
Pinagyayabang ng Dalagang Ito ang Lalaking Tinatrato Siya nang Ayos; Totoo nga ba Ito sa Kaniya?
“Kung ako sa’yo, hiwalayan mo ‘yang nobyo mong ‘yan! Nobya ka niya pero ikinakahiya ka niya sa mga tropa niya dahil lang istrikto ang mga magulang mo? Makakahanap ka rin ng lalaking maiintindihan ka!” payo ni Lolita sa kaibigan, araw ng Linggo habang sila’y naglalakad patungo sa kanilang trabaho.
“Sigurado ka bang may lalaking makakaintindi sa sitwasyon ko sa buhay? Istrikto na nga ang mga magulang ko, mahirap pa kami,” pag-aalinlangan nito habang pinipigilan ang pagtulo ng luha.
“Oo naman, ‘no! Kita mo ako, manang na nga manamit dahil din sa kahirapan namin, palagi pang abala sa trabaho, pero may nobyo akong naiintindihan ako! Palagi niya pang kinukwento na pinagmamalaki niya ako sa mga kaibigan niya! Isasama niya pa nga ako mamaya sa pupuntahan nilang bar, mag-iinuman daw kami!” pagyayabang niya habang kinikilig-kilig pa.
“Mabuti ka pa talaga gan’yan ang nobyo mo,” tipid na sagot nito saka tuluyan nang umiyak dahilan para kaniya itong yakapin nang mahigpit.
“Makakahanap ka rin ng lalaking ganito, Jona, maghintay ka lang at manalangin! Kapag dumating na ang lalaking ‘yon, mag-double date tayo, ha? Tiyak, magiging masaya ‘yon!” pagbibigay niya ng pag-asa rito kaya bahagya itong napangiti at nagdesisyong sundin ang payo niya.
Walang mapagsidlan ang kasiyahan ng puso ng dalagang si Lolita simula nang makilala niya ang isang binatang nagbigay ng matinding importansya at pagmamahal sa kaniya sa kabila ng kaniyang itsura, estado sa buhay, at pagiging abala sa trabaho. Ito ang dahilan para labis niya itong ipagmalaki sa kaniyang mga kaanak, katrabaho, at kaibigan.
Mula siya sa isang mapanakit na binata noon dahilan para hindi niya akalaing may isang binatang magpaparamdam sa kaniya ng ganito. Kaya naman, kahit isang linggo pa lang itong nanliligaw sa kaniya, agad niya na rin itong sinagot.
Laking tuwa niya pa dahil kahit na nasa iisang relasyon na sila ng binatang ito, tila patuloy pa rin itong nanliligaw sa kaniya. Palagi siya nitong niyayayang kumain sa labas, hinahatid sa bahay, at kung minsan, binibigyan pa siya nito ng bulaklak na talaga nga namang nagpalalim nang matindi sa nararamdaman niya rito.
Nang araw na ‘yon, katulad ng pagyayabang niya sa kaniyang kaibigan, siya nga ay sinundo ng binatang ito gamit ang isang magarang sasakyan at sila’y nagtungo sa bar na tinutukoy nito kung nasaan ang mga kaibigan nito.
Bahagya man siyang nahiya dahil tila medyo hindi ito natuwa sa suot niya, sabi nito, “Ayos lang ‘yan, sige, ibibili muna kita ng damit sa mall,” na labis niyang ikinatuwa.
Gandang-ganda siya sa sarili sa binili nitong damit dahilan para agad na siyang magyaya patungo sa bar na iyon kahit pa ramdam niyang medyo alanganin ang binata.
Pagkadating nila sa naturang bar, sumalubong sa kanila ang nagsisiyamanang mga kaibigan nito na agad din namang bumati sa kaniya. Sila’y nag-inuman, nagkantahan, at nagsayawan na talaga nga namang ikinataba ng puso niya.
Kaya lang, nang siya’y minsang umalis sa grupong iyon upang gumamit ng banyo, agad niyang narinig na siya’y pinag-usapan ng mga iyon kasama ang kaniyang nobyo.
“Nag-iba na pala ang tipo mo sa isang babae, ha? Gusto mo na ng babaeng manang tingnan kahit maganda naman ang kasuotan!” kantiyaw ng isang lalaki sa kaniyang nobyo.
“Hindi ko naman talaga siya gusto! Sadyang wala lang akong makalandian nitong mga nakaraang araw. Hindi ko naman akalaing sasagutin ako agad niyan! Ewan ko ba baka hiwalayan ko na rin ‘yan pagkatapos ng gabing ito!” tugon ng nobyo niya na labis niyang ikinadurog.
“Akala ko nga napulot mo lang sa lansangan ‘yon, eh, tapos dinala mo sa mall para ibili ng damit!” sabat pa ng isa dahilan para tuluyan nang tumulo ang luha niya at siya’y magdesisyong umuwi na lang mag-isa.
Habang nasa daan, walang tigil ang pag-agos ng luha niya.
“Buong akala ko, siya na talaga ang lalaking para sa akin. Nagkamali na naman pala ako,” hikbi niya at hindi niya lubos akalaing makakasalubong niya ang kaibigan na umiiyak din katulad niya dahil din sa lalaking nananakit dito.
Doon sila mahigpit na nagyakapan at nangako sa isa’t-isa na hindi na muling magpapaloko sa mga mapanlingan na mga lalaki. “Hintayin na lang natin ang lalaking para sa atin, Lolita. Kung patuloy tayong susugal, patuloy tayong masasaktan,” sabi ng kaibigan niyang ito na agad niyang sinang-ayunan.
Simula noon, hindi na muna siya nang-engganyo ng kung sino mang lalaki. Tinuon niya muna ang pansin sa pagsuporta sa kaniyang pamilya habang naniniwalang ang tamang lalaking para sa kaniya ay dadating nang kusa sa tamang panahon.