
Dahil sa Inggit ay Ipinahamak ng Lalaki ang Katrabaho; Sa Huli ay Bumalik sa Kaniya ang Ginawa Niya
Pauwi na sana sina Gary at Nelson nang mapansin nila ang kasamahan na si Oliver. Uwian na kasi ay wala pa rin itong tigil sa paglalampaso ng sahig.
“Oliver, hindi ka pa ba uuwi? Tapos na ang oras ng trabaho! Halika na!” yaya ni Nelson dito.
Nilingon sila nito at tipid na ngumiti.
“Mauna na kayo! Tatapusin ko pa ‘to, e!” tipid ding sagot nito.
“Ano ka ba? Hindi mo na kailangang gawin ‘yan! Hindi mo naman trabaho ‘yan!” kantyaw pa ni Nelson.
Ilang beses pang nagpalitan ng kantyaw ang dalawa bago inis na hinila ni Gary ang kaibigan palabas.
Hanggang sa makalabas sila ay wala itong ibang bukambibig kundi si Oliver.
“Grabe talaga si Oliver, sobrang sipag! Kaya tuwang-tuwa ang boss natin sa kaniya, e!” nakangiting komento nito.
Umismid si Gary at hindi niya na napigilan pang magkomento.
“Hindi masipag ang tawag doon. Pabida.”
Kunot-noo siyang nilingon ng kaibigan. Tila hindi ito makapaniwala sa naging opinyon niya.
“Bakit mo naman nasabi ‘yan?” anito.
Awtomatikong kumulo ang dugo ni Gary. Bumalik na naman kasi sa alaala niya kung paanong madalas siyang ikumpara ng boss nila.
“Bakit hindi mo gayahin si Oliver? Masipag at responsable! Hindi pumasok nang late kahit na minsan at hindi uma-absent nang walang pasabi.” Iyon ang madalas niyang marinig sa t’wing nasesermunan siya sa trabaho.
Sa paningin ng lahat ay perpekto si Oliver habang siya naman ay walang ginawang tama sa trabaho. Kaya naman isang kakompetensya ang tingin niya sa lalaki.
Kaya naman nagngitngit siya nang ilang araw lang ang lumipas ay isang balita ang sumalubong sa kaniya.
“Congratulations, Oliver! Nakita ko kung gaano ka kagaling sa trabaho. Ikaw na ang bagong manager ng restawran na ito!”
Umugong ang malakas na palakpakan. Bawat isa ay labis ang saya para kay Oliver maliban sa nag-iisang tao na nakasimangot sa gilid. Si Gary.
“Darating din ang araw na mawawala ang tiwala ng lahat sa’yo, ay mapapahiya ka,” sa isip-isip ni Gary habang matalim ang tingin sa katrabaho.
Hanggang sa isang araw, sa wakas ay nakakuha siya ng pagkakataon na siraan ang perpekto nitong imahe.
Isang malaking handaan ang gaganapin sa restawran na pinagtatrabahuhan nila, at bilang bagong manager, si Oliver ang naatasan na mamahala sa lahat.
“Oliver, inaasahan kong magiging maayos ang lahat. Hindi tayo pwedeng mapahiya. Ikaw na ang bahala sa mga empleyado natin,” seryosong bilin ng kanilang boss.
“‘Wag po kayong mag-alala, Sir. Wala pong magiging problema,” tugon naman ni Oliver.
Nang mga sumunod na araw ay todo ang paghahanda ng lahat. Gaya ng pangako ni Oliver sa kanilang boss ay sinisiguro nga nito na maayos ang lahat.
Hanggang sa dumating na ang araw na pinakahihintay ng lahat.
“Hindi tayo pwedeng magpabaya. Tandaan niyo ang sinabi ko. Manatili kayo sa pwesto niyo lagi para parating may mag-aasikaso sa lahat ng kailangan ng mga bisita,” mariing bilin nito, ilang minuto bago magsimula ang okasyon.
Si Oliver naman ay napaismid na lang.
Maayos ang naging simula ng okasyon. Ang tanging problema lang ni Gary ay ngalay na ngalay na siya sa kaniyang kinatatayuan.
Alam niya ang bilin ni Oliver ngunit sinuway niya iyon. Umalis siya sa pwesto niya.
“Sandali lang naman,” sa loob-loob niya habang naglalakad papunta sa kusina.
Nang maabutan niya na walang tao at doon ay inilabas ang isang kaha ng sigarilyo mula sa kaniyang bulsa.
Nakakailang hithit pa lang siya nang biglaang bumukas ang pinto. Mabuti na lamang at mabilis niyang naitago ang hawak niya. Isa kasi ang sigarilyo sa pinaka-pinagbabawal sa oras ng trabaho.
Kumabog ang dibdib niya nang makita ang pagpasok ng boss nila.
“Bakit amoy sigarilyo dito? Sinong nagsigarilyo?” galit na usisa ng boss habang nakatakip ang kamay nito sa sa ilong nito.
Sa takot na mapagalitan ay umiling siya.
Sa pag-iwas niya sa nanunuring tingin ng kanilang boss ay napalingon siya sa labas, kung saan masayang nakikipagtawanan si Oliver sa isa sa mga bisita.
Isang ideya ang agad na pumasok sa isipan niya.
“Hindi ko po alam. Pero nakita kong galing si Oliver dito kanina.”
Tumango ito. Bakas sa mukha nito ang labis na pagkadismaya.
“Sige. Bumalik ka na sa pwesto mo. Kakausapin ko mamaya si Oliver,” wika ng boss nila bago siya nito iniwan sa kusina.
Nang makaalis ito ay saka lamang siya napangisi. Walang sinayang na oras si Gary. Bago siya bumalik sa kaniyang pwesto ay pumuslit siya sa lugar kung saan nila nilalagay ang kanilang mga gamit.
Hinanap niya ang bag ni Oliver at walang pagdadalawang isip niyang ipinasok doon angkaha ng sigarilyo na hawak niya.
Nang matapos ang okasyon sa kanilang restwaran ay tinipon sila ng kanilang boss. May mahalaga raw itong sasabihin.
Sa kauna-unahang pagkakatataon ay nakita niya ang pagkadismaya sa mukha ng boss nila, habang panay ang sermon nito kay Oliver.
“Oliver naman! Naging mabait ako sa’yo dahil maayos ka sa trabaho. Dahil ba na-promote ka na, kaya ka naninigarilyo sa gitna ng trabaho?”
Nakita niya ang gulat sa mga mata ni Oliver.
“S-sir, hindi po ako naninigarilyo!” agad nitong tanggi.
“HIndi ako naniniwala. May nakakita sa’yo,” galit pa ring bulalas ng boss nila.
“Nadismaya ako sa ginawa mo, Oliver. Siguro mali ang desisyon ko na i-promote ka,” dagdag pa nito.
Nalaglag ang balikat ni Oliver ngunit hindi ito nagsalita. Si Gary naman ay aliw na aliw lang na nanonood ng mga nangyayari.
“Sir, kahit magkakalkalan pa ng gamit, malalaman niyo na hindi ako naninigarilyo…” mula ay katwiran ni Oliver.
Sa huli ay iyon nga ang ginawa nila. Subalit dahil sa inilagay niyang sigarilyo sa bag ni Oliver ay mas lalo lang itong nadiin.
“H-hindi ko alam bakit may ganyan sa bag ko, Sir. Pero dahil nga sa nangyari, ako na mismo ang aalis…” sa huli ay pagsuko ni Oliver bago ito tumalikod at tinipon ang mga gamit nito.
Ngunit dahil sa desisyon ni Oliver ay isa-isang nag-almahan ang mga empleyado.
“Sandali! Sir, totoo ang sinasabi ni Oliver na hindi siya naninigarilyo. May hika ang nanay niya. Ayoko sanang magsalita dahil ayokong madamay pero hindi po tama ito! Napakasipag ni Oliver, at hindi dapat masayang ang lahat ng paghihirap niya,” pagtatanggol rito ni Roman, isa sa mga waiter. Sumegunda naman ang marami.
Isang suhestyon ang nagpakabog ng dibdib ni Gary.
“Sir, hindi ho ba’t may CCTV? Bakit hindi natin tingnan, para makita naman ang totoong nangyari?”
Labis ang hiya ni Gary. Kitang-kita kasi sa camera kung sino ang tunay na nagmamay-ari ng sigarilyo. Pati ang ginawa niyang paglalagay ng sigarilyo upang idiin si Oliver ay nahagip ng camera.
Matapos makita ng lahat ang video ay pawang nang-uusig na tingin ang ibinato ng lahat sa kaniya.
Tila gumuho ang mundo niya nang marinig ang sunod na sinabi ng kanilang boss.
“Gary. Alam mo na ang gagawin mo. Mag-alsa balutan ka na. Lumabag ka sa patakaran natin, pinalala mo pa at ipinahamak mo ang isang inosente. Hindi kita bibigyan ng pagkakataong magpaliwanag. Walang paliwanag ang ganitong aksyon.”
Bumaling ang boss kay Oliver.
“Kasalanan ko, Oliver. Naniwala ako agad at hindi man lang ako nag-imbestiga. Kung mananatili ka sa kompanya matapos ng ginawa ko, dodoblehin ko ang sweldo mo.”
Agad na nabalot ng malakas na hiyawan ang restawran. Masaya ang lahat para kay Oliver.
Nang gabing iyon ay naglakad si Gary nang nakatungo. Dahil sa inggit ay nabulag siya. Ang kaso ay agad siyang siningil ng karma—ang hiniling niyang kapahamakan ng iba ay sa kaniya napunta!