
Iniligtas ng Babae ang Isang Dalagita na Muntik Nang Manakawan ng Isang Batang Kalye; Ano ang Ugnayan Nila sa Isa’t Isa?
Nag-aabang ang dalagitang si Andrea sa labas ng isang mall nang biglang may batang kalye na lumapit sa kaniya at pilit na hinahablot ang kaniyang bag. May bitbit na plastik ang bata na naglalaman ng sinisinghot nitong rugby.
“Tulong! Tulong! Tulungan po ninyo ako!” hintakot na paghingi ng saklolo ni Andrea. Hindi siya sanay na sumasakay ng pampasaherong sasakyan.
“Hoy! Tigilan mo siya! Alis!”
Nataranta naman ang batang kalye at nagtatakbo na ito palayo.
“Ayos ka lang, miss? Nasaktan ka ba? May nakuha ba siya sa iyo?” tanong ng babaeng tumulong kay Andrea.
“W-Wala naman… mabuti nga at bigla kang dumating. Salamat ha? Ako nga pala si Andrea,” pagpapakilala ni Andrea. Iniabot niya ang kanang kamay sa babaeng nagligtas sa kaniya.
“Ako nga pala si Melai, 18 taong gulang. Taga-Romblon ako pero bagong salta rito sa Maynila, hahanap sana ako ng trabaho eh. Nagkataon naman na nakita kita rito habang naglalakad-lakad. Saan ka ba pupunta?” untag nito.
“Pauwi na sana ako sa amin kaya inaabaangan ko yung pagdating ng driver namin,” tugon naman ni Andrea.
“Ah ganoon ba? Mabuti na lang talaga at nagawi ako rito. Sige ha, Andrea, hahanap pa ako ng mga bahay na naghahanap ng kasambahay o katiwala nila. Ingat ka.”
“Teka, teka… naghahanap ka ba ng mapapasukang bahay? Nangangailangan kami ng karagdagang kasambahay kasi bumalik na sa probinsya nila yung labandera namin. Baka gusto mong mag-aplay na lang sa amin? Stay in nga lang,” nakangiting alok ni Andrea kay Melai.
Nagningning ang mga mata ni Melai.
“Naku, talaga ba? Hindi na ako mahihiya ha. Kailangang-kailangan ko rin kasi talaga, may sakit kasi ang Mama ko kaya kailangan ko talaga ng raket. Maraming salamat ha?”
“Wala ‘yun, saka pagtanaw ko na rin ito ng utang na loob sa ginawa mong pagliligtas sa akin,” nakangiting sabi ni Andrea.
“Ano ka ba… wala ‘yun. Hindi naman lahat ng pabor na ginagawa sa isang tao ay kailangang suklian,” saad naman ni Melai.
Kaya naman sumabay na si Melai kay Andrea nang dumating na ang sundo nito. Umaatikabong kuwentuhan ang naganap hanggang sa maya-maya ay nakarating na rin sila sa napakalaking bahay nina Andrea, na nasa loob ng isang eksklusibong subdivision.
“Grabe ang yaman-yaman mo naman, Andrea! Siguro maganda ang trabaho ng mga magulang mo, lalo na ang Papa mo ‘no?” untag ni Melai.
“Ah sina Papa at Mama ang mayaman, hindi ako. Si Papa talaga ay napakasipag na negosyante, si Mama naman ay isang magaling na dentista. Tara pasok tayo at ipapakilala kita sa kanila. Nakapag-text na ako sa kanila na may ipapakilala akong aplikante.”
Pagpasok sa loob ng magarang bahay ay tila sumeryoso ang mukha ni Melai, lalo na nang makaharap ang Papa at Mama ni Andrea. Siguro ay dahil kailangang ipakita na seryoso sa paghahanap ng trabaho at mapagkakatiwalaan.
Ibinida ni Andrea sa kaniyang mga magulang kung paano siya iniligtas ni Melai sa nakaambang panganib. Hindi naman magkamayaw ang dalawa sa labis na pagpapasalamat.
“Maraming salamat, Melai, sa kabutihang ginawa mo sa aming anak na si Andrea,” pasasalamat ng Mama ni Andrea na si Sonia. “Magaan ang loob ko sa iyo, hija.”
“Wala ho iyon, Ma’am, Sir,” nakangiting sabi ni Andrea.
“Oo nga. Kaya naman, tanggap ka na rito sa amin bilang kasambahay. Dito ka na matulog ngayong gabi, at bukas ka na magsimula. Sumalo ka sa aming pagkain mamaya para naman makapagpasalamat kami sa iyo. Hindi ko alam ang gagawin ko kung mawawala ang unica hija ko,” nakangiting pasasalamat ng Papa ni Andrea, na si Carlos.
