Inday TrendingInday Trending
Nangunguha ng mga Pagkain at Gamit ang Dalagang Ito sa Kaniyang Kaibigan; Karma ang Natanggap Niya Dahil Dito

Nangunguha ng mga Pagkain at Gamit ang Dalagang Ito sa Kaniyang Kaibigan; Karma ang Natanggap Niya Dahil Dito

“Huwag mo sanang mamasamain, Grace, ha? Medyo nagigipit na kasi ako ngayon, baka naman pwedeng ikaw na ang bumili ng sarili mong pagkain at iba pang personal na gamit. Iyong mga binibili ko kasing grocery, sapat lang iyon sa akin. Madalas akong kinukulang kapag kinakain at ginagamit mo ‘yong mga binibili ko,” daing ni Carmen sa kaniyang kaibigan, isang gabi nang maabutan niyang kinakain nito ang binili niyang tinapay at gatas habang naglalaba gamit ang binili niyang sabon.

“Ay, oo naman, walang problema! Pasensya ka na, ha? Madalas ko kasing makalimutan na dumaan sa grocery store pagkatapos ng trabaho ko. Hayaan mo, huling kuha ko na ‘to sa mga grocery mo,” nakangiting sagot ni Grace habang natatarantang ubusin ang pagkaing kinuha sa kaibigan.

“Salamat naman at naiintindihan mo ako. Kung mayaman lang talaga ako, hindi mo na kailangang gumastos kahit ni singko sa apartment na ‘to. Kaso, katulad mo, may pamilya rin akong binubuhay,” sabi pa nito habang iniimis ang kaniyang mga pinagkalatan.

“Oo nga, eh. Pasensya ka na talaga, babawi ako sa’yo,” tugon niya habang ngingiti-ngiti sa kaibigan.

“Hindi mo na kailangang bumawi, ayos lang ako. Sarili mo na lang ang bilhan mo. Alam kong gipit ka rin,” wika pa nito saka tuluyang pumasok sa sariling silid.

Nangungupahan sa isang apartment sa Maynila ang dalagang si Grace kasama ang kaniyang kaibigan. Nagpasiya siyang manirahan dito upang hindi na siya bibiyahe pa nang malayo para lamang siya’y makapasok sa trabaho. Malinaw na malinaw ang usapan nilang magkaibigan bago pa sila makahanap ng apartment na matutuluyan.

Maghahati sila sa mga bayarin kagaya ng upa sa apartment at bayarin sa tubig, at kuryente. Habang ang mga personal na bagay naman katulad ng pagkain at ilan pang mga grocery items, napag-usapan nilang magkakaniya-kaniya na lamang sila.

Nasunod naman ito noong mga unang buwan nilang naninirahan doon. Kaya lang, nang makita ni Grace na sandamakmak ang binibiling grocery ng kaniyang kaibigan, naisipan niyang kumuha na lang ng makakain doon upang mas makatipid.

Katuwiran niya pa, “Mabait naman ‘yon, eh, tiyak, hindi ako pagbabawalan no’n na makihati sa pagkain niya. Saka, hindi niya naman ito mauubos lahat!”

Kaya naman, nang siya’y pagbawalan na nito nang araw na ‘yon, siya’y bahagyang nakaramdam ng sama ng loob na hindi niya agad pinakita rito. Nagsinungaling siyang ayos lang sa kaniya at naiintindihan niya ang kagustuhan nito kahit sa isip-isip niya, sinusumpa na niya ang kadamutan nito.

Kinabukasan, mas maaga na naman siyang nakauwi rito at imbis na pigilan ang sarili na kumuha ng pagkain doon, sandamakmak na pagkain pa ang kaniyang kinuha. Kumuha rin siya ng mga sabong panlaba, at ilang shampoo at sabong panligo. Sabi niya pa, “Ito na ang huling beses na kukuha ako sa grocery mo, kaya susulitin ko na!”

Agad niyang ginamit ang kinuhang sabong panlaba sa kaibigan. Nilabhan niya ang mga natirang damit na hindi niya nalabhan kahapon at ang uniporme niyang sinuot ngayon. Habang naglalaba, kaniya ring kinain ang kinuhang tinapay at gatas.

Kaya lang, unang kagat niya pa lang sa tinapay, siya’y agad na napasuka dahil sa uod na kaniyang nakita dahilan para agad niyang laklakin ang gatas na huli na niyang natuklasang panis na pala.

“Diyos ko naman!” inis niyang sabi, sisigaw pa lang sana siya nang bigla namang dumating ang kaniyang kaibigan kaya siya’y nagmadaling mag-imis ng kaniyang mga pinagkalatan.

Ngunit nakalimutan niya palang umiikot pa rin ang kanilang washing machine dahilan para siya’y tanungin nito.

“Huwag mong sabihing ginamit mo ‘yong detergent na nasa kabinet ko, ha?” sabi nito na agad niyang ikinainis.

“Anong akala mo sa akin? Walang pambili ng sabong panlaba?” masungit niyang tanong dito.

“Patingin nga kung anong naging kulay ng mga damit mo?” sabi pa nito na lalo niyang ikinainis dahilan para kuhanin niya sa washing machine ang ilan sa kaniyang mga damit.

Siya’y nanghina nang makitang lahat ng mga ito ay may kulay puti nang mantsa.

“Sabi na nga ba, eh, kumuha ka na naman sa kabinet ko. Sinabi ko namam sa’yo na huwag ka nang kukuha roon. Wala nang laman ‘yan kaya nilagyan ko na ng chlorine!” sambit nito na ikinailing-iling niya, “Nakita ko pang nasa basurahan na ‘yong sirang tinapay at gatas ko. Alam mo bang iyon ang huling pabaon sa akin ni mama? Kaya, hindi ko ‘yon kinakain, eh,” dagdag pa nito na nagbigay ng matinding pangongonsenya sa kaniya.

Nagsimula nang umiyak ang kaniyang kaibigan dahilan para siya’y agad na ring humingi ng tawad dito.

Wala na rin siyang sinayang na oras, siya’y agad na ring nagpunta sa grocery store upang bilhin ang lahat ng pangangailangan niya.

Sa ganoong paraan, naiwasan nilang dalawa ang pagtatalo at mas lalo pa silang naging komportable sa isa’t-isa.

Advertisement