Nabuntis ng Basugulerong Nobyo ang Dalagang Ito, Balikan Niya Kaya ang Lalaki Kahit Malagay sa Alangin ang Kapakanan Nilang Mag-ina?

“Paano na ngayon ‘yan, Jolina? Sa isang basagulero at pasaway na binata ka pa nagpabuntis! Anong maibibigay na buhay sa’yo no’n at sa magiging anak niyo, ha?” sermon ni Dahlia sa kaniyang kaibigan, isang umaga nang sadyain siya nito sa bahay habang umiiyak.

“Hindi ko rin alam, bespren. Ayoko rin nitong nangyayari sa akin ngayon. Ayoko nang mangunsumi at magmakaawa sa kaniyang magpakatino kaya ako nakipaghiwalay sa kaniya, tapos ngayon malalaman kong nagdadalang tao na pala ako. Ipalagl*g ko na lang kaya ‘to, ‘no?” sagot ni Jolina saka tumingin sa tiyan niyang akala niya noon bunsod lang ng kabusugan kaya malaki. 

“Ano ka ba naman? Hindi mo masosolusyunan ang isang problema ng isa pang problema! Mag-isip ka nga!” sigaw nito sa kaniya dahilan para siya’y lalo maiyak.

“Anong gagawin ko? Gulong-gulo na ako! Tiyak, itatakwil ako ng mga magulang ko kapag nalamang buntis ako at isang katulad niya ang ama!” hagulgol niya habang sinasabunutan ang sarili. 

“Hindi ko rin alam, Jolina. Tumahan ka na, hindi makakabuti sa’yo ang pag-iyak,” awat nito sa kaniya saka siya mariing niyakap. 

Hindi na malaman ng dalagang si Jolina ang gagawin niya sa sitwasyong kaniyang kinabibilangan ngayon. Hindi niya lubos akalaing siya’y mabubuntis ng isang walang kwentang lalaki na hiniwalayan na niya noong isang buwan pa dahil sa hindi nito magandang pagtrato sa kaniya.

Wala siyang ginawa noong araw na ‘yon kung hindi ang maiyak na lang sa bisig ng kaniyang kaibigan at nang mapagtanto niyang hindi rin talaga siya nito kayang tulungan, doon na siya nagpasiyang magtapat sa kaniyang mga magulang.

“Ano? Totoo ba ‘yang sinasabi mo?” galit na tanong ng kaniyang ama.

Advertisement

“O-opo, papa,” uutal-utal niyang sabi habang umiiyak.

“Lumayas ka rito, Jolina! Bago pa kita mabugb*g! Ayokong magkaapo sa isang lalaking basagulero!” sigaw nito sa kaniya dahilan para siya’y agad nang ilabas ng bahay ng kaniyang ina na awang-awa sa kaniya. 

Minabuti niya munang makitulog sa kaibigan niya noong araw na ‘yon upang magpalipas ng sama ng loob at makapag-isip-isip.

At dahil nga sa iisang barangay lang sila naninirahan ng binatang nakabuntis sa kaniya, agad nitong nalaman na siya’y napalayas dahil sa dinadala niyang tao dahilan para siya’y agad na sadyain nito sa bahay ng kaniyang kaibigan. 

“Pasensya ka na sa nadulot kong problema sa’yo, Jolina. Pangako, papanagutan ko ang bata,” sabi nito sa kaniya habang siya’y hinahawakan sa kamay.

“Hindi na kailangan, ayokong ikaw ang kilalaning ama ng magiging anak ko,” pagmamatigas niya habang patuloy na tinutulak ang binata.

“Hindi ako papayag, Jolina. Laman at dugo ko ‘yan, hindi kita pababayaan,” giit nito saka siya niyakap.

Simula nang araw na ‘yon, araw-araw na siyang dinadalaw ng binatang iyon. Palagi itong may bitbit na prutas, ilang bitamina, at iba pang masusustansyang pagkain. Nagsimula na rin itong mag-ipon ng mga gamit na kakailanganin ng kanilang anak na talagang nagbigay sa kaniya ng matinding pagtataka. 

Advertisement

“Saan kaya kumukuha ng pera ang lalaking ‘yon? Saka, sinong santo kaya ang nagpabago sa bulok niyang pag-uugali?” tanong niya sa kaibigan nang minsan na naman siya nitong padalhan ng pagkain at ilang gamit ng bata.

“Balita ko, pumasok daw ‘yon sa isang call center tapos sa umaga raw, napasok naman sa konstruksyon. Siguro, Jolina, nagbago na talaga siya para sa anak niyo,” kwento ng kaniyang kaibigan habang hinihimas-himas ang kaniyang tiyan dahilan para siya’y bahagyang mapangiti. 

Hindi nagtagal, tuluyan na ngang dumating ang araw ng kaniyang panganganak at hindi niya lubos akalaing ang binatang ito ang magtatakbo sa kaniya sa ospital dahil may trabaho ang kaniyang kaibigan.

Habang siya’y nanganganak, nasa tabi niya lang ito habang hawak-hawak ang kaniyang kamay at siya’y binubulungan ng katagang, “Kayanin mo, mahal, para sa baby natin!”

Ilang minuto pa ang lumipas, tuluyan na nga niyang nailuwal ang isang malusog na batang babae na talagang nagpaiyak sa kaniya nang husto dahil sa sobrang sayang nararamdaman.

Hindi na rin siya nagtagal sa ospital at agad na ring nakauwi kinabukasan ngunit imbes na sa bahay ng kaniyang kaibigan siya dalhin nito, sa sariling bahay nito siya inuwi kasama ang kanilang anak. 

Pumayag na rin siya sa kagustuhan nito dahil kitang-kita niya naman ang malaking pagbabago nito na labis nitong ikinasaya.

“Salamat, Jolina, sa panibagong pagkakataon. Pangako, hindi na kita bibiguin. Aalagaan ko kayong dalawa!” mangiyakngiyak na sabi ng lalaki.

Advertisement

Matapang din itong nagpunta sa bahay ng kaniyang mga magulang at doon humingi ng tawad. Kitang-kita niya kung paano ito lumuhod sa kaniyang ama na agad namang napangiti nang makita ang bitbit-bitbit niyang malusog na sanggol.

“Mukhang naalagaan mo nga sila nang mabuti, hijo, ha? Sige, pagkatiwalaan na kita alang-alang sa maganda kong apo,” wika nito sa binata saka agad na kinuha sa kaniya ang bata na talagang nagpatulo sa luha niya. 

Simula noon, tuluyan na nga silang inalagaan ng binatang iyon. Ni minsan, hindi na siya nito sinaktan o kahit binigyan ng kahit ano mang sama ng loob dahilan para kaniya na itong pakasalan.