Hindi basta-basta kumakain si Georgina ng mga pagkaing sa palagay niya ay “walang class.” Hindi mo siya mapapakain sa mga turo-turo, karihan, o karinderya. Sa palagay niya kasi ay marumi ang mga pagkain dito, gayundin ang mga kumakain dito. Ilang lalaki na ang nabasted niya dahil napag-alaman niyang kumakain sa mga ganitong uri ng kainan.
Mayaman ang kanilang pamilya. Isang negosyante ang kaniyang Daddy at ang kaniyang Mommy naman ay isang alahera. Ipinanganak talaga siyang may gintong kutsara sa kaniyang bibig. Likas sa kaniya ang pagiging maarte.
Minsan ay nagkaroon ng outreach activity ang kanilang seksyon, bandang Disyembre. Nagtungo sila sa isang lugar na maraming mga naghihikahos na pamilya. Magbibigay sila nang kaunting mga pagkain at iba pang mga bagay na makatutulong sa kanila. Pagkatapos ay hahandugan nila ng isang presentasyon ang mga ito. Naatasan si Georgina na maghandog ng isang awitin para sa mga nakatatanda.
Wala namang kaso kay Georgina; sa katunayan, gusto niya iyon dahil makapagpapasikat siya sa kaniyang crush na kaklaseng si Phillip, kaya gagalingan niya. Halos isang linggo siyang nag-ensayo upang mapaganda ang kaniyang pag-awit.
Maganda naman ang kaniyang pag-awit, subalit hindi niya inasahan na may isang batang lumapit sa kaniya at niyakap siya. Gulat na gulat siya at napahinto sa kaniyang pagkanta, at naibulalas ang mga pahayag na hindi dapat maipahayag.
“Oh my gosh, oh my gosh! You’re a big germ! Huwag mo kong yakapin, you are so dumi!”
Huli na nang mapagtanto niyang nakamikropono siya at nasa harapan ng mga taong naghihikahos, na nabigyan nila ng tulong. Napatulala ang lahat dahil sa mga salitang namutawi sa kaniyang bibig, lalo na ang kaniyang mga kaklase. Kabilang na si Phillip.
Nanliit siya. Nang mga oras na iyon, nais niyang lumubog sa kinatatayuan. Malaking kahihiyan ang kaniyang ginawa.
Kaya hindi siya sumabay sa shuttle service upang makaiwas sa anumang sasabihin ng kaniyang mga kaklase at propesor. Nagpasundo siya sa kaniyang driver.
Pagdating sa bahay, napansin niyang problemadong-problemado ang kaniyang mga magulang.
“What’s the matter?” tanong ni Georgina.
“Wala naman anak, wala… nag-uusap lang kami ng Dad mo,” palusot ng kaniyang Mommy, subalit batay kasi sa ekspresyon ng mukha at mga galaw nila, parang may mabigat na problema silang pilit na itinatago sa kaniya.
Habang dumaraan ang mga araw ay napapansin ni Georgina na tila aligaga ang mga magulang. Subalit ayaw nilang magsabi kung ano ang problema.
Hanggang sa mapanood na nga ni Georgina ang isang balita: nagkaroon ng isang malaking aksidente sa loob ng kanilang kompanya na naging dahilan upang mapahamak ang mga tauhan nila: isa pa rito ay sumakabilang-buhay.
Bukod sa mga danyos na kailangan nilang bayaran sa pamilya ng mga empleyadong nawala, ang kumpanyang itinaguyod ng kaniyang Daddy ay nakaambang maipasara dahil napag-alaman umano ng BIR na hindi ito nagbabayad ng tamang buwis. Kolorum ang negosyo.
Dahil doon, unti-unting naghirap sina Georgina.
Kinailangang ibenta ang kanilang mga kotse.
Kinailangang ibenta ang kanilang mala-mansyong bahay at lumipat sila sa maliit.
Naisanla at naibenta na rin ang mga paninda at personal na alahas ng kaniyang Mommy.
Naibenta na rin ang iba pa nilang pag-aari upang mabigyan ng bayad-danyos ang mga naulilang pamilya, at makapagbayad ng buwis.
Dumating sa punto na wala na silang pambili ng gaas kaya ang ginawa ng kaniyang Mommy, bumibili na lamang ito ng mga lutong-ulam sa karinderya.
“Mom… alam mo namang hindi ako kumakain ng mga paninda sa karinderya, ‘di ba?” naiiyak na sabi ni Georgina.
“Georgina, anak… kailangan nating mag-adjust sa bagong buhay natin ngayon. Wala tayong pambili ng gaas at kailangan nating magtipid-tipid ngayon sa pagkain. Huwag kang mag-alala dahil makakabawi rin naman tayo. Pansamantala lamang ito,” pagtitiyak ng kaniyang Mommy.
At wala na ngang nagawa si Georgina kung hindi kainin ang mga pagkaing dati ay pinandidirihan niya.
Napagtanto niya na masarap naman pala ang mga pagkain sa turo-turo, karihan at karinderya. Hindi naman porke’t sa simpleng kainan lang ito nabili ay marumi na.
Kaya naman naisip ni Georgina na hindi pala dapat nangmamaliit ng isang tao o maging ng isang bagay, dahil walang nakakaalam na baka sa susunod, ito na pala ang nakatadhana para sa iyo.
Umalis na rin si Georgina sa mamahaling unibersidad at lumipat sa isang pampublikong paaralan, na kalidad naman ang pagtuturo.
Napag-isip-isip ni Georgina na ang tao ay dapat marunong magbago at makiangkop sa mga sitwasyong kaniyang kinahaharap. Kung sakali mang swertehin sila at makaahong muli sa kinasasadlakan, hinding-hindi pa rin niya kalilimutan ang mga aral na kaniyang natutunan.