Inday TrendingInday Trending
Pinagtatawanan ang Matandang Nagbalik Eskwela; Ikagugulat ng Lahat ang Tunay Niyang Pagkatao

Pinagtatawanan ang Matandang Nagbalik Eskwela; Ikagugulat ng Lahat ang Tunay Niyang Pagkatao

“‘Ma, handa na po ba kayo? Sigurado po bang ayos ka lang na sumakay ng tren at mamasahe papuntang eskwela? Kung gusto mo ay ihatid na lang po kita kahit ngayong araw lang para hindi ka mapagod nang husto,” saad ng nag-aalalang ginang na si Malou sa kaniyang may edad nang ina na si Rebecca.

“Ayos lang ako, anak. Huwag mo na akong intindihan at pumasok ka na sa opisina. Alam ko ay marami ka pang gagawin. Ikaw naman, parang hindi mo ako kilala. Noon nga ay sinusuyod ko ang buong ka-Maynilaan para lang magtinda. Ngayon pa ba ako hindi marunong mamasahe?” tugon naman ng matanda.

“Sigurado po kayo, ‘ma, ha. O siya, basta tawagan n’yo po ako kung may kailangan kayo at pangako ko sa inyong pupuntahan ko kayo agad. Good luck, ‘ma, alam ko pong kayang-kaya niyo po ‘yan!” dagdag pa ng anak.

Mag-isa nang sumakay sa unahang bagon ng tren para sa mga matatanda itong si Rebecca.

Habang papalapit sa kaniyang pupuntahan ay nag-aagaw ang kaniyang tuwa at kaba. Sa tagal kasi ng panahon, sa edad na animnapu ay tutuparin na niya ang kaniyang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.

Habang nakaupo ay hindi maiwasan ni Rebecca na pagmasdan ang kaniyang repleksyon sa salamin. Hindi siya makapaniwala na sa wakas ay nakasuot na siya ng uniporme habang bitbit ang kaniyang mga gamit sa eskwela.

“Sa wakas ay makakatungtong na ako ng kolehiyo. Ngayon ay ganap na akong may pinag-aralan,” saad ng matanda sa kaniyang sarili.

Habang naglalakad ay marami na ang nakatingin kay Rebecca. Papasok pa lang ng unibersidad ay hinarang na kaagad ang matanda.

“S-saan po ang tungo ninyo, ma’am? Bakit po ganiyan ang suot n’yo? Maaari po bang makita ang ID niyo?” wika ng guwardiya.

“Estudyante po ako dito. Wala pa po akong ID. Sa katunayan ay ngayon pa lang ako magpapalitrato,” paliwanag naman ni Rebecca.

Hindi kumbinsido ang guwardiya kaya hinanapan siyang muli nito ng pagkakakilanlan. Kahit na anong paliwanag ni Rebecca ay ayaw siya nitong paraanin. Kaya ipinakita na lang niya ang kaniyang registration card, At saka pa lang siya pinapasok ng guwardiya.

Rinig ni Rebecca ang pag-uusap ng mga guwardiya pagkaalis niya.

“Sa tingin kaya niya ay makakahanap pa siya ng trabaho sa edad n’ya? Pagka-graduate niya ay hindi na rin siya pahihintulutan na magtrabaho dahil ang edad niya ay pang retirado na!” natatawang sambit naman ng guwardiya.

Gusto sanang bumalik ni Rebecca para kausapin ang mga ito ngunit nagpakumbaba na lang siya.

Samantala, bahagyang nahirapan itong si Rebecca sa paghahanap ng kaniyang silid-aralan. Makalipas ang halos sampung minuto ay nakita niya rin ito. Kaya agad siyang pumasok upang hindi mahuli sa klase.

Pagpasok ni Rebecca ay nagsitahimikan agad ang mga mag-aaral at saka nagsiupo.

Ang akala ng lahat ay guro itong si Rebecca. Ngunit may isang lalaki ang nagtaka kung bakit parehong uniporme ang suot ng matanda kung ito ay kanilang guro.

“Ikaw ba ang guro namin?” tanong ng isang kamag-aral.

“Naku, hindi. Tulad niyo ay mag-aaral din ako dito,” tugon naman ni Rebecca.