“Unica hija? Siya lang po ba ang anak ninyo? Wala na po ba kayong ibang anak?”
Natigilan ang tatlo nang makita ang biglaang pagseryoso ng mukha ni Melai, at ang tila may diin nitong pagtatanong. Napansin naman ito ni Melai, kaya bigla rin siyang bumawi ng pagkatamis-tamis na ngiti.
“Ay… ang ibig ko pong sabihin ay wala na po bang ibang kapatid si Andrea, o si Ma’am Andrea?” tanong ni Melai.
“Oo, wala na. Kaya mahal na mahal namin si Andrea. Hindi namin hahayaan na may manakit sa aming unica hija,” sabi naman ni Carlos.
Hindi nila napansin ang pagtiim ng mga bagang ni Melai…
Naging maayos naman ang pagtatrabaho ni Melai sa bahay nina Andrea. Naging masipag siya at talaga namang hindi nag-aksaya ng oras. Nagustuhan naman kaagad siya nina Carlos at Sonia.
Ngunit isang araw, Linggo, nagsimba ang buong pamilya sa chapel na nasa loob ng kanilang subdivision. Ang ibang mga kasambahay naman ay nagsipag-day off at nasa kani-kanilang mga lakad at uwi sa pamilya. Ang tanging naiwan ay si Melai.
Nagulat na lamang sina Carlos at Sonia nang madatnan nila sa kanilang kuwarto si Melai: nakaupo ito sa kanilang kama at umiiyak. May yakap-yakap itong isang malaking picture frame. Nagulat din ito nang makita sila. Hindi nito inaasahan ang maaga nilang pagdating mula sa pagsisimba.
“M-Melai? Anong ginagawa mo rito sa kuwarto namin? At bakit ka umiiyak?” untag ni Sonia.
Umakyat na rin si Andrea at nakiusyoso.
“M-Melai? Anong nangyayari?”
Sumeryoso ang mukha ni Melai. Marahas na ipinahid ang kamay sa mukhang tigmak ng luha.
“Palagay ko, kailangan n’yo nang malaman ang katotohanan. Tama na ang pagkukunwaring ito. Nasasaktan ako. Nasasaktan akong masaya kayo, habang kami ng Inay ko, nagdusa, dahil sa kagagawan mo!”
At dinuro ni Melai si Carlos. Namutla naman si Carlos sa ginawa ni Melai.
“Sumakabilang-buhay si Inay nang dahil sa kagagawan mo, hindi mo siya pinananagutan. Natatandaan mo ba si Roseminda Macatugal? Ha? Siya lang naman ang binuntis mo at pinangakuan mong pakakasalan, pero ang ending, iniwan mo rin! Heto siya! Heto siya!” at ipinakita ni Melai ang yakap-yakap na litrato ng kaniyang ina kay Carlos.
Namutla naman si Carlos nang mamukhaan ang babaeng tinutukoy ni Melai.
“Oo, ako ang bunga. Ayaw ko mang mangyari, ako ang anak mo sa kaniya. Anak na hindi pinanagutan. Anak na hindi man lang kinilala!”
Gulat na gulat sina Sonia at Andrea sa rebelasyong isiniwalat ni Melai.
“Totoo ba ang sinasabi niya, Carlos? Totoo ba?” umiiyak na untag ni Sonia kay Carlos.
At umamin na nga si Carlos tungkol sa kaniyang naunang relasyon.
“Ginawa ko ang lahat para mapalapit sa pamilyang ito. Oo, Andrea… ako ang nag-utos sa bata na gumawa ng gulo para mapalapit sa ‘yo. Para mapasok ko ang bahay na ito.”
Hindi naman makapaniwala ang tatlo sa kanilang mga narinig.
“Ang gusto ko lang ay kilalanin mo ako bilang anak mo…”
Nilapitan ni Carlos si Melai at niyakap ito. Hindi na siya nagsalita pa.
“Hindi ko alam na nagkaanak pala kami… patawarin mo ako…”
At isinalaysay na nga ni Carlos nang buong-buo sa kanila kung ano nga ang mga nangyari. Nagkahiwalay sina Carlos at ang ina ni Melai dahil kinakailangang mag-abroad ni Carlos: ayaw sumama sa kaniya ng dating karelasyon kaya nagpasya na lamang silang maghiwalay. Lingid sa kaalaman ni Carlos na nagdalantao pala ito, dahil hindi na ipinaalam sa kaniya. Nawalan na rin kasi sila ng komunikasyon sa isa’t isa, dahil hindi pa uso ang mabilis na komunikasyong dulot ng social media noon.
Matapos ang matagal na pag-uusap ay tinanggap na rin ng kanilang pamilya si Melai na kabilang sa kanilang pamilya, dahil matagal na palang sumakabilang-buhay ang ina nito at wala nang ibang uuwian.