Inday TrendingInday Trending
Mula sa Bente Pesos ay Lumago ang Pera ng Desperadong Ama; Tuluyan na Kayang Maging Matagumpay ang Buhay Niya?

Mula sa Bente Pesos ay Lumago ang Pera ng Desperadong Ama; Tuluyan na Kayang Maging Matagumpay ang Buhay Niya?

Isang gabi, maririnig ang malakas na buhos ng ulan at ang iyak ng sanggol na nanggagaling sa loob ng bahay ng mag-asawang Michelle at Des.

“Des, wala na tayong gatas, wala na ring diaper o lampin man lang ang anak natin. Hindi ko na alam ang gagawin ngayong nag-aapoy pa sa lagnat si Renren,” mangiyakngiyak na wika ni Michelle sa mister niyang si Des. Yumuko lamang ang lalaki at kumamot sa kaniyang ulo. Napapapikit na lamang siya sa sobrang sakit ng ulo kakaisip kung paano pa niya mabubuhay ang mag-ina gayong wala siyang mahanap na trabaho.

“O sige, saglit lamang at titingnan ko kung makakahiram ako sa mga kumpare ko,” tugon naman niya sa misis na nakatulala na lamang sa kawalan.

Paglabas ng bahay, agad na inisa-isa ni Des ang bahay ng kaniyang mga kakilala at kaibigan upang humiram ng isang daang piso para lamang mairaos ang gabing iyon.

“Pare, may pera ka ba riyan? Kahit singkwenta lang sana, inaapoy kasi ng lagnat ang anak ko at wala pa kaming hapunan,” pakiusap ni Des sa bawat pupuntahan niyang bahay. Subalit lahat ng ito ay kapos din at naghihirap kung kaya’t wala siyang nakuha maski piso.

Umupo si Des sa bangko na nasa kanto at tumulala ng ilang minuto. Maya maya pa ay kinapa niya ang bulsa at nakita ang bente pesos na gusot gusot pa. Muli siyang kumamot sa kaniyang ulo dahil alam niyang wala silang mabibili sa bente pesos na mayroon siya. Umuwi si Des nang bigo at lugmok ang mukha.

Sa kaniyang pagtakbo pauwi dahil sa lakas ng ulan, nakita niya ang kumpol ng mga tambay sa isang sulok sa daan. Sumilong siya saglit at doon ay nakitang nagsusugal ang mga naroon.

“P’re, taya ka na rito. Tiyak na malaki ang makukuha mo kapag nanalo ka!”

“Ano pang hinihintay mo? Tara na!” alok ng mga tambay na naroon.

Muli niyang kinapa ang bente pesos na nabasa na dahil sa ulan. Mas mabuti na sigurong itaya ito kaysa iuwi kay Michelle at pareho silang tumirik ang mata nang dahil sa gutom. Hindi rin nagtagal at nakumbinsi ng mga tambay si Des na itaya ang natitirang pera.

Sa unang pagtaya, hinati ni Des sa dalawang bahagi ang kaniyang taya. Laking gulat naman niya nang manalo siya sa unang pagkakataon. Lumipas ang mahigit isang oras na nagtigil si Des sa sugalan. Nang matapos, muli niyang binilang ang pera na ngayon ay nagkakahalaga na ng limang libong piso! Agad na umuwi si Des bitbit ang gamot, lampin pati na pagkain nilang dalawa ni Michelle.

“Saan mo nakuha ang pera?” marahang tanong ng kaniyang misis.

“Hiniram ko kay kumpare. Sabi sa’yo hindi ako hihindian ng kaibigan kong iyon eh!” biro pa ni Des. Natuwa naman si Michelle dahil kahit na utang ang pera, makakaraos sila sa gabing iyon.

Tinago ni Des ang tatlong libong piso upang muli niyang maitaya kinabukasan. Dumating ang gabi ng kinabukasan at muling nagtungo ang lalaki sa pasugalan. Tumagal siya ng dalawang oras sa sugalan at laking tuwa niya nang manalo siya ng sampung libong piso! Agad siyang umuwi nang makita kung gaano na kalaki ang kaniyang pera.

“P’re, nanalo ka nang malaki ah? May irereto ako sa’yong pasugalan! Mas malaki pa diyan sa hawak mo ang kita doon,” alok ng isang tambay na kaniyang nadaanan habang pauwi. Sa una ay nag-atubili pa si Des na tanggapin ang alok subalit nasilaw siya sa sinabi ng lalaki.

Nang gabing iyon, agad na sumama si Des sa pasugalan na tinutukoy ng lalaking tambay. Labis ang kaniyang pagkamangha nang makita kung gaano kalaki ang lugar at gaano karami ang mga tao roon. Buong gabi ay hindi umuwi si Des sa kanilang bahay nang malasap ang malaking panalo niya. Mula sa sampung libong piso, ngayon ay nasa ilang daang libong piso na!

Kinaumagahan, umuwi si Des na masaya at may ngiti sa kaniyang mga labi. Binigyan niya rin ng kaunting halaga ang lalaking nagdala sa kaniya doon. Subalit nang siya ay makauwi, nadatnan niya si Michelle na labis ang pagtangis.

“Nasaan ka? Nasaan ka kagabi?!” sigaw ng kaniyang misis habang patuloy ang pag-iyak nito.

“Humanap ng pera. Saan pa nga ba? Ito, heto, marami na akong pera, Michelle!” masayang wika pa ni Des.

“Wala na si Renren! Wala na!” sabay ng sinabing ito ni Michelle ay ang pagtigil ng mundo ni Des. Nagyakapan ang mag-asawa at umiyak sa bisig ng isa’t isa.

Nagising na lamang daw si Michelle na nag-aapoy muli sa lagnat ang kanilang anak. At nang dalhin niya ito sa pinakamalapit na ospital, huli na ang lahat para sa kanilang anak. Hindi na ito humihinga at hindi na naagapan pa

Inamin ni Des ang kaniyang ginawa ng buong gabi. Ang perang napanalunan niya ay ginamit nila upang matiwasay na maipalibing ang kanilang sanggol. Pinagawa naman ni Des ang kanilang bahay at nagtayo ang mag-asawa ng karinderya. Nangako si Des na kailanman ay hinding hindi na masisilaw sa sugal at hindi na muling pababayaan ang kaniyang misis. Dahil lahat ng bagay, kung sobra, ay mali.

Advertisement