Hindi mapigilan ng ilan ang mamangha ngunit ang karamihan sa kanila ay mas natawa dahil sa kanilang nalaman.

“Estudyante? Totoo po ba? Baka naman prank lang po ito. Isang pagsubok para makita kung ano ang magiging reaksyon namin? Nasaan na ang kamera at bistado na po kayo!” tumatawang saad muli ng isang kamag-aral.

“Maniwala kayo. Tulad n’yo ay mag-aaral din ako rito. Sana ay maging ayos ang pakikitungo natin sa isa’t isa,” malumanay na saad muli ni Rebecca.

Hindi makapaniwala ang mga mag-aaral. Naging kumbinsido lang sila nang dumating na ang guro.

“Talagang kamag-aral nga natin siya! Ano ba ‘yan, parang mas matanda pa nga sa lola ko ang babaeng ‘yan! Hindi ba siya nahihiya na nag-aaral pa siya? Baka mamaya ay tapos na rin ng kolehiyo kahit ang mga apo niya,” wika ng isang binata.

Naging usap-usapan itong si Rebecca dahil sa kaniyang edad.

Dahil sa katandaan ay nahihirapan na ring makasunod si Rebecca. Ang tagal na rin kasi ng panahon nang huli siyang makatungtong sa paaralan. Dahilan ito upang iwasan siya ng mga kamag-aral.

Minsan ay may aktibidad ang mga mag-aaral at kailangan nilang maggrupo-grupo. Kaso dahil sa tingin ng iba ay magiging pabigat lang itong si Rebecca ay tinatanggihan nila ito.

“Wala nang kulang sa grupo namin. Humanap ka na lang po ng iba,” saad ng isang kamag-aral.

Dahil pare-pareho ang mga sinasabi ng mga kamag-aral ay napilitan si Rebeccca na magsolo na lamang.

Napapansin ng anak niyang si Malou na nahihirapan ang ina.

“Ayos lang po ba kayo talaga, ‘ma? Baka naman pinapahirapan n’yo lang ang sarili n’yo. Sa edad n’yong ‘yan ay dapat nagpapahinga na lang kayo, ‘ma. Tapos ay ayaw n’yo pang magpahatid sa akin sa eskwelahan n’yo,” wika ng anak.

“Ayos lang ako, anak. Siguro ay hindi lang sanay ang mga tao na makakita ng estudyante na nasa edad ko. Totoo naman ang sinasabi nila na retirado na ako. Pero kakayanin ko ito, Malou. Huwag ka nang mag-aalala. Gusto kong maranasan ang bawat pagsubok na kaakibat sa pagbabalik ko sa pag-aaral. Kaya ko ‘to! Parang hindi mo naman kilala ang nanay mo!” wika pa ng matanda.

Dumaan ang araw at maraming pangungutya pa ang nararanasan nitong si Rebecca.

“Siguro nga ay narito na siya sa paaralan bago pa man maimbento ang salitang pag-aaral. Bakit kaya simpleng tanong lang ay hindi pa niya alam? Sa edad niya ay baka nakailang kurso na siya, e!” sambit ng isang dalaga.

“Kung ako kasi sa kaniya ay maghihintay na lang ako ng ibibigay ng anak ko. Sa ganiyang edad ay dapat nasa bahay na lang,” wika naman ng isa pang kaklase.

Ngunit ang pinakamasakit kay Rebecca ay nang pagalitan siya ng kaniyang guro dahi hindi niya masagot nang ayos ang gawain. Paulit-ulit niyang itinatanong sa propesor kung ano ang gagawin.“Wala pong special treatment dito. Matanda lang po kayo sa edad ngunit ako po ang guro rito. Kaya sumunod po kayo sa lahat ng pinapagawa ko. Saka ipakita n’yo naman sa mga kabataang ito na may kinatandaan po kayo. Ang dali-dali lang ng gawain ay hindi n’yo pa po maintindihan! Paulit-ulit na po ako ng sinasabi rito. Baka po sa edad n’yong ‘yan ay hirap na kayo talaga sa pang-unawa. Baka gusto n’yong mag-isip ulit kung para sa inyo talaga ang pag-aaral,” saad ng guro.

