
Nagkaroon ng Hindi Pagkakaunawaan ang Babae at Magiging Biyenan Niya Dahil sa Isang Utang; May Kasalan Pa Kayang Magaganap?
Masayang-masaya sana ang relasyon nina Ryza at Eric subalit parang ayaw nang ituloy ng babae ang pagpapakasal kay Eric, dahil sa Mama at kapatid nito.
Umutang kasi kay Ryza ang Mama ni Eric. Nahihiya naman si Ryza na huwag pautangin ang magiging biyenan, kaya naman pinautang niya ito sa pagbabakasakaling magbabayad kaagad ito.
Subalit dumating na nga ang panahon na kinakailangan na nga ni Ryza ang perang pinautang niya sa biyenang hilaw. Sinubukan niya itong singilin. Hindi ito nakapagbayad.
“Pasensya ka na, eh hindi pa ako makakapagbayad sa ngayon eh. Huwag kang mag-alala, kapag binigyan na ako ni Eric ng pera, babayaran kaagad kita,” nakangiting sabi nito sa kaniya.
Subalit ang akala niyang maayos na pag-uusap nila ay labis pala nitong minasama.
“Galit na galit si Mama, Ryza. Tumawag siya sa akin kanina. Siningil mo raw siya sa utang niya?” untag sa kaniya ni Eric nang magkita sila.
“Tinawagan pa talaga ako kahit na nasa kalagitnaan ako ng client meeting para lang ikuwento ang mga nangyari. Ano ba talaga ang nangyari? May pagkakataon bang nabastos mo siya?”
“Ha? Paanong bastos? Hindi ko naman binastos ang Mama mo, at bakit ko naman gagawin ‘yun sa kaniya? Oo, totoo na nagpunta ako sa bahay ninyo kanina para personal na maningil at kumustahin na rin siya. Nabanggit ba niya sa iyo na nagdala pa ako ng isang basket ng mga prutas pasalubong sa kaniya? Pero wala akong natatandaang binastos ko siya,” sabi ni Ryza.
“Baka naman wala ka ngang nasabing hindi magandang salita pero baka yung ekspresyon ng mukha mo naman, o tono ng pananalita mo ay medyo galit? Alam mo naman si Mama, medyo sensitibo pagdating sa mga ganyang bagay.”
“Eric, wala akong ginawang masama sa Mama mo. Piling-pili pa nga ang mga salitang binitiwan ko para sa kaniya. Huwag naman sana niyang masamain ang paniningil ko.”
Subalit lumala nang lumala ang isyu. Simula noon ay lagi nang nababasa ni Ryza na may parinig ang Mama ni Eric sa social media account nito, gayundin ang nakababatang kapatid ni Eric. Tila may pinatatamaan.
“Ibabalik naman kaagad eh… hindi makapaghintay?”
“Kababaang-loob pa rin talaga… hindi mo madadala ang perang kakapiranggot sa hukay. Pakikipagkapwa-tao pa rin ang mananaig.”
Bagay na hindi nagugustuhan ni Ryza kaya sinabi na niya ang mga ito kay Eric.
“Baka naman paranoid ka lang? Huwag ka naman mag-isip ng kung ano-ano.”
“Ah basta, Eric. Kahit na wala silang pangalang binabanggit, pakiramdam ko kasi ay ako ang pinariringgan nila. Alam naman nilang may engkuwentro kami sa bagay na ‘yan. Puwede bang pagsabihan mo sila, o pakiusapan mo sila na itigil na ang pagpaparinig nila sa social media? Kung may nais silang sabihin sa akin, puwede naman silang makipag-usap nang maayos at diretsahan.”
“Hayaan mo kakausapin ko sina Mama at Jessy,” pangako na lamang ni Eric.
Subalit mas lalo yatang nagalit ang Mama ni Eric dahil sa kaniyang ginawa. Sa pagkakataong ito ay nakatanggap na siya ng text message mula rito.
“Inaway ako ni Eric dahil sabi mo raw, nagpaparinig ako sa social media. Mahadera ka pala. Huwag kang mag-alala, magbabayad ako sa utang ko, isasampal ko pa sa mukha mo.”
