi bale nang mabansagan siyang masamang tao, o mahilig mang-api ng kapwa estudyante.

Ala-una ng hapon nang magdesisyon si Marlon na bumalik na sa kaniyang silid-aralan dahil muli na naman silang magkaklase, nang salubungin siya ni Philip at niyakap.

“Ano ba?!” nangingisay niyang sita.

“Bilib ako sa’yo, Marlon. Alam ko na kung kanino at saan mo dinadala ang nakokolekta mong pagkain. Hayaan mo. Simula ngayon ay tutulungan kita sa ginagawa mo, para sa matanda mong kaibigan.”

Ngumiti si Marlon, saka inakbayan ang kaibigan.

“Salamat, Philip! Malaking bagay kung tutulungan mo nga akong tulungan si Mang Jose,” aniya saka matamis na nginitian ang matalik na kaibigan.

Hindi alam ni Marlon kung paano tutulungan si Mang Jose, kaya iyon na lamang ang ginagawa niya. Nangongolekta ng pagkain, upang may makain ito. Masama man ang tingin sa kaniya ng iilang estudyante’y wala na iyon sa kaniya. Dahil para sa kaniya, ang mas mahalaga ay may makain si Mang Jose sa pang-araw-araw. At ngayong kasama na niya si Philip para tulungan si Mang Jose ay mas maigi!

Advertisement