Sakto naman ang pagdating ni Malou sa paaralan at narinig ang sinabing ito ng guro.

“Mawalang galang na po. Bakit ganiyan kayong magsalita sa mama ko? Kung hindi n’yo siya kayang galangin bilang isang estudyante ay galangin mo siya bilang nakakatanda. Bilang isang guro ay dapat mas mahaba po ang pasensiya n’yo sa kaniya,” sita ni Malou.

Pinagsabihan rin ni Malou ang mga estudyanteng pinagtatawanan ang pagbabalik eskwela ng kaniyang ina. Laking gulat naman ng propesor nang makita sa kaniyang harapan si Malou.

“Ms. Malou de Vega? Ang pinakatanyag at pinakamayamang real estate developer dito sa Pilipinas? Nanay po ninyo si Rebecca?” sambit ng propesor.

“Oo, ako nga! Mabuti na lang at nagpunta ako rito sa eskwelahan. Matagal ko nang nararamdaman na parang may problema ang mama ko. Kaya naman pala. Ganito n’yo pala siya itrato. Sa totoo lang ay hindi na kailangan ng mama ko ang bumalik sa eskwelahan dahil bago ako nagmay-ari ng kompanya namin ay siya ang nagpalago nito. Galing sa mahirap na pamilya ang mama ko. Hindi siya nakatungtong sa kolehiyo pero naging matagumpay siya sa buhay at sa larangang kaniyang napili. Ngunit ngayong nagretiro na siya ay gusto niyang bumalik ng pag-aaral dahil ito ang pinakapangarap niya. Imbes na bigyan n’yo siya ng respeto at paghanga dahil kahit na may edad na siya ay patuloy pa rin siya sa pag-abot ng kaniyang pangarap ay ganito pa ang ginagawa n’yo sa kaniya. Hindi man maalam sa akademiko ang mama ko ngunit may sariling talino at diskarte siyang alam,” pahayag ni Malou.

Nahiya ang lahat sa kanilang pakikitungo sa matanda.

“Tara na po, ‘ma, at iuuwi ko na kayo. Sabi ko naman sa inyo ay huwag na kayong mag-enrol sa paaralang ito. Marami pang magagandang eskwelahan d’yan. Kahit gaano pa kamahal!” dagdag pa ng anak.

“Dito lang ako, anak, at mag-aaral ako. Sinabi ko naman sa iyo na wala kang pagsasabihan ng tunay na kalagayan ko sa buhay. Kaya nga ayaw kong magpahatid sa iyo dito sa eskwelahan. Nais kong maging simple ang pamumuhay ko habang nag-aaral. Kaya ko ito, anak. Wala ka bang tiwala sa mama mo?” sambit naman ni Rebecca.

Lahat ay humingi ng tawad sa matanda. Maging ang mga mag-aaral at ang guro ay humingi rin ng pasensiya dahil sa kanilang inasal.

“Ito ang dahilan kung bakit ayaw kong malaman ng lahat ang tunay na estado ko sa buhay. Dahil ayaw kong bigyan ako ng espesyal na trato. Nais kong itrato ako bilang isang ordinaryong mag-aaral. Tanggap ko naman kung mapapagalitan ako ng guro dahil hindi ko naman talaga alam. Kaya nga ako narito ngayon sa paaralan para matuto,” saad pa ni Rebecca.

Mula noon ay nag-iba na ang tingin ng mga tao kay Rebecca. Hindi dahil sa tunay na antas ng buhay nito kung hindi dahil napatunayan niya sa lahat na sa kabila ng lahat ng naabot niya sa buhay ay mataas pa rin ang pagtingin niya sa edukasyon.

Hindi nagtagal ay nakamit ni Rebecca ang matagal na niyang pinakakaasam – ang magkaroon ng diploma. Dahil sa husay, dedikasyon, at pagsusumikap ng matanda ay nakatapos siya ng may karangalan pa!

Nagbigay rin ng aral sa lahat ang pagbabalik eskwela ni Rebecca na hindi hadlang ang edad sa pagtupad mo sa iyong pangarap at tunay na wala talagang magandang idudulot ang panghuhusga sa kapwa.

Advertisement