
Kinampihan ng Lalaki ang Ina Kaysa sa Kaniyang Asawa; Bandang Huli’y Mauunawaan din Niya ang Misis
Labis ang saya ni Cathy dahil sa wakas ay inaya na rin siyang magpakasal ng matagal na niyang kasintahang si Mark. Sa tagal na rin ng kanilang relasyon kasi ay kasal na lang ang kulang para tuluyan na silang magsama.
Sa labis na pagmamahal ni Cathy kay Mark ay hindi na siya naghangad pa ng magarbong kasalanan. Para kasi sa dalaga ay mas importante ang buhay mag-asawa pagkatapos ng kasalan. Maganda kasi na ang ipon nila ay mailaan para sa kanilang panimula.
Isang araw ay nag-uusap ang magkasintahan sa tungkol sa kanilang kasal.
“Siguro, bago ang kasal ay humanap na rin muna tayo ng mauupahang bahay. Kahit ‘yung sakto lang para sa ating dalawa saka malapit rin sa mga trabaho natin,” saad ni Cathy sa nobyo.
Bigla na lang umentra sa eksena ang ina ni Mark na si Aling Eba.
“Naku, bakit kailangan n’yo pang umupa? E, may sariling kwarto naman ‘yang si Mark dito sa bahay. E ‘di iyon muna ang gamitin n’yo! Mas magastos kapag bubukod pa kayo. Magbabayad kayo ng upa saka tubig, kuryente at iba pa. Kung narito kayo ay makakatipid kayo!” mungkahi naman ng ginang.
“Maraming salamat po, Nanay Eba, pero ayaw po naming makaistorbo pa sa inyo. Maghahanap na lang po kami ng matitirahan para rin po matuto kami sa buhay may-asawa,” nakangiting sagot naman ni Cathy.
Ang akala ni Cathy ay mainam ang kaniyang ginawa. Nais lang kasi niyang ipakita sa magiging biyenan na kaya nilang tumayo sa sarili nilang mga paa. Nagmamalasakit lang din siya dahil ayaw niyang maging abala pa sa pamilya ni Mark. Ngunit taliwas ang naging tingin dito ni Eba.
“Hindi pa man kayo ikinakasal ay hawak ka na niya sa leeg. Kumbinsihin mo ‘yang si Cathy na dito na lang kayo para makatipid. Mas makakaipon kayo dito at makakabili kayo ng bahay dahil wala kayong aalalahaning renta,” wika ni Eba kay Mark.
Dahil ayaw na ni Mark na magkaroon pa ng hidwaan ay kinausap na lang niya si Cathy tungkol sa nais ng ina.
“Ang isa pang maganda do’n kapag doon muna tayo sa bahay namin ay makakaipon tayo. Mas mapaglalaanan natin ang kinabukasan natin lalo pa at dalawa tayong nagtatrabaho,” paliwanag ni Mark.
Sa pagmamahal ni Cathy kay Mark ay pumayag na rin siya sa kagustuhan nito.
Kaya naman nang ikasal ang dalawa ay doon na sila tumuloy sa bahay ni Eba.
“Cathy, kailangan muna nating ipagpaliban ang honey moon natin dahil aalis ang mga kapatid ko at maiiwang mag-isa lang dito si mama. Madalas kasing tumataas ang presyon niya kaya hindi siya maaaring walang kasama,” pakiusap ni Mark sa asawa.
Kahit na medyo nagtatampo ay inunawa na lang ni Cathy si Mark.
Lumipas ang mga araw at ayos naman ang pakikitungo ni Eba sa bagong mag-asawa. Ngunit napapansin ni Cathy na parang nakikipagkumpentensiya ang biyenan sa pag-aasikaso kay Mark. Kaya naman kinausap ni Cathy ang mister.
“Hindi ka ba masaya no’n? Hindi ka mapapagod na pagsilbihan ako dahil may umaasikaso pa rin sa akin. Mas marami kang panahon para sa iyong sarili. Hayaan mo na lang si nanay. Pasasaan din at mapagtatanto niyang kasal na rin ako. Sa ngayon ay pagbigyan muna natin dahil sanay siya na inaasikaso ako,” pahayag ni Mark.
Kahit na madalas ay hindi alam ni Cathy kung saan siya lulugar ay nakuha niyang makibagay. Kahit na nais sana niyang maramdaman ang buhay may-asawa nang sila lang talaga ni Mark ay hinabaan na lang niya ang kaniyang pasensiya.
Ngunit isang araw ay napapansin ni Cathy na imbes na makaipon ay laging nababawasan ang pera nila ni Mark sa bangko. Kaya naman kinompronta niya ang mister.