Sa pagkakataong ito ay nagalit na talaga si Ryza. Ipinakita niya ang text message nito kay Eric. Hindi naman makapaniwala si Eric na masasabi iyon ng kaniyang Mama.
“Gusto mo magpunta na tayo sa bahay para magharap-harap na tayo? Ikakasal na tayo, Ryza. Magiging iisang pamilya na tayo. Hindi naman siguro maganda kung ganito ang magiging unang engkuwentro ninyo sa isa’t isa.”
Sumang-ayon naman si Ryza. Sumama siya kay Eric upang makausap nang personal ang Mama nito at matanong tungkol sa text message nito sa kaniya.
“Oh hayan na…” malamig na sabi nito at iniabot ang isang sobre kung saan naglalaman ng perang pambayad sa utang kay Ryza. “Bayad na ako ah. Salamat sa pagpapautang mo sa akin.”
“Tita… gusto ko lang pong malaman kung saan po kayo nabastusan sa nangyayaring paniningil ko sa utang, at bakit naman po mahadera ang tinawag ninyo sa akin sa ipinadala ninyong text message? Gusto ko lang pong malinawan,” mahinahong tanong ni Ryza.
“Ryza, iha, kung may delicadeza ka, dapat hindi ka naniningil at hayaan mong ako ang magbayad sa araw na gusto ko. Magiging biyenan mo na ako, ‘di ba? Nagtataka nga ako sa iyo kung bakit sinisingil mo ako eh. Dapat nga bigay na lang ‘yan.”
Dito na nagpanting ang tenga ni Ryza. Taliwas ito sa prinsipyong itinuro sa kaniya ng mga magulang.
“Mawalang galang na ho, Tita, kaya lang po, ang turo sa akin ng mga magulang ko, magkakaibang bagay po ang utang sa bigay. Kapag sinabi pong utang, may responsibilidad ang umutang na ibalik sa inutangan ang perang hiniram, at kapag bigay naman po, kusang-loob po ito ng magbibigay at hindi kailangang ipilit,” pagpapaliwanag ni Ryza. Sinisikap pa rin niyang maging kalmado upang hindi na naman maging isyu ang pagtataas niya ng tinig.
“Kung gayon, mali ang turo sa iyo ng mga magulang mo,” maya-maya ay sabi nito.
“Tita, huwag na po ninyong idamay rito ang mga magulang ko. Wala po kayong karapatang sabihin na mali ang mga turo nila. Sige ho, aalis na ho ako…” hindi na nakatiis pa si Ryza at umalis na siya. Humabol naman sa kaniya si Eric.
“Babe.. sorry sa ginawa ni Mama. Ako na humihingi ng dispensa. Hayaan mo, kapag ikinasal na tayo, mas lalambingin pa natin siya,” paghingi ng paumanhin ni Eric para sa kaniyang mama.
Napatingin si Ryza kay Eric.
“Eric… mahal na mahal kita… pero palagay ko, hindi ko kayang makasama at makisama sa Mama mo… kaya ang mabuti pa, maghiwalay na lang tayo. Kung ikakasal tayo, magiging bahagi na ako ng pamilya ninyo, at kung ngayon pa lang ay ginaganyan na niya ako, paano pa kaya kapag mag-asawa na tayo? Ayokong dumating sa punto na pati ang pagiging asawa at ina sa mga anak natin ay pakikialaman at panghihimasukan niya. Nakikita kong mangyayari iyon batay sa ugali niya.”
Walang nagawa si Eric kung hindi igalang ang desisyon ni Ryza.
Makalipas ang ilang linggo, nagulat si Ryza nang makipagkita sa kaniya ang Mama ni Eric. Humingi ito ng tawad sa mga nagawa at nasabi nito. Ito pa mismo ang humimok sa kaniya upang ituloy na ang kasal sa anak. Nangako ito na hindi manghihimasok sa buhay nilang mag-asawa.
Subalit nanindigan sa kaniyang paniniwala si Ryza. Naniniwala siya na maaari silang magmahalan ni Eric, at ang pag-ibig ay hindi kasal.
Kahit hindi kasal ay masaya namang nagsama sina Ryza at Eric. Kung talagang sila ang para sa isa’t isa, ikakasal din sila sa tamang panahon at pagkakataon, ayon sa kalooban ng Diyos.