Inday TrendingInday Trending
Pinagtangkaan ng Magkapatid ang Buhay ng Sariling Ina at Balak Itong Isisi sa Ampon Nitong may Problema sa Pag-Iisip; Mas Mautak Pala ang Kulang-Kulang Nilang Kapatid

Pinagtangkaan ng Magkapatid ang Buhay ng Sariling Ina at Balak Itong Isisi sa Ampon Nitong may Problema sa Pag-Iisip; Mas Mautak Pala ang Kulang-Kulang Nilang Kapatid

Panganay si Gerry sa dalawang magkapatid. Wala siyang trabaho dahil batugan at mas gustong maging palamunin lang ng kanilang nag-uulyaning ina na kahit uugud-ugod na at alagain ay mapera naman. Bukod sa nakukuhang pensyon ay may paupahan pa ang matanda at nagmamay-ari ng isang restawran. Ang bunso namang anak na si Eunice ay tamad mag-aral at walang ginawa kundi ang magliwaliw at maglakwatsa. Gaya ng kapatid ay nakasandal din ito sa kanilang ina.

Dalawa lamang na magkapatid ang kanilang inang si Choleng at ang tiyahin nilang si Nida. Maganda rin ang buhay nito sa Amerika bagamat matandang dalaga ito. Dahil nga ulyanin na, ang tiyahin ang naghahawak ng pera ng kapatid dahil alam nito na kapag sa mga anak ipinagkatiwala ang lahat ng pera ay wawaldasin lang ng mga ito sa walang kapararakan ang mga pinaghirapan ng kapatid.

Ang totoo, wala naman talagang pakialam ang magkapatid na Gerry at Eunice sa kanilang ina. Inaalagaan lang nila at binabantayan ang matanda upang patuloy na makinabang sa pera nito. Pakitang tao lang at bait-baitan ang dalawa sa ina at sa kanilang tiyahin para hindi sila mapalayas sa bahay at mawalan ng karapatan at sustento.

Ang tanging nagmamahal sa ina nilang si Choleng ay ang ampon nitong si Kempee na isang autistic. Napulot noon ng matanda ang sanggol pa lamang na si Kempee sa labas ng simbahan. Dahil hindi alam kung sino ang nagmamay-ari sa sanggol ay kinupkop ito ni Choleng at itinuring na tunay na anak na ikinabuwisit naman ng dalawa niyang anak. Sa paglipas ng panahon ay wala man lang kaamo-amor ang mga ito kay Kempee at halos alila kung ituring. Kahit may kakulangan sa pag-iisip ay mabait at masipag ang ampon ni Choleng. Ito nga ang nag-aalaga at nag-aasikaso sa matanda na dapat ay ginagawa rin ng magkapatid.

“Hoy, Kempeeng kulang-kulang! Pagkatapos mong maglinis ng bahay ay maglaba ka ha? Alagaan mo rin nang mabuti si nanay, pakainin mo ‘yang matanda at paliguan mo na rin. Namamaho na rito eh. Kami ng Ate Eunice mo ay pupunta muna sa mall at may mga bibilhin kami. Ikaw na ang bahala rito. Kapag tumawag si Tita Nida sa telepono, sabihin mo umalis kami at bibili lang ng gamot ni nanay. Huwag kang magsusumbong na nagpunta kami sa mall kundi ay yari ka sa amin,” banta ni Gerry kay Kempee.

“O-opo, kuya. Ako bahala nanay. Bantay ko siya,” sagot ng binatilyo.

Habang nasa biyahe ay nag-alala si Eunice.

“Baka mamaya madulas ang dila ng kulang-kulang na ‘yon at isumbong tayo kay tita. Malalaman pa niya na wala tayong ginawa kundi maglakwatsa at maglustay ng perang padala niya imbes na alagaan si nanay. Kapag nangyari iyon ay hindi na niya tayo bibigyan ng panggastos. Alam mo naman na si tita ang naghahawak at nagpapadala ng pera para. Kapag nalaman niya na pinababayaan natin si nanay ay tiyak na putol ang padala at tayo ang kawawa,” sambit ng dalaga.

“Huwag kang mag-alala. Hindi magsasalita ang abnormal na ampon ni nanay. Takot na lang niya sa atin. Huwag kang mangamba sa autistic na iyon at kayang-kaya natin iyon,” tugon ni Gerry sa kapatid.

Buong araw silang namasyal at bumili ng kung anu-ano sa mall. Ang perang ipinadala ng kanilang tiyahin ay hindi nila ipinambili ng gamot kundi ginastos nila sa kanilang mga luho. Saka na lamang sila iisip ng paraan kung paano ulit makakahingi sa tiyahin ng pambili ng gamot ng nanay nila, ang importante sa mga oras na iyon ay ang kanilang mga sarili.

Pag-uwi sa bahay ay naabutan nila na hindi pa rin tapos sa paglalaba si Kempee.

“Ano ka ba naman? Dumating na kami at lahat ay hindi ka pa rin tapos diyan? Ang kupad mo namang kumilos!” inis na sigaw ni Eunice.

