
Prayoridad ng Ginang ang Nobyo kaysa sa mga Anak; Sa Kaniyang Pagtanda ay Pagsisisihan Niya Ito
“Ate, ano’ng sabi ni nanay? Pupunta raw ba siya? Pinangako niya sa akin na papanoorin niya raw ang pagtatanghal ko. Pero bakit hanggang ngayon ay wala pa siya?” naiiyak nang sambit ng dalagitang si Kira.
“Oo, nag-text na sa akin si nanay. Papunta na raw siya. Sige na at pumunta ka na sa likod ng entablado at maghanda ka na do’n. Ako na ang bahalang sumundo kay nanay para dito siya umupo sa tabi ko. Galingan mo, ah! Magpakitang gilas ka!” saad naman ng nakatatandang kapatid na si Michelle.
Batid ni Michelle na malabong pumunta sa patimpalak ang kaniyang ina. Alam niyang abala na naman ang ina sa pakikipagkita nito sa nobyo. Ang lalaking ito rin ang dahilan kung bakit naghiwalay ang mga magulang nina Kira at Michelle. Ayaw na lang sabihin ni Michelle sa kaniyang kapatid na hindi darating ang ina dahil baka hindi na ito sumali sa singing contest.
Dahil alam ni Michelle na umaasa ang bunsong kapatid ay tinawagan niya ang kaniyang inang si Minda.
“‘Nay, hindi po ba kayo pupunta dito? Kanina pa naghihintay si Kira sa inyo. Nakita ko siyang nag-ensayo. Iaalay raw niya sa iyo ang kakantahin niya ngayon. Huwag n’yo naman po siyang biguin!” pakiusap ni Michelle sa ina.
“Anak, ikaw na muna ang bahala diyan kay Kira. Nagkakatampuhan kasi kami nitong si Tito Jojo n’yo dahil madalang na kaming magkasama. Alam n’yo namang patakas lang kami magkita dahil bantay sarado sa akin ang lolo n’yo. Para akong bata!” tugon naman ng ina.
“E, panong hindi kayo pagbabawalan ni lolo. E ‘di ba, hindi pa naman hinihiwalayan ng lalaking iyan ang asawa niya? Kung tutuusin pa rin ay kabit kayo! Ano ba, ‘nay? Pupunta ka ba o hindi? Malapit nang magtanghal si Kira, o!” muling sambit ng dalaga.
“Balitaan mo na lang ako kung ano ang mangyayari. Ikaw na ang bahalang magpaliwanag kay Kira kung bakit hindi ako nakapunta. Pangako ko sa inyo, mga anak, babawi ako! Huwag lang ngayon dahil nagtatampo nga sa akin ang Tito Jojo n’yo!”
Hindi pa man tapos si Minda sa kaniyang mga sinasabi ay pinagbabaan na siya ng galit na anak.
Hindi na naman alam ni Michelle kung paano ipapaliwanag kay Kira na hindi makakarating ang ina.
Nang panahon na ni Kira na kumanta sa entablado ay hinanap niya sa mga manonod ang ina. Ngunit nadismaya siya nang hindi ito nakapunta.
Pagtapos ng patimpalak ay nakuha ni Kira ang ikatlong karangalan.
“Hindi na naman siya pumunta dahil sa nobyo niya, ano, ate?” sambit ni Kira sa kapatid.
“May inutos daw kasi sa kaniya si lolo kaya hindi siya makakapunta. Pero baka sa isang linggo ay puntahan niya tayo. Huwag ka nang magtampo at pinarinig ko naman sa kaniya ang pagkanta mo. Umiiyak nga habang nakikinig,” pagsisinungaling ni Michelle.
“Huwag ka nang magsinungaling, ate. Ramdam kong abala na naman siya sa nobyo niya! Kailan kaya natin makakasama si nanay nang malaya, ate? Minsan kasi kahit na sabihin nilang siya ang dahilan kung bakit sila naghiwalay ni tatay ay hindi ko pa rin makuhang magalit sa kaniya. Sa katunayan nga ay namimiss ko siya. Kung alam lang niya, ate,” nalulungkot na pahayag ni Kira.
Naaawa naman si Michelle sa kapatid. Sa katunayan ay tinutubuan na ng galit sa kaniyang puso dahil sa ginagawa ng kanilang ina.
“Hayaan mo, Kira, ang sabi naman niya, sa isang linggo ay babawi siya. Tingnan natin kung sa pagkakataong ito ay nagsasabi na siya ng totoo,” saad pa ng panganay.
Walang ginawa si Kira kung hindi magbilang ng mga araw. Hanggang sa dumating ang sumunod na linggo.
“Kira, ito ang lolo ninyo, sabihin mo nga na d’yan naman talaga ang tungo ko at aalis tayo. Ayaw na naman akong payagan kasi, e!” wika ni Minda sa anak sa telepono.
Kinausap ni Kira ang kanilang lolo upang ipaalam ang ina. At saka lang ito pumayag. Walang mapaglagyan naman ang kasiyahan ni Kira dahil sa wakas ay makakasama nilang magkapatid ang kanilang ina.
Nagsimula nang gumayak ang magkapatid dahil ang alam nila ay aalis silang mag-iina.
Pagdating sa mall ng magkapatid ay nagulat sila nang makita nila ang ina kasama ang kasintahan nito.
“‘Nay, akala po ba namin ay pagkakataon nating magsama-sama ito? Bakit narito siya?” bungad ni Michelle.