“Nasaan ‘yung kinomisyon kong singkwenta mil noong nakaraang buwan, Mark? Hindi ba sabi mo sa akin ay idadagdag natin ‘yon sa pagbili ng lupa? Nasaan na? Pati ‘yung natira sa sahod ko ng mga nakaraang buwan ay wala na rin. Halos isang daang libo ang nawawala, Mark! May babae ka ba?” sambit ni Cathy.
“W-wala, Cathy! Ano ba naman ‘yang iniisip mo?! Bagong kasal lang tayo pero gusto mo e magkasala ako agad. Saka hinding hindi ko ‘yun gagawin sa iyo! Hiniram kasi ni nanay ang pera. Ang sabi niya ay gagamitin raw niya para sa pagnenegosyo. Kaso naibayad niya sa ibang utang dahil sinisingil na rin siya ng pinagkakautangan niya,” paliwanag naman ni Mark.
“Kailan daw niya babayaran, Mark? Alam mo namang hirap na hirap ako sa pag-iipon ng pera. Madalas nga ay sakto lang ang ibinibigay ko na pampagamot ng tatay ko. Kasi nga ang gusto ko ay makaipon tayo kaagad para makabukod na tayo,” saad ni Cathy.
“Ako na ang bahalang maningil kay nanay. Ang sabi naman niya ay sa loob lang ng isang buwan ay ibibigay rin niya. May inaasahan kasi siyang pera,” dagdag pa ng mister.
“Huwag kang magagalit, Mark, a. Pero saan kukuha ng pera ang nanay mo? Sa utang na naman? Wala naman siyang inaasahang pera kung hindi ang pensyon ng tatay mo. Hindi naman gano’ng kalaki ‘yun, ‘di ba? Kaya saan siya kukuha ng isang daang libong piso para mabayaran niya ang pagkakautang sa atin?” tanong muli ni Cathy.
Sa puntong iyon ay sinigurado ni Mark na mababayaran ang nakuhang ipon nilang mag-asawa. Ayaw na rin kasi niyang mauwi sa pagtatalo ang usapan nila ni Cathy.
Ngunit ilang buwan na ang nakalipas ay hindi pa rin binabayaran ni Eba ang kaniyang inutang. Sayang lang at kailangan pa naman ni Cathy ng pera dahil may nakita na siyang lupa na nais niyang bilhin upang patayuan ng bahay nilang mag-asawa.
Dahil alam ni Cathy na hindi gagawa ng kahit anong aksyon si Mark basta tungkol sa ina ay siya na mismo ang kumausap sa kanilang Nanay Eba.
“‘Nay, nahihiya man po ako, pero nasabi na po siguro ni Mark sa inyo ‘yung tungkol sa perang nakuha po ninyo sa amin. May nakita po kasi akong lupa. Mura lang at maayos na ang mga papeles. Nais ko na po sanang bilhin ‘yun. Kailangan ko lang po na magbigay muna ng down payment. Kaya kailangan ko na po ‘yung perang nahiram n’yo sana,” magalang na pahayag ni Cathy.
Imbes na makipag-usap nang maayos ay minasama na naman ni Eba ang pakiusap na ito ni Cathy.
“Parang binabastos mo naman ako, Cathy, sa paniningil mo! Para bang hindi ako magbabayad! Aba’y kulang pa ang perang iyon para sa lahat ng ginastos ko sa anak ko pero hindi naman kita siningil. Kaya kung hindi ako magbabayad ay nasa sa akin na iyon! Anak ko naman si Mark at pera rin naman niya ‘yun!” tugon ni Eba sa manugang.
Pinigilan ni Cathy ang kaniyang sarili na sumagot dahil batid niyang kahit anong mangyari ay nanay pa rin ito ng kaniyang mister. Kaya humingi na lang siya ng pasensiya.
Ngunit iba naman ang nakarating kay Mark. Sinumbong ni Eba na pilit raw siyang sinisingil ni Cathy at pinagsalitaan pa raw siya nito ng hindi maganda. Kaya gano’n na lang ang galit ni Mark sa asawa.
“Asawa lang kita at wala kang karapatang saktan o pahiyain ang nanay ko dahil lang sa pera! Iyan na lang ba ang mahalaga sa iyo, Cathy? Pinapamukha mo ba sa akin na mas malaki kang magdala ng pera sa pamamahay na ito? Kayang kaya kong tapatan ang sahod mo kaya huwag mong babastusin ang nanay ko!” galit na sambit ni Mark.
Pinipilit ni Cathy na magpaliwanag sa mister pero ayaw siyang pakinggan nito. Ang masakit pa ay pinaalis siya ni Mark sa bahay.
“Masyadong malaki ang ulo mo dahil sa pera. Huwag kang mag-alala, babayaran ko ang utang ng nanay ko! Pero hindi ko na kayang makisama pa sa isang taong wala man lang respeto sa nag-iisang magulang ko!” bulyaw pa ng mister.
Nagmamakaaawa si Cathy na pag-usapan nila ni Mark ang mga pangyayari, ngunit buo na rin ang loob ni Mark dahil sa sama ng loob.
Wala nang nagawa si Cathy kung hindi ang umuwi sa kanilang bahay. Masakit man para kay Cathy na bago pa lang silang mag-asawa ay parang sa hiwalayan na rin ang kanilang tuloy.
Sa lahat ng masasakit na salitang sinabi ni Mark ay labis na nagdamdam si Cathy. Gayunpaman ay pilit niyang binabangon ang sarili.
Samantala, parang masaya pa si Eba dahilt tuluyang nawala na si Cathy sa kaniyang landas.
Malaya na rin niyang nagagawa ang paghingi-hingi ng pera kay Mark nang hindi na nagpapaliwanag kung para saan ito.
Hanggang sa napansin na rin ni Mark na hindi na rin talaga siya nakakaipon. Madalas ay nagkukulang pa sa panggastos ang kaniyang sahod. Kaya naman inusisa niya kung saan talaga dinadala ng kaniyang ina ang perang kinukuha sa kaniya.
Laking gulat niya nang sundan ito at makitang dinadala lamang pala sa sugalan. Lulong pala sa mahjong ang kaniyang ina at marami na itong naipatalo. Bukod pa roon ay malakas rin itong mag-casino.
Dahil sa sobrang inis ay hindi na naiwasan pa ni Mark na komprontahin ang ina.
“Mas pinili ko kayo kaysa sa asawa ko dahil naniniwala ako sa lahat ng sinasabi n’yo. Pero heto kayo ngayon at nagsusugal lang. Nilulustay ang perang pinaghihirapan ko na sana pala ay inipon ko na lang! Nawalan na nga ako ng ipon ay nawalan pa ako ng asawa nang dahil sa inyo. Tama nga si Cathy, dapat ay bumukod na lang kami. Kung gayon sana ay mas nakaipon pa kami at marahil ay magkasama pa rin kami hanggang ngayon!” sambit ni Mark sa kaniyang Nanay Eba.
“Ang kapal rin ng mukha mo na pagsalitaan ako na para bang napakalaki ng utang na loob ko sa iyo! Kung hindi dahil sa akin ay wala ka sa mundong ito, Mark! Malaki ang utang na loob mo sa akin! Paano ka ba nagkaroon ng magandang trabaho? Dahil pinag-aral kita! Ngayon lang ako hihingi ng kaunting lambing sa iyo ay isinusumbat mo pa! E ‘di lumayas ka na rin at sumama sa asawa mong walang ginawa kung hindi hawakan ka sa leeg!” tugon ni Eba sa anak.
Talagang ganito ang ginawa ni Mark. Agad siyang nagtungo kay Cathy upang humingi ng kapatawaran sa lahat ng kaniyang nagawa at masasakit na sinabi. Nais niyang muling hingin ang kamay ng misis upang sa pagkakataong ito ay bumukod na at magsarili.
“Mahal kita, Mark, kaya lahat ng mahal mo ay mahal ko rin. Hindi ko kayang gawin ‘yun sa nanay mo. Hindi ko siya kayang bastusin. Masakit lang sa akin na hindi mo man lang ako binigyan ng pagkakataon na magpaliwanag. Pero narito ka na ngayon at nalaman mo na ang iyong kamalian. Kaya pinapatawad na kita,” saad ni Cathy sa mister.
Lubos ang pasasalamat ni Mark sa muling pagbibigay sa kaniya ng pagkakataon ni Cathy. Ngayon ay sinisiguro niya sa asawa na sa kahit anong pagkakataon ay pakikinggan muna niya ang saloobin ng misis at hindi na siya gagawa pa ng anumang bagay na ikasasakit ng damdamin nito.
Nauunawaan ni Cathy na mahal lang ni Mark ang ina kaya niya ito pinagtanggol. Ngunit may punto rin kasi si Cathy dahil hindi biro ang magtrabaho at mag-ipon para lang siguraduhin na may magandang bukas na naghihintay para sa kanilang mag-asawa.
Nagkabalikan sina Cathy at Mark. Nabili at napatayuan na rin nila ng bahay ang lupang inaasam-asam ni Cathy. Naging ayos pa rin naman ang relasyon ni Mark sa kaniyang ina ngunit sa pagkakataong ito ay mas pangangalagaan muna niya ang seguridad ng kinabukasan nilang mag-asawa at ng bubuuin nilang pamilya.