“Katapos ko lang pakain at linisan nanay. Patulog ko rin nanay kuwarto, ate kaya di ko pa tapos laba,” anito.

Sinilip naman ng magkapatid na mahimbing nang natutulog ang kanilang ina sa kuwarto nito. Nakita naman nila na malinis na at maayos ang buong bahay, may nakahanda na ring pagkain para sa kanila kaya hindi na nila pinag-initan pa ang autistic nilang kapatid kuno.

“O s’ya, tapusin mo na ‘yang trabaho mo at matulog ka na rin dahil bukas ay marami ka ulit gagawin. Ikaw ulit ang magbabantay kay nanay dahil may pupuntahan ulit kami ng ate mo,” sabi ni Gerry.

Hindi kasi nila nasulit ang paglalamyerda kaya itutuloy nila bukas ang pamamasyal at paggastos sa pera ng kanilang ina. Nakaisip na nga sila ng idadahilan sa tiyahin kung bakit hindi nila ito naibili ng gamot. Sasabihin nila na naholdap sila at tinangay ang perang pambili na sa gayon ay bigyan ulit sila nito.

Hindi pa dalawin ng antok ang magkapatid. Naisip nila na mag-inuman muna sa sala. Nagbukas sila ng bote ng wine at nagkuwentuhan. May kung anong pumasok sa kanilang utak.

“Alam mo kuya, nahihirapan na ako sa sitwasyon nating ito. Kailan ba mamamat*y ‘yang si nanay para sa atin na mapunta ang pera niya at mga ari-arian? Tiyak naman na sa atin ipapamana iyon at ibibigay ni Tita Nida dahil tayo ang totoong anak ni nanay. Kapag nawala si nanay ay malaya na nating maididispatsa ang abnormal niyang ampon. Sagabal lang ‘yang si Kempee sa atin, eh, kaya kailangan na mawala na rin siya rito,” sambit ni Eunice.

“Oo nga. Matagal na rin akong buwisit na buwisit sa kulang-kulang na iyon, eh. Pakiramdam ko nga mas mahal pa ni nanay ang abnormal na iyon kesa sa atin kaya gusto ko na ring mawala siya sa landas natin. Tutal matanda na naman si nanay, uugud-ugod na at ulyanin pa. Imbes na maging alagain pa natin ay tapusin na natin ang paghihirap niya. Hmmm…may naisip akong paraan, Eunice. Ano kaya kung unti-unti nating lasunin si nanay? Kapag natigok ang matandang ‘yan ay tapos na ang problema natin. Atin na ang bahay na ito, sa atin mapupunta ang mga pera niya, ang paupahan at ang restawran. Walang magagawa si Tita Nida kundi ibigay sa atin ang lahat ng ari-arian ni nanay. May karapatan tayo dahil tayo ang tunay na anak. Palalabasin natin na ang naglason sa kanya ay ang autistic niyang ampon na si Kempee. Lusot na tayo, nadispatsa pa natin ang kulang-kulang na iyon’ di ba?” wika ni Gerry.

Tuwang-tuwang nagkasundo ang magkapatid sa kanilang plano at nag-apir pa. Kinabukasan ay bumili sila ng lason at ibinigay iyon kay Kempee na kunwari ay gamot. Pinaalalahanan nila ito na ipainom iyon sa kanilang ina dalawang beses sa isang araw. Ang inosenteng binatilyo ay sunud-sunuran naman sa kanila. Sa ginawa nila ay lihim silang nagdiriwang dahil imbes na sila ang mapagbibintangan kapag namat*y ang ina ay ang uto-utong si Kempee ang mapapahamak kaya kampante sila na palaging umaalis sa bahay at nagpapakasaya sa labas. Inaabangan na lamang nila ang magiging resulta ng plano nila ngunit isang araw nang dumating sila galing sa pamamasyal ay naabutan nila na wala sa bahay si Kempee at ang nanay nila sa kuwarto nito. Pinagtanung-tanong na rin nila sa mga kapitbahay pero wala raw nakapansin na lumabas ang matanda at ang autistic nilang kapatid.

“Saan kaya nagpunta ang dalawang iyon?” tanong ni Gerry sa bunsong kapatid.

“Ano ka ba, kuya? Huwag ka na mag-alala baka namasyal lang ang dalawang iyon o ‘di kaya ay baka tumalab na ang lason kay nanay at nagkikisay na lang sa kalye at ito namang abnormal niyang ampon, sa sobrang takot ay naghisterikal na at hindi alam ang gagawin at ayun, natuluyan na mabaliw at nasagasaan ng sasakyan kaya natigok na rin,” natatawang sagot ni Eunice.

Maya-maya ay nag-ring ang selpon ni Gerry at mas lalo silang kinabahan dahil ang tiyahin nilang si Nida ang tumatawag. Nanginginig niyang sinagot iyon.

“H-hello? Tita? Mabuti po at napatawag kayo. Ano kasi, tungkol po kay nanay,” bwelo niya.

“Anong nangyari sa nanay ninyo, sa kapatid ko?” tanong nito sa kabilang linya.

“N-nawawala po kasi si nanay. Nawawala rin po si Kempee,” tugon niya.