“Alam n’yo namang madalang kaming magkita kaya naisip kong isama na lang natin siya. Hindi naman siya makakaabala sa atin. Gusto lang din tayong makasama ng Tito Jojo n’yo!” saad pa ng ina.
Naiinis man ang magkapatid ay wala silang magawa. Pero dahil sa pagnanais na makasama ang ina ay pumayag na rin sila kahit naroon pa ang kasintahan nito.
Kumain muna sila sa isang restawran. Maya-maya ay kinausap ni Minda ang mga anak.
“Aalis lang kami sandali ng Tito Jojo n’yo. Saglit lang ito, mga anak, mga ilang oras lang ito. Gusto lang kasi ni Tito Jojo n’yo na masolo niya ako. Sandali lang naman, mga anak. Pangako at babalik kami kaagad. Maglibot muna kayo dito sa mall,” wika pa ni Minda.
Payag si Kira na maghintay para sa ina ngunit labag ito sa kalooban ni Michelle.
“Tara na, Kira, hindi mo ba napapansin na ginagamit na lang tayo ni nanay para magkita sila ng nobyo niya? Hindi tayo ang pinunta niya rito! Kung nais talaga niya tayong makasama ay iiwan niya ‘yang kasintahan niya. Ayaw ko nang mamalimos pa tayo ng oras sa kaniya. Kung ang nais niya ay makasama lang ang nobyo niya ay doon na lang siya! Tara na at umuwi na tayo. Kapag nalaman pa ito ni tatay ay malaking gulo ito,” mariing sambit ni Michelle sa bunsong kapatid.
Mula nang araw na iyon ay naging madalang na ang pakikipag-usap ng magkapatid sa kanilang ina. Minsan nga ay si Minda na ang tumatawag sa kanila. Ngunit hindi para kumustahin ang mga anak kung hindi makiusap na ipagpaalam siya ng mga ito sa kanilang lolo para siya ay makaalis at makipagkita sa nobyong si Jojo.
Nasanay na ang magkapatid na sa tuwing may okasyon, pagtatapos man sa eskwela o kaarawan nila ay sasaglit lang ang ina upang makipagkita sa nobyo nito.
Isang araw ay yumao na ang lolo at malaya na si Minda at Jojo na magkita. Lalo tuloy nawalan ng panahon ang ina sa kaniyang mga anak.
Para naman kina Kira at Michelle ay nasanay na silang mamuhay na wala ang ina.
Ngunit nabalitaan ng magkapatid na hindi raw maganda ang lagay ng kanilang ina. Pinagbubuhatan daw ito ng kamay ni Jojo at ang malupit pa roon ay tinangay ng lalaki ang lahat ng pera ni Minda.
Kaya lumapit ang ginang sa kaniyang mga anak.
“Wala na akong pupuntahan mga anak. Wala na akong malalapitan. Wala rin naman kasi akong mga kaibigan! Walang hiyang Jojo ‘yun! Ipinangako niya sa akin na hihiwalayan niya ang asawa niya tapos ay magsasama kami ngunit bumili pa pala sila ng bagong bahay. Ang malala pa roon ay kinuha niya ang lahat ng perang ipinamana sa akin ng lolo n’yo! Kaya mga anak, maganda naman ang trabaho n’yo. Tulungan n’yo naman ako dahil nahihirapan na ako!” saad pa ng ina.
“Tutulungan po namin kayo ngunit sa pinansiyal na paraan na lang po, at kung ano man ang ibibigay namin ay iyon lang. Hindi po kayo p’wedeng maghangad pa ng mas malaki. Saka huwag po ninyo kaming asahan na pupuntahan kayo lagi dahil may kani-kaniya na rin po kaming buhay. Ito na po ang pera at makakaalis na po kayo,” saad ni Michelle sa ina.
“Gano’n na lang? Matapos ko kayong dalhin sa sinapupunan ko at bigyan ng buhay ay basta n’yo na lang akong itataboy? Hahayaan n’yo na lang akong mamuhay nang mag-isa? Malaki ang bahay na nabili n’yo, hindi ba? Baka naman maaari akong makitira kahit sandali dahil nalulungkot ako na mag-isa sa bahay!” panunumbat pa ni Minda.
“‘Nay, sana ay naisip n’yo noon na samahan din kami sa mga panahong kailangan namin ng ina. Kayo ang nagturo sa amin na mamuhay nang hindi kayo kasama dahil mas pinipili mo kaysa sa aming mga anak mo ang lalaking iyon! Ngayong wala ka nang halaga sa kaniya at mag-isa ka na lang ay tatakbo ka sa amin? Ano ba ang tingin mo sa amin, ‘nay, laruan na babalikan lang kapag wala nang ibang magawa? Sinaktan mo kami, ‘nay! Ikaw ang hindi nagpahalaga sa amin. Kaya kung sa tingin mo ay wala kaming kwentang mga anak, isipin mo rin sana kung paano ka naging ina sa amin,” dagdag pa ni Michelle.
Hindi na nagsalita pa si Kira dahil na rin sa matinding sama ng loob sa ina.
Umalis si Minda na matindi ang hinanakit. Ngunit napagtanto niya na sa mga nagdaang taon ay hindi niya nabigyan ng pagpapahalaga at pagmamahal ang dalawang anak na ang tanging hiling lang naman ay ang makasama siya.
Ngayon ay mag-isang namumuhay si Minda. Tanggap niyang matagal na panahon pa ang kaniyang bubunuin para makabawi sa mga anak at upang magbalik ang tiwala ng mga ito sa kaniya bilang kanilang ina.