
Pinalayas ng Ginang na Ito ang Matandang Pulubing Inuwi ng Kaniyang Asawa; Ito pala ang Makatutulong sa Kanila
“Diyos ko, Martin! Kailan ka ba mag-iisip nang matino, ha? Sa dami-dami ng kinakaharap nating problema sa’ting negosyo at pamilya, magdadagdag ka pa! Kilala mo ba ‘yan, ha? Wala na naman sa lugar ang pagiging maawain mo, eh!” sermon ni Elenita sa kaniyang asawa, isang gabi nang iuwi nito ang isang matandang basang-basa sa ulan sa kanilang bahay.
“Mahal, nakakaawa naman kasi itong si tatay, eh. Wala siyang masilungan ngayong may bagyo. Nakita ko siyang nanginginig sa lamig doon sa waiting shed ng barangay natin. Pwede naman na doon muna siya manatili sa bodega natin, hindi naman natin ‘yon nagagamit,” mahinahong sabi nito habang naghahanap ng damit na pupwedeng ipamalit sa matandang lamig na lamig.
“Naririnig mo ba ang mga sinasabi mo, ha? Sino magpapakain d’yan? Sino magbabayad ng idadagdag na kunsumo niyan sa kuryente natin?” galit niya pang tanong dito.
“Pupwede bang kumalma ka? Tinulak ako ng Diyos na gawin ‘to kaya alam kong may kapalit itong biyaya,” paliwanag nito sa kaniya na lalong ikinataas ng dugo niya.
“Diyos mo mukha mo! Hanggang ngayon, puro problema ang binibigay sa atin ng Diyos mo!” bulyaw niya pa rito saka agad na nagtungo sa matandang pulubi at ito’y pilit na pinaalis.
Hindi na natutuwa ang ginang na si Elenita sa kabaitang taglay ng kaniyang asawa. Kung dati’y ito ang nakapagpatibok ng puso niya, ngayo’y ang kabaitan nito ang talagang nagbibigay sa kaniya nang mataas na dugo dahilan para palagi niya itong sermunan at awayin.
Sa sobrang kabaitan kasi nito, naapektuhan na pati ang kanilang sariling negosyo ng mga pampaganda na pinaghirapan nilang itayo noong nagsisimula pa lang ang kanilang relasyon.
Noong una nama’y maayos itong napapalakad ng kaniyang asawa, kaya lang, nang dumating ang matinding krisis sa bansa, kahit hindi umuusad ang kanilang negosyo, patago pala nitong pinapasweldo ang kanilang mga empleyado na nagdulot ng matinding pagbagsak dito.
Nang kaniya itong mabuking, katwiran nito, “Nakakaawa kasi sila, mahal, eh. Wala silang mapapakain sa kanilang pamilya. Sabi nga sa Bibliya, matuto tayong tumulong sa kapwa para mas mabiyayaan tayo,” na talagang nagbigay sa kaniya ng matinding pagkainis dahil palagi nitong binabanggit ang tungkol sa Diyos na pakiwari niya, wala namang magandang naidudulot sa kanilang mag-asawa.
Matapos niyang palayasin ang matandang inuwi nito sa kanilang bahay, siya’y agad na natulog sa tabi ng kaniyang anak dahil sa sobrang inis.
Patuloy man ang pag-ulan sa labas, hindi siya naramdaman ni katiting na pangongonsenya sa ginawang pagpapalayas sa matanda at mahimbing pang nakatulog habang yakap-yakap ang anak.
Kinabukasan, pagkagising niya, wala na sa tabi niya ang kaniyang anak dahilan para agad niya itong hanapin sa kanilang bahay at agad na nanlisik ang mga mata niya nang makitang karga-karga ito ng matandang pinalayas niya habang tinutulungang magluto ng almusal ang kaniyang asawa.
“Talaga bang hindi ka makikinig sa akin, Martin?” sigaw niya.
“Mahal, kailangan natin si tatang!” agad nitong tugon saka siya nilapitan.
“Hindi natin kailangan ng pabigat at palamunin, Martin! Lugi na nga ang kumpanya natin, nagdagdag ka pa ng poproblemahin!” bulyaw niya pa rito.
“Elenita, mahal ko, maghinay-hinay ka sa mga sinasabi mo. Dating doktor at negosiyante si tatang! Kaya pala, halata sa pagsasalita niya ang talinong taglay niya! Nasabi ko sa kaniya ang problema natin sa negosyo at ngayon, may naiisip siyang paraan para mapalago muli ang negosyo natin!” kwento nito na ikinatawa niya.
“Naniwala ka naman? T*nga ka talaga! Kung doktor at negosiyante ‘yan dati, bakit biglang naging pulubi ngayon?” tanong niya.
“Ninakawan at siniraan siya ng kaniyang mga kapatid saka siya pinatapon dito sa Cavite. Taga-Zamboanga siya at hindi na niya napaglaban ang pinaghirapan niyang ari-arian doon dahil walang naniniwala sa kaniya,” kwento pa nito saka siya pinakitaan ng ilang dokumento ng matanda na nagpapatunay sa propesyon at negosyo nito.
“Pasensya ka na, hija, sa pang-aabala ko sa inyo pero magtiwala ka sa akin,” sabi nito dahilan para bigyan niya ito ng isang pagkakataon upang patunayan ang galing nito.
Simula nang araw na ‘yon, halos araw-araw na silang nag-uusap na tatlo kung paano ang pupwedeng gawin sa kanilang negosyo hanggang sa nakaisip ng isang paraan ang matanda.
“Maglabas kaya tayo ng isang produktong pampapayat? Tutal, isang doktor naman ako, alam na alam ko kung anong sangkap ang pwedeng ilagay doon na magpapapayat na sa mga tao, makapagpapaganda pa ng kanilang kutis. Siyempre, sa ligtas ngunit epektong paraan,” sabi nito na talagang nagbigay pag-asa sa negosyo nilang palubog na.
Pinondohan nga nilang mag-asawa ang naisip na paraan ng matanda gamit ang natitira nilang pera. May takot man sa puso niya dahil nga iyon na lang ang tangi nilang ipon, sumugal pa rin silang mag-asawa alang-alang sa kanilang negosyo. Tila dininig nga ng Diyos ang bawat panalangin ng kaniyang asawa dahil halos tatlong buwan lang ang lumipas, agad na nilang nabawi ang lahat ng kanilang pagkalugi.
At upang makapagpasalamat sa matanda, inuwi nila itong mag-asawa sa Zamboanga upang mabawi nito ang mga ari-arian. Kumuha rin sila ng isang maaasahang abogado na talagang nakabawi ng lahat ng ari-arian nito.
Sa ganoong paraan, mas lumawak ang kanilang negosyo dahil nakisosyo sa kanila ang naturang matanda hanggang sa kumalat na sa buong bansa ang kanilang produkto na nagbigay ng malaking biyaya sa kaniya.
“Sabi sa’yo, mahal, eh, magtiwala lang tayo sa Diyos! Lahat ng inuutos Niya, may mabuting maidudulot sa atin!” sabi ng kaniyang asawa dahilan para sa unang pagkakataon, siya’y magpasalamat sa Poong Maykapal.