“Ano?! Nawawala?! Anong nangyari? Sige, antayin ninyo ako riyan sa bahay. Nga pala, narito ako sa Pilipinas. Dadalawin ko sana kayo at sosorpresahin kaso ano ba itong sinasabi mong nawawala si Ate Choleng at si Kempee? Basta, papunta na ako riyan. Huwag kayong aalis diyan,” nag-aalalang sabi ng babae.

Nang ibinaba na ni Gerry ang selpon ay napangiti naman ang nakababatang kapatid. Narinig nito ang pag-uusap ng dalawa dahil ginamit ng lalaki ang loud speaker.

“At narito pala si Tita Nida? Malamang na marami siyang dalang pasalubong. Nae-excite na ako sa pagdating niya. Buwisit lang kasi itong si nanay at ang kulang-kulang niyang ampon, eh. May paalis-alis pang nalalaman, tayo tuloy ang namomroblema. Pero sana ay hindi na mahanap o bumalik pa ang mga iyon para tiba-tiba na tayo, kuya,” sabi ni Eunice.

Ilang minuto lang ay may narinig silang busina ng sasakyan sa labas. May humintong taxi at nakita nilang bumaba roon ang tiyahin nilang si Nida ngunit laking gulat nila nang makitang kasama nito ang nanay nila at si Kempee.

“’N-nay! K-Kempee!” sindak na sabi ng magkapatid.

“Kumusta, aking mga pamangkin? Hindi ba kayo natutuwa na kasama ko ang nanay at kapatid ninyo? Hindi kayo makapaniwala, ano? Wala kayong kaalam-alam na narinig nitong si Kempee ang plano ninyong paglason sa nanay ninyo nang gabing nag-inuman kayo. Habang himbing na himbing kayong natutulog sa sobrang kalasingan ay tumawag ako sa telepono at mabuti na lamang at si Kempee ang nakasagot. Ikinuwento niya sa akin ang masama ninyong balak,” bunyag ng kanilang tiyahin.

Biglang bumalik sa alaala ni Nida ang pag-uusap nila ni Kempee.

“Hello? Gerry? Tita Nida mo ito. Kumusta ang nanay ninyo? Naibili niyo ba siya ng gamot?” tanong niya na ang akala ay si Gerry ang sumagot.

“H-Hello, Ako po Kempee. Tulog po kuya at ate. Lasing po sila. T-tita Nida, dinig ko po sila usap kanina. Sabi po nila, lason daw nila nanay para wala na nanay. Pag wala na nanay dispatsa nila ako para sa kanila punta pera nanay. Ayoko wala nanay, love ko po nanay. Tulong mo po nanay tita,” sumbong ni Kempee sa mangiyak-ngiyak na tono.

At nang magbalik ang gunita ay galit na galit niyang hinarap ang mga pamangkin.

“May kakulangan sa pag-iisip si Kempee pero hindi siya bingi, t*nga at mangmang! Inutusan ko siya na itapon ang lahat ng ibibigay ninyo sa kanya lalo na ang mga gamot dahil natitiyak ko na isa roon ang lasong binili ninyo para wakasan ang buhay ng inyong sariling ina. Dahil sa sumbong niya sa akin ay agad kong inasikaso ang mga papeles ko at dali-daling pumunta rito sa Pilipinas. Palihim kong kinasabwat si Kempee, inalam ko sa kanya kung anong araw o anong oras kayo aalis para magpakasarap at magwaldas ng pera at natiyempuhan nga namin na wala kayo sa bahay at kinuha ko ang nanay ninyo at itong si Kempee. Wala kayong kuwentang mga anak! Wala kayong kasing sama! Nagawa ninyong pagtangkaan ang nanay ninyo na pinagkakautangan ninyo ng buhay at pati ang kaawa-awa ninyong kapatid na may kakulangan sa pag-iisip ay balak ninyong idispatsa dahil lamang sa pera? Mabuti pa nga itong si Kempee, eh, kahit hindi ninyo kadugo ay may pagmamalasakit sa inyong ina. Mga wala kayong awa!” galit na galit na sabi ni Nida sa magkapatid.

Bago pa nakasagot ang dalawang pamangkin ay dumating ang mga pulis na pinapunta roon ng tiyahin para hulihin ang mga ito. Kahit anong pagmamakaawa ng magkapatid ay ‘di magawa ni Nida na pagbigyan at patawarin ang mga pamangkin dahil mabigat ang kasalanan ng mga ito na pinagtangkaan ang buhay ng kanyang kapatid at sariling ina ng dalawa.

Magsisi man ang magkapatid na Gerry at Eunice ay wala na silang magagawa kundi ang pagbayaran ang kanilang kabuktutan at humimas na lamang ng malamig na rehas sa kulungan.

Dahil sa nangyari ay dinala na ni Nida ang kapatid na si Choleng at si Kempee sa Amerika kung saan ito naninirahan. Siya na mismo ang mag-aalaga sa ulyaning kapatid at sa autistic na pamangkin. Mas lalo niyang minahal si Kempee dahil sa pagmamahal at malasakit na ipinakita nito sa kanyang kapatid.

Advertisement