Tuwing Umaga’y Nagigising ang Dalaga na Wala nang Saplot sa Katawan; Kutob Niya’y Isang Engkanto ang May Gawa Nito

“Mare, pakiramdam ko may nangmumulto sa akin! Kung hindi naman, baka may gumagamit na engkanto sa katawan ko tuwing natutulog akong mag-isa!” balita ni Zyra sa kaniyang kaibigan, isang hapon nang ito’y pilitin niyang makipagkita sa kaniya sa isang kapehan para lamang idulog ang pinoproblema niya. 

“Paano mo naman nasabi ‘yan, ha? Alam mo, tigil-tigilan mo na ang panunuod mo ng mga nakakatakot na pelikula, hindi na maganda ang naidudulot sa’yo!” payo nito saka siya bahagyang sinabunutan.

“Hindi lang ‘to dahil sa panunuod ko, mare! Kung dahil lang ‘to sa panunuod ko, sana, nananaginip lang ako nang masama. Kaso, ang nangyayari sa akin, palagi akong nagigising nang wala nang damit!” kwento niya pa rito na ikinapagtaka na nito.

 “Totoo ba ‘yan? Baka naman hinuhub*ran mo lang ang sarili mo?” pang-uusisa pa nito na ikinakunot na ng noo niya. 

“Bakit ko naman gagawin ‘yon sa sarili ko, ha? Alam ko namang bigla-bigla na lang pumapasok sa kwarto ko ang mga kapatid kong lalaki! Hindi ko naman gustong makita nila ang buong katawan ko at maumay sila sa buong buhay nila!” sigaw niya rito kaya ito’y mapaisip. 

“Diyos ko, iba na nga ‘yan! Subukan mo kayang mag-iwan ng kamera habang natutulog ka para malaman natin ang dahilan?” payo pa nito na agad niyang sinang-ayunan dahil sa nararamdamang takot at kaba.

Mahilig manuod ng kung anu-anong nakakatakot na palabas ang dalagang si Zyra tuwing wala siyang ginagawa. Kung hindi tungkol sa mga engkanto ang pinapanuod niya, tungkol naman sa mga pagala-galang espiritu sa iba’t ibang sulok ng bansa ang kaniyang nakukursonadahang bigyang pansin.

Siya kasi ay naniniwalang nakakapagpapayat ang panunuod ng mga nakatatakot na palabas gaya ng sabi ng isang doktor na napanuod niya sa social media. Kaya naman simula nang malaman niya ‘yon, iyon na ang naging paraan niya upang mabawasan ang kaniyang timbang na patuloy na lumolobo dahil sa kaniyang katakawan.

Advertisement

Ngunit kahit pansin niyang patuloy lang ang pagtaba niya dahil panay pa rin ang kain at pag-inom niya ng alak habang nanunuod, pinagpatuloy niya pa rin ang gawaing ito dahil nawiwili na siya rito.

Katulad ng payo ng kaniyang kaibigan, agad nga siyang naglagay ng kamera sa kaniyang sariling silid pagkauwing-pagkauwi niya galing sa kapehang iyon.

Patuloy din siyang nanuod ng mga nakakatakot na dokumentaryo pagkatapos no’n habang umiinom ng alak at kumakain ng sandamakmak na chichirya at kung ano pang matatamis na kutkutin.

Bandang alas dose ng gabi nang magpasiya siyang magpahinga na. Isinara niya lang ang kaniyang laptop at tinabi sa isang sulok ang mga basura ng naubos niyang pagkain at alak saka agad nang namahinga.

Kinabukasan, nagising na lang siya sa sigaw ng bunso niyang kapatid na lalaki na tila diring-diri sa kaniya dahilan para siya’y mapabalikwas at agad na magtapis ng kumot.

“Diyos ko naman, wala ka na bang ibang mabiktima? Bakit ba ako na lang lagi?” kinakabahan niyang sabi sa engkantong pinaniniwalaan niyang nananamantala sa kaniya habang nagmamadaling magbihis. 

Sa sobrang takot niya, napagdesisyunan niyang agad na magpunta sa bahay ng kaniyang kaibigan bitbit-bitbit ang kamerang makapagbibigay linaw sa nararanasan niya. 

Muli niyang ikinuwento sa kaibigan na siya nga’y nagising na namang walang damit na labis na nitong pinag-alala kaya agad na nilang pinanuod ang nakuhang bidyo ng naturang kamera. 

Advertisement

Kabado man siya at nanginginig sa takot, patuloy niyang pinanuod ang bidyo hanggang sa nakita niyang siya ang mismong naghuhub*d sa sarili niya! Tumayo pa siya upang laksan ang electric fan at muling tumungga ng natirang alak sa kaniyang lamesa. 

“Sabi na, eh, sa kapapanuod mo, nababaliw ka na! Kitang-kita naman na naiinitan ka lang sa alak na iniinom mo kaya ka naghuhub*d mag-isa! Lasing ka lang, Zyra! Walang engkanto o kahit multo ang nananamantala sa’yo!” patawa-tawang sabi ng kaniyang kaibigan, “Pinakita mo pa sa akin ang katawan mo, Diyos ko! Babangungutin ako nito panigurado mamayang gabi!” biro pa nito na labis niyang ikinatawa’t inis dahilan para sabunutan niya ito maigi. 

Muli niyang pinanuod ang naturang bidyo at doon niya nga nakumpirmang walang masamang elemento ang gumagamit sa kaniya. Sadyang lasing at naiinitan lang siya sa alak na kaniyang kinukunsumo kaya siya’y nagigising nang ganoon. 

Doon na siya nangako sa sariling lilimitahan na niya ang pagkain at pag-inom kasabay ng pag-eehersisyo upang bukod sa mamayat na siya katulad ng gusto niya, makakatulog at magigising pa siya nang matiwasay na walang iniisip na masamang